Thursday, November 3, 2011

Mga propeta ng kamalian

Nobyembre 17, 2002

NAKARINIG na ba kayo ng mga “evangelists” o “mangangaral” na ang bukambibig eh “Kami ang tunay.”

At para nila maiangat ang kanilang mga sarili ay babanatan nila ng kung anu-anong paninira ang kanilang mga kalaban.

Pero siyempre, sa kanila ay hindi ito “paninira.” Nagsasabi lang daw sila ng “katotohanan.”

Panay ang gamit nila ng mga salitang “tunay,” “totoo” at “katotohanan.” Ang tanong eh totoo naman ba ang lahat ng kanilang sinasabi.

Kadalasan, ang “biktima” ng kanilang paglalahad ng “katotohanan” ay ang mga Katoliko at ang Iglesia Katolika.

Kesyo mga “sumasamba” raw sa rebulto at mga diyus-diyosan ang mga Katoliko. O kaya naman daw ay dinidiyos ng mga Katoliko si Mama Mary.

Ang “patotoo” nila ay napakarami raw mga “rebulto” ng mga santo sa mga simbahang Katoliko at niluluhuran, pinupunasan at hinahagkan pa raw ito ng mga miyembro ng Iglesia.

Kung sabagay, marami ngang naggagandahan at naglalakihang mga estatwa ng Panginoong Hesus, Birheng Maria at mga santo sa mga simbahan at bahay ng mga Katoliko.

Totoo rin na marami ang lumuluhod sa harap ng mga ito kapag sila ay nagdarasal at mayroon pa talaga riyan na pumupunas at humahalik sa mga ito.

Pero ang tanong ay “totoo” kaya na ang pagkakaroon ng mga rebulto, pagluhod sa harap ng mga ito, pagpunas o paghalik ay pagsamba o pagturin na sa mga ito bilang mga “diyos”?

Ang katotohanan ay HINDI dinidiyos ng mga Katoliko ang mga imaheng ito. Walang Katoliko na may malinaw na pang-unawa sa kanyang pananampalataya ang magsasabi na “diyos” nga ang mga ito.

Ang totoo ay ginagamit lang ang mga estatwa at imahen bilang pagpapaalala sa iisa at tunay na Diyos at sa mga taong tapat na nagmamahal at naglilingkod sa Kanya.

Ang tunay na layunin sa paghaplos, paghalik, pagpunas o pagluhod sa harap ng mga ito ay ipahayag ang pagmamahal, paggalang at pangungulila ng mga Katoliko para sa mga persona na kanilang isinasalarawan at hindi sa mga rebulto mismo.

Ang nakakalungkot ay kahit ilang ulit itong ipinaliwanag sa mga “evangelists” at “mangangaral” ay pilit at patuloy pa rin nilang ipinapahayag ang HINDI TOTOO o ang kamalian tungkol sa aspetong ito ng Katolisismo.

Ano ngayon sila? Mga propeta ng kamalian?

Kayo na ang magsabi.

No comments:

Post a Comment