Monday, November 21, 2011

Dapat bang alalahanin ang Semana Santa?

Abril 13, 2003


PALM Sunday ngayon. Ano po? Nakapagsimba na ba kayo at nakapagwagayway ng palaspas?

Isa ito sa mga araw na hinihintay ng maraming Katoliko. Ang ganda kasi ng mga aktibidad ngayon tulad ng sabay-sabay na pagdadala at pagwasiwas ng mga dahon na hawak ng mga tao.

Hindi lang 'yon. Ang Palm Sunday kasi ang hudyat o ang tanda na magsisimula na ang Semana Santa.

Itong araw ng mga palaspas ang simula ng paggunita o pag-alala ng mga Kristiyano sa ginawang pagpapakasakit ni Lord Jesus para tayong lahat ay maligtas sa kasalanan at magkaroon ng chance na mabuhay nang walang hanggan sa Heaven.

Noong isang linggo, nagpapalipat-lipat ako ng channel sa TV nang madaanan ko ang isang grupo ng mga "mangagaral" na may itinatanong sa mga tao. Ganito ang kanilang proposition: "Ayon sa Bibliya, dapat bang ipagdiwang ang Semana Santa?"

Hindi ko na napakinggan ang kanilang sagot sa sarili nilang tanong pero nag-isip din ako ng isasagot sa kanilang tanong.

Dapat nga bang "ipagdiwang" ang Semana Santa?

Sa isang tingin ay nakita ko na may "mali" sa tanong na ito.

Unang-una, hindi naman ipinagdiriwang ang Holy Week. Ang ginagawa rito ay isang "paggunita" o pag-alala.

Ang "pagdiriwang" kasi ay katumbas ng "selebrasyon" o "pagsasaya."

Although ang puno't-dulo ng ginagawang paggunita o pag-alala sa Semana Santa ay bagay na dapat ipagsaya, hindi ito ang pangunahing dahilan kung bakit ito ginagawa.

Sana klaro 'yon. Hindi "ipinagdiriwang" ang Semana Santa.

Ang Holy Week ay isang linggo ng pag-alala o paggunita. Mayroon ditong araw ng pagsasaya, tulad ng araw ngayon na nagbabalik-tanaw tayo sa pagpasok ni Kristo sa Herusalem at masaya siyang sinalubong ng mga tao.

Mayroon din mga araw ng pagninilay-nilay o reflection, tulad ng paggunita sa pagkakatatag ng unang Santa Misa at ang pagpapahirap kay Hesus.

Sa kabuohan, ang inaalala natin ay ang dakilang pagmamahal sa atin ng Diyos na nagawa pang maging tao para lang mailigtas tayo sa kasalanan at mabigyan tayo ng buhay na walang hanggan.

Ang ayaw ng buhay na walang hanggan, itaas ang kamay!

Sa Semana Santa, binabalikan ng Simbahang Kristiyano, partikular ng Iglesia Katolika, ang mga pangyayari na nauwi sa muling pagkakasundo ng Diyos at ng tao.

Ipinapaalala sa atin kung ano ang pinagdaanan ni Hesus at iniimbitahan tayo na sumagot sa Kanyang imbitasyon.

Tatanggapin ba natin ang Kanyang kaligtasan o okay na sa atin ang luma nating pamumuhay?

No comments:

Post a Comment