Tuesday, November 8, 2011

Ang Bibliya, bow!

Enero 12, 2003


PAGPAPATULOY ito ng ating lingguhang pagtalakay tungkol sa Bibliya, "Ang Salita ng Diyos."

Last Sunday, binigyan ko kayo ng ilang paraan kung paano tinitingnan ng maraming tao kung ano ang ibig sabihin ng Bibliya bilang "Salita ng Diyos."

Okay, i-review natin ang mga ito.

Para sa marami, ang ibig sabihin nito ay "totoo" at "eksakto" ang lahat ng nakasulat sa Bible. Nilulunok nila at tinatanggap ang bawat sinasabi at pagsasalarawan dito.

Halimbawa nga ay naniniwala sila kung paano isinalarawan sa Genesis chapter 1 ang paggawa ng Diyos sa mundo at lahat ng nilikha ay ganoon nga ang nangyari. Dahilan ito para sabihin nila na "mali" o lihis sa aral ang sinasabi ng siyensiya tungkol rito.

Mayroon ding tumuturing sa Bibliya bilang libro na para bang inihulog ng Diyos mula sa Langit. Para sa kanila, isinulat ng Diyos ang Bibliya sa Langit at saka ibinigay sa mga tao. At dahil Diyos ang nag-iisang may akda o author nito ay puwede nilang pagdugtong-dugtungin ang mga nakasulat dito.


ANONG 'CONTEXT-CONTEXT?'

Context? Wala 'yun sa kanila. Makikilala ninyo ang mga taong ganito ang paniniwala dahil kukuha sila ng isang talata sa New Testament at idudugtong sa talata sa Old Testament at saka sasabihing, "Ayan mga kapatid, malinaw ang sinasabi ng Bibliya."

Marami ang naniniwala na kahit na sino ay puwedeng gumawa ng sarili nilang "interpretasyon" sa Bibliya. Basta raw nanalangin sila at hiningi ang guidance ng Espiritu Santo ay puwede na nilang ipaliwanag ang mga teksto.

Lahat sila ay "sugo" ng Diyos at lahat sila ay "tama" ang sinasabi hangga't meron silang maituturong bersikulo na susuporta sa gusto nilang sabihin.

Sa kabila nito ay naroon ang mga naniniwala na ang Bibliya ay "Salita ng Diyos" na nasusulat sa "salita ng tao." Ibig sabihin, para maintindihan ang gustong sabihin ng "Salita ng Diyos" mahalaga na maunawaan din ang konteksto o kalalagayan ng mga taong sumulat nito.

Sino sa kanila ang tama?

Para malaman natin ang sagot, tingnan muna natin kung ano at paano ba nagkaroon ng Bibliya.


ANG BIBLIYA

Ang Bibliya ay ang "collection" o katipunan ng mga aklat, sulat, kuwento, tula, awit at iba pang literatura na itinuturing na galing sa hininga o inspired ng Diyos.

Hindi sila sabay-sabay na isinulat. Hindi rin sila isinulat sa iisang lugar o sa iisang panahon.

Ang iba't-ibang bahagi ng Bibliya ay nasulat sa loob ng 1,500 taon, mula sa panahon bago isilang ang bansang Israel hanggang sa unang 100 taon ng pananampalatayang Kristiyano.

Sa loob ng mahabang panahon na ito, may mga kasulatan na nabuo sa iba't-ibang sitwasyon. Nariyan ang sitwasyon na naghahari ang mga Israelita at may sitwasyon na sila ay naaalipin.

Kung papansinin ninyo, maraming bahagi ng Banal na Kasulatan ang may partikular na audience o kinakausap samantalang ang iba naman ay "for general patronage" o para sa lahat. Halimbawa, sa Bagong Tipan, sumulat si San Pablo sa mga taga-Efeso o taga-Corinto.

Sa mga kasulatan ni Pablo may iba-ibang problema na kanyang gustong tugunan. Pero may pagkakataon naman na gusto lang niyang papurihan o paalalahanan ang ilang Kristiyano o ipaabot sa kanila ang kanyang aral.

Sa kabuohan, makikita natin na hindi iisa ang nagsulat ng mga nakalagay sa Bible. At baka magulat kayo na may mga sulat sa Bibliya na sinasabing gawa ng isang tao pero hindi naman talaga siya ang may gawa nito.

Isang magandang halimbawa ay ang sinasabing "limang aklat ni Moises," ang Genesis, Exodus, Leviticus, Numbers at Deuteronomy. Marami ang naniniwala na si Moises nga ang nagsulat sa limang aklat na ito dahil iyon daw ang nakasulat sa Bibliya.


MALING PAG-INTINDI

Pero nagkakamali sila dahil hindi nila naiintindihan ang tunay na ibig sabihin ng Bibliya pagdating dito. Hindi kasi nila naiintindihan ang ibig sabihin ng Bibliya kung "authorship" o pagma-may akda ang pinaguusapan.

Ngayong alam na ninyo na sa iba't-ibang panahon at sitwasyon at iba-iba ang nagsulat ng Bible, maaaring ma-realize ninyo na hindi pala tama na basta na lang pinagdudugtong-dugtong ang mga talata sa Kasulatan.

Halimbawa, ang mga salitang "bayan ng Diyos" ay may ibang kahulugan sa Luma at Bagong Tipan. Sa Old Testament, ito ang Israel na inilabas ng Diyos mula sa pagkakaalipin sa Ehipto.

Sa Bagong Tipan, ang "bayan ng Diyos" ay ang Iglesya o Simbahan na tinubos na ng dugo ng Panginoong Hesu Kristo.

Marami ang nagkakagulo sa simpleng bagay na ito dahil pinaghahalu-halo nila ang kahulugan ng bawat isa sa mga ito. At diyan n'yo makikita kung tama ba o mali ang paniniwala ng maraming tao.

Next Sunday, paano ang tamang pagbasa sa Bibliya.

No comments:

Post a Comment