October 20, 2002
NOONG isang linggo ay ipinakita ko na ang Panginoong Hesus ay siya ring si 
Yahweh. Ito ay sa pamamagitan ng pagpapakita ko na ibinigay at ginamit para sa 
Kanya ang pangalan ng nag-iisang Diyos.
Sabi ko nga, noong unang panahon ay natakot ang mga Hebreo na tawagin ang 
Diyos sa pangalan nitong “Yahweh.” Hindi raw kasi karapat-dapat na banggitin ng 
makasalanang labi ang busilak na pangalan ng Maykapal.
Imbes na banggitin ang “Yahweh,” ginamit nila ang titulo na “Adonai” na ang 
katumbas sa Ingles ay “Lord” at “Panginoon” naman sa Pilipino. Tingnan ang 
halimbawa sa Exodus 15:3, “Ang Panginoon ay isang mandirigma, PANGINOON ang 
Kanyang pangalan.”
Sa Bagong Tipan na unang isinulat sa Griyego at sa Lumang Tipan na salin sa 
Griyego, ang “Adonai” ay isinalin bilang “Kyrios.” Ibig sabihin, ang “Yahweh” ay 
katumbas ng “Adonai” sa Hebreo at katumbas din ng “Kyrios” sa Griyego.
Itong titulo na “Kyrios” na tanging sa Diyos lang ginamit ng mga unang 
Kristiyano ay siya ring ginamit na titulo para kay Hesus. Isang patunay rito ang 
John 14:5 nang magsalita si Tomas at sinabi kay Hesus, “PANGINOON (Kyrios) ko at 
Diyos ko!”
Sa tamang pagbabasa ng Bibliya ay malinaw ang paghahayag na si Hesus ay 
Diyos, pero bilang Diyos ay may sariling persona na hiwalay sa persona ng Diyos 
Ama. Sa ibang salita ay dalawa silang persona ng iisang Diyos.
Pero hindi rito tumitigil ang pahayag ng Bibliya tungkol sa Diyos na ating 
kinikilala. Sa Matthew 28:19, ipinapakita na hindi lang ang mga persona ng Diyos 
Ama at Diyos Anak ang gumagamit ng pangalang “Yahweh,” “Adonai” o “Kyrios.”
Sinasabi ng talata, “Humayo kayo at gawing disipulo ang lahat ng bansa. 
Binyagan ninyo sila sa NGALAN ng Ama, at ng Anak at ng Espiritu Santo.”
Malinaw sa talata na maging ang Espiritu Santo ay kinikilala rin sa iisang 
pangalan na angkin ng Ama at Anak. Sa madaling salita, ang Espiritu Santo ay 
nakikiisa rin sa pagka-Diyos ng Diyos manapat may taglay itong sariling 
persona.
Sa gustong umintindi, madaling makikita na iisa ang Diyos na may tatlong 
indibidwal na persona. ’Yan ang tinatawag sa mga Katoliko Kristiyano na Doktrina 
ng Banal na Sangtatlo o Holy Trinity
 
No comments:
Post a Comment