Wednesday, November 23, 2011

Ang Krus, tanda ng diyablo?

Mayo 4, 2003


NATUTUWA naman ako sa mga nag-text sa akin para mag-react sa column ko patungkol sa pagku-Krus o kilala rin sa paga-An Tanda o Sign of the Cross.

Una kong babanggitin itong si Elaine Magdaraog ng Bulacan. Sabi niya, “Mr. Cenon, nagbabasa ba kayo ng pasyon? Basahin ninyo ‘yung tungkol sa pag-aantanda. Baka kasi naguguluhan lang kayo.”

Sabi naman ni Timoteo Pablo ng Quezon City, “Ang krus ni Kristo, ayon sa Bible, ay pinapasan at ‘di sinisenyas.” Ibinigay niya ang talatang Mateo 10:38 na ganito ang sinasabi ayon sa Magandang Balita Bibliya, “Ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.”

Samantala, nag-react naman si Aaron Reyes ng DasmariƱas, Cavite, sa pagsalungat ko sa mga maling itinuturo ni Eliseo Soriano patungkol sa mga aral ng Simbahang Katoliko.

Sabi ni Reyes, “Humarap ka kay Bro. Eli sa debate. Tingnan mo lang kung paano ka mapahiya.” Tapos ay itinanong niya kung “Bakit kayo (mga Katoliko) gumagawa ng mga rebulto gayong labag ito sa kautusan ng Bibliya?”

Whew! Puro kontra.

Buti na lang at nag-text din si Phay Timtiman ng Tanay, Rizal. Heto naman ang text niya, “Napakaganda ng mga sagot ninyo. Topic ninyo ang debate namin tungkol sa Bibliya.”

Salamat sa lahat ng sumagot, nag-react at nagtanong.

Gusto ko sanang sabihin kay Elaine na sorry pero hindi pa ako nakakabasa ng “Pasyon.” Kaya hindi ko masigurado kung ano nga ang sinasabi nito tungkol sa pagku-Krus.”

Sinubukan kong maghanap ng Pasyon pero “sold out” na ang kopya sa National Bookstore. Marami raw kasi ang bumili noong Holy Week.

Anyway, parang naaalala ko ngang binanggit ni Soriano ang Pasyon noong pilit niyang sinisiraan ang paggamit ng Krus ni Kristo sa pag-a An Tanda. Kung tama ang memorya ko, inawit niya ang Pasyon at pilit na pinalabas na ang pagku-Krus ay masama dahil “tanda” raw ito ng diyablo.

‘Yon din ba ang punto mo, Elaine? Naniniwala ka rin ba na ang “Krus” ay “tanda ng demonyo?”

Nalulungkot nga ako dahil ganyan ang paniniwala ni Soriano at ganyan ang itinuturo niya sa mga naniniwala sa kanya.

Unang-una, hindi ‘yan ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa Krus. Ang sabi nga sa 1Cor 1:18,

“Ang MENSAHE ng KRUS ay KAGAGUHAN sa mga NAPAPAHAMAK pero para sa ating mga inililigtas ito ang kapangyarihan ng Diyos.”

Dahil nga rito ay sinasabi rin ni Pablo sa Gal. 6:14,

“Nawa’y ‘di ako magmalaki sa anumang bagay liban sa krus ng ating Panginoong Hesu Kristo.”

Hindi lang ipinagmamalaki ni Pablo ang krus, sabi pa niya sa 1Cor 1:23,

“Ipinahahayag namin si Kristo na ipinako sa krus, (bagay) na kinatitisuran ng mga Hudyo at itinuturing na kalokohan ng mga Hentil.”

Ibang-iba ang sinasabi ni Soriano sa sinasabi ng Bibliya. At ‘yon ang nakakatakot.

Kung hindi sa Bibliya galing ang aral ni Soriano at kung salungat pa ang aral niya sa Banal na Kasulatan , kaninong aral ‘yon?

Hindi ko man nabasa ang Pasyon at ang umano’y sinasabi nito laban sa pag-a An Tanda o sa Krus ng ating Panginoon, may ideya ako kung ano ang binabanggit dito na iniuugnay ni Soriano sa pagku-Krus.

Ang Pasyon ay halaw mula sa Bibliya. At sa pagsasaliksik ko sa Bibliya isang talata ang nabasa ko na may kaugnayan sa “tatak,” “marka” o “tanda” ng diyablo. Ito ang Revelation 13:16-17.

Sabi sa talata,

“Ang mga dakila at mga hindi dakilang tao, ang mayayaman at mahihirap, ang mga malaya at ang mga alipin ay ipapatatakan (TATANDAAN) niya sa kanilang kanang kamay o sa kanilang noo. Ang may tatak (TANDA) lamang ng mabangis na hayop ang makakabili o ang makakapagbili. Dapat ay taglay nila ang tatak (TANDA) o ang pangalan o ang bilang ng pangalawang mabangis na hayop.”

Ano, Elaine? Katulad ba ‘yan ng sinasabi ng Pasyon?

Kung ‘iyan ‘yun, obvious na hindi ang Krus ni Kristo, ang pag-a An Tanda o ang pagku-Krus ang sinasabing “tanda ng diyablo.” Pakibasa ang buong Chapter 13 ng Revelation para makita mo kung kaninong “tatak” o “tanda ang pinag-uusapan dito.

Lumalabas ngayon, Elaine na hindi ako ang “naguguluhan” kundi si Soriano at ang mga naniniwala sa kanya.

Pero kung hindi ‘yan ang sinasabi ng Pasyon, paki-text sa akin kung saan kinokontra ng Pasyon ang pagku-Krus para makita ko.

Sa totoo lang, nakakatakot ang mga pahayag ni Bro. Eli laban sa pagku-Krus dahil napapabilang tuloy siya sa mga binabanggit ni San Pablo sa Philippians 3:18 na mga “kaaway ng krus ni Kristo.”

Kung ang isang tao ay “kaaway ng krus ni Kristo,” kanino siya kakampi? Kayo na ang sumagot sa tanong na iyan.

Ang alam ko, ang bawat Katoliko na nagku-Krus o nag-a An Tanda ay ipinagmamalaki at ipinapahayag ang Krus ni Kristo.

Handa ba akong makipag-debate kay Soriano para idepensa ito?

Ang tanong ay “Handa ba siyang igiit ang mga mali niyang aral laban sa pananampalatayang Katoliko?” Kung “Oo,” bilang pagmamalasakit sa isang kapwa tao ay handa akong ipamukha sa kanya ang kanyang mga pagkakamali sa layunin na ito ay maituwid.

2 comments:

  1. "At ang lahat ,maliliit at malalaki ,at mayayaman at mga dukha at ang mga laya at ang mga alipin ay pinagbigyan ng ISANG TANDA sa kanilang KANANG KAMAY o sa NOO ;At nang huwag makabibili o makapagbibili ang sinoman kundi siyang mayroong tanda sa makatuwid ay ng pangalan ng hayop o bilang ng kanyang pangalan.(Apoc.13:16-17)


    pansinin natin ang Anti Cristo ay magtatanda ng ISANG TANDA (Mark) sa kanang kamay o sa Noo na siyang tanda ng pangalan ng hayop o bilang ng kanyang pangalan .


    Ang hayop ito ay tumutukoy sa ISANG TAO.(Apo.13:18,2 Ped.2:12)

    May bilang ng Pangalan ang Taong ito na Tulad sa Dios.(2 Tes.2:4)

    Siya Ang AMa .(Mat.23:9)

    Siya ang Anak.(2 Tes.2:3)

    Siya ang Espiritu.(1 tim.4:1)


    Nagpapatawag siyang Ama, siya rin ang Anak ng kapahamakan at siya rin ang espiritung mapanghikayat na may dala ng aral ng demonyo.

    Pangalawa ang TANDA o (MARK) sa Hebrew ay "TAW" ang hugis ng "TAW "ay broken cross"

    Diba ito ang tinatanda sa taong katoliko ang "cross" sa kanang kamay o sa noo.

    kaya ayon sa aklat katoliko na ang pamagat ay "Passion Candaba" na isinulat ni Aniceto dela Merced


    "Ipag-uutos magQuintal sa Noo o sa canang camay sucat pagcacaQuilanlan na sila nga i campong tunay nitong Anti cristong Hunghang."(p.207)

    ReplyDelete
  2. Balikan po ang 1C0R 1:18 “Ang MENSAHE ng KRUS ay KAGAGUHAN sa mga NAPAPAHAMAK pero para sa ating mga inililigtas ito ang kapangyarihan ng Diyos.”
    Ang sabi poh Jan ang salita ng krus yon ang kamangmangan hindi poh ang lugong krus kasi poh kung ang logong krus mangmang ka poh talaga dahil ang tinutukoy ng talata ay salita ng krus kaya bastahin mo Yong 1 COR 1:23-24 c kristo ang tinutukoy hindi ang krus at sa ibang salin ang kamatayan poh ni kristo ang kamangmangan at kahangalan ng mga napapapahamak.

    ReplyDelete