Tuesday, November 29, 2011

Nasaan na ang Iglesiang itinatag ni Kristo?

Hunyo 14, 2003


NITONG mga nakaraang mga Sabado at Linggo ay tinalakay natin ang Iglesia o ang Simbahan.

Nito ngang nakalipas na Linggo ay ipinakita ko na naka-ugat ang konsepto ng Iglesia sa karanasan ng mga Hudyo nang sila ay tawagin at tipunin ng Panginoong Diyos mula sa pagkakaalipin sa Ehipto.

Sa pagdating ng Panginoong Hesus ay tinawag at tinipon Niya ang Kanyang kawan at ito na nga ang pinagmulan ng Kristiyanong Iglesia o Simbahan. Sa madaling salita, ang Iglesia ay ang "Bayan na Tinawag at Tinipon ni Kristo."

Kung titingin tayo sa ating kapaligiran ay mapupuna natin na napakaraming grupo ang nagsasabing "Church" sila o "Iglesia" o "Assembly" o "Fellowship" ng Diyos. Sa madaling salita, marami ang nagpapakilalang "tunay" na "Bayan ng Diyos."

May mga nagsasabing "pare-pareho" lang naman ang mga iyan. Iisang Diyos din naman daw ang sinasamba sa mga ito kaya puwede tayong maging miyembro ng kahit na ano sa kanila.

Samantala, mayroon din namang nagpupumilit na "sila lang" ang maliligtas dahil sila ang "totoo" at nasa kanila ang "tunay at busilak" na aral ng Diyos.

Sa totoo lang ay marami ang nalilito. Kaya nga marami ang nagpapalipat-lipat ng samahan o simbahan. Pilit nilang hinahanap ang "tunay."

Makalipas ang halos 2,000 taon mula nang tawagin, tipunin at itatag ni Kristo ang kanyang Iglesia at nagsulputan ang iba't-iba at sari-saring grupo ay tama ba na sumang-ayon na lang tayo na "pare-pareho" ang mga "iglesia?"

Kung pagbabatayan natin ang Banal na Kasulatan ay maliwanag na "hindi" ang sagot. Hindi pare-pareho ang mga nagsulputang mga "iglesia."

Ganito ang sabi ng Panginoon sa Matthew 16:18,

"At sinasabi ko rin sa iyo: Ikaw ay Pedro at sa ibabaw ng batong ito ay ITATAYO KO ANG AKING IGLESIA."

Ang itinayo ni Kristo ay iisang "Iglesia." Hindi Niya sinabing "itatayo ko ang aking mga iglesia." At although maraming iba't-ibang iglesia na binabanggit sa Bibliya, ang lahat ng ito ay bahagi ng iisang Katawan at Kawan ni Hesus.

Ganito naman ang sabi sa John 10:16,

"Mayroon akong ibang mga tupa na wala sa kawang ito. Sila rin ay dapat kong dalhin at diringgin nila ang aking tinig. At MAGKAKAROON NG ISANG KAWAN AT ISANG PASTOL."

So kung marami ang nagsasabi na sila ay "iglesia" o "simbahan" o "bayan ng Diyos," hindi siguro lahat sila ay nagsasabi ng totoo. Ang lalabas ay isa lang sa kanila ang tunay at ang lahat ng iba pa ay nagkukunwari na lang.

Tugma ito sa babala ni Hesus sa Matthew 24:24,

"Dahil lilitaw ang mga huwad na kristo at huwad na propeta at magpapakita sila ng kamangha-manghang tanda at himala para linlangin maging ang mga pinili - kung iyon man ay maaari."

Idinagdag pa Niya sa verse 25,

"Tingnan ninyo, sinasabi ko na ito bago pa ang panahon na iyon."

So, noon pa man ay nag-warning na ang Panginoon na marami ngang magpapakilala na nasa kanila ang kaligtasan. Pero ano ang sabi Niya sa Matthew 24:23,

"Sa panahon na iyon kung may magsasabi sa inyo ng "Tingnan ninyo, narito si Kristo!" o "Naroon siya!" huwag kayong maniniwala."

Ito ay dahil nga pilit na ililigaw ang mga miyembro ng Iglesia na itinatag ni Kristo.

Kung ganoon, paano natin malalaman kung alin sa mga "iglesia" o "simbahan" ngayon ang tunay na Iglesia na itinatag ni Kristo?

Ang kasagutan ay makikita natin sa pag-aaral ng Banal na Kasulatan at sa pag-aaral ng kasaysayan.

Una ay tingnan natin ang mga sinasabi ng Bibliya tungkol sa Iglesiang ito. Simulan natin sa mismong pagtatatag na ginawa ng Panginoon. Babalikan natin ang sinasabi sa Matthew 16:18,

"At sinasabi ko rin sa iyo: Ikaw ay Pedro at sa ibabaw ng batong ito ay ITATAYO KO ANG AKING IGLESIA."

Ang Iglesiang itinatag ni Kristo ay itinayo Niya sa "ibabaw ng batong si Pedro." Ang ibig sabihin kasi ng "Pedro" ay "Bato." At ang pangalang ito ay ibinigay mismo ni Kristo sa pinuno ng Kanyang mga Apostol.

Pansinin natin na ang orihinal na pangalan ni Pedro ay Simon. Pero sa Matthew 16:18 ay kasabay ng pahayag ni Hesus na magtatatag Siya ng Kanyang Iglesia ay binago Niya ang pangalan ni Simon.

Mula nga noon ay tinawag na ang Apostol na Simon Pedro o Simon Bato.

Sa pangalawang bahagi ng Matthew 16:18 ay sinabi ni Hesus,

"At ang pintuan ng Hades [o Impiyerno] ay hindi mananaig dito."

Sa karugtong ng pahayag tungkol kay Pedro at sa pagtatatag ng Iglesia ay sinabi ni Hesus na hindi pananaigan ng "Hades" o ng impiyerno ang Kanyang Iglesia.

Dalawa ang ibig sabihin nito. Una ay hindi puwedeng manaig ang kasamaan sa Iglesia. Ang Hades kasi ay lugar ng kaparusahan para sa mga makasalanan.

Ang pangalawang ibig sabihin ng talata ay hindi mananaig ang "kamatayan" sa Iglesia o hindi ito mawawala. Ang itinatag na Iglesia ni Kristo ay pang habang panahon.

Kaya mula sa mga panimulang talata na ito ay makikita na natin na ang tunay na Iglesia ni Kristo ay itinatag kay Pedro at nananatili mula noon hanggang ngayon.

Diyan pa lang ay malalaman na natin kung ano sa mga Iglesia ngayon ang tunay. Pero bukas na natin pag-uusapan iyan.

No comments:

Post a Comment