Tuesday, November 29, 2011

Ipagmamalaki mo ba ang pumatay sa mahal mo?

Hunyo 13, 2003


MAY tanong ang reader natin na tinatawag ang sarili niyang "Timoteo Pablo." Sabi niya, "Kung meron kayong mahal sa buhay na namatay sa baril magsusuot ba kayo ng baril sa leeg n’yo?"

Tiyak na ang tinutukoy mo ay may kaugnayan sa krus ni Kristo.

Ang kasunod kasi na tanong diyan ay "Hindi ba si Hesus ay namatay sa krus? Eh bakit nagsusuot ng krus ang mga Katoliko?"

Pero mamaya na natin ‘yan tutumbukin.

Sasagutin ko muna ang tanong ni "Timoteo Pablo."

Para sa isang tao, ang unang bugso ng damdamin niya ay sasabihin niyang "Hindi."

Hindi siya magsusuot ng baril kung sa baril namatay ang isa niyang mahal sa buhay.

‘Yan kasi ang natural na sagot ng isang tao.

Natural kasi sa tao ang maging emosyonal. Natural sa tao na maunahan ng damdamin. Kaya nga may mga tao na kumukuwestiyon sa Diyos.

Ang hindi alam ng marami ay ibang mag-isip ang Diyos kaysa sa tao.

Ganito ang sabi sa Isaiah 55:8-9,

"Ang aking pag-iisip ay hindi ninyo pag-iisip kahit ang inyong pamamaraan ay hindi ko pamamaraan, sabi ng Panginoon."

"Kung gaano kataas ang mga langit sa daigdig ay ganoon din kataas ang aking mga pamamaraan sa inyong pamamaraan at ang aking pag-iisip sa inyong pag-iisip."

In short, may mga bagay na kung tao ang titingin ay mukhang kalokohan pero sa Diyos ay maaaring may malalim na kahulugan.

Isang halimbawa na nga riyan ang Krus ni Kristo.

Para sa mga sinaunang tao, partikular ang mga Hudyo, ang krus ay isang "sumpa."

Sinasabi sa Deuteronomy 21:23,

"Huwag ninyong iiwan ang kanyang bangkay sa puno nang magdamag. Tiyakin ninyong mailibing siya sa araw ding iyon dahil sino man na nakabitin sa puno ay ISINUMPA ng Diyos."

Kaya nga kung isang Hudyo ang tatanungin ay tiyak na hinding-hindi sila magsusuot ng "krus" sa kanilang leeg.

Pero dahil mas matayog ang pag-iisip ng Diyos ay nagbago ang kahulugan ng krus.

Ginamit ng Diyos ang krus na isang instrumento ng kamatayan at isang sumpa para sa mga Hudyo at ginawa itong instrumento ng pagliligtas.

Basahin natin ang sinasabi ng Galatians 3:13,

"TINUBOS tayo ni Kristo mula sa sumpa ng kautusan sa pamamagitan ng pagiging isang sumpa para sa atin."

Kinuha ng Diyos ang isang bagay na ginagamit noon para ipakita ang kahinaan ng tao at ginawa itong bagay na simbolo ng Kanyang kapangyarihan.

Ganito ang sabi ng 1Cor 1:18,

“Ang mensahe ng krus ay kagaguhan sa mga napapahamak pero para sa ating mga inililigtas ito ang kapangyarihan ng Diyos.”

Malinaw sa mga sinasabi ng Banal na Kasulatan na ang krus ay hindi isang bagay kung saan pinatay lang ang Panginoon na minamahal nating lahat.

Kung magtitiwala tayo sa Diyos at kikilalanin ang Kanyang karunungan ay makikita natin na ang krus ay isang simbolo ng kaligtasan at hindi ng parusa at kamatayan.

Iyan ang dahilan kung bakit ang mga Katoliko ay naglalagay ng mga krus sa kanilang mga bahay.

Iyan din ang dahilan kung bakit ang mga Katoliko ay nagsusuot ng krus sa kanilang mga leeg.

Gustong ipagmalaki, ipagyabang at ipahayag ng mga Katoliko ang pagliligtas na ginawa ni Kristo.

Kung si Kristo ay nanatiling patay at hindi na nabuhay muli, maaaring magkaroon pa tayo ng dahilan na katakutan o pandirihan ang krus.

Pero dahil ang krus ay naging daan para mabuhay na muli ang Panginoon, hindi na ito simbolo ng kamatayan kundi simbolo na ng BUHAY.

Ngayon, kung mayroon mang dapat matakot sa krus at hindi magsuot ng krus, ito ang diyablo.

Bakit? Dahil sa pamamagitan ng krus ay PINATAY ni Hesus ang KAMATAYAN.

Kaya nga may pagmamalaking naitatanong ni San Pablo sa 1 Corinthians 15:55,

"O kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay? O kamatayan, nasaan ang iyong bangis?"

Nasaan na ang "bangis" ng kamatayan?

Wala na. Dahil ayon sa verse, sa 57,

"Salamat sa Diyos! Binibigyan niya tayo tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesu Kristo."

Ang tagumpay na iyan ay idinaan sa krus.

No comments:

Post a Comment