Thursday, November 24, 2011

‘Di bilib sa Diyos pupunta sa langit?

Mayo 22, 2003


SALAMAT sa mga patuloy n nagri-react at nagtatanong. Heto ang iba pa at pasensya na sa mga ’di pa napa-publish ang text.

Follow up ito ni EP Rualo ng Parañaque sa una niyang text tungkol sa dapat ay pagkakaroon ng "gifted" sa pagintindi sa Salita ng Diyos.

Sabi niya, "Ang ibig kong tukuyin ay GIFTED ng Wisdom ng Diyos. Marami sa kaparian ang bigo dahil taliwas sa Gospel ang turo nila. Sana iwasto."

Ang "wisdom" ng Diyos Mr. o Ms. Rualo ay ibinibigay ng Diyos sa lahat ng may takot sa Kanya.

Hindi ba sabi nga sa Psalm 111:10, "Ang takot kay Yahweh ang simula ng karunungan."

Sangayon ako sa sinabi mo na maraming pari ang bigo rito kaya sana ay samahan mo ako sa pagdarasal para sa kanila.

u u u

Nag-react naman si EB Serrano sa topic natin tungkol sa Bibliya.

Idineklara niya, "The Bible is the absolute."

Kung nakakatulong sa iyo ang paniniwalang ‘yan ay hindi ko kokontrahin, EB.

u u u

Masarap naman basahin ang text ni Rene Pesino ng CSSAC, Camarines Sur.

"Okay ang column mo. Many will benefit from it. May the good Lord always bless you and your effort."

Hangga’t interesado kayong matuto tungkol sa Diyos at sa pananampalataya at hangga’t kaya natin ay mababasa ninyo ang column ko.

Thanks.

u u u

Maganda itong tanong ni Oscar ng Tagum City.

Sabi niya, "Bakit sa Genesis naunang likhain ng Diyos ang mundo kaysa araw?"

Ang tinutukoy ni Oscar ay ang kuwento kung paano nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay. Mababasa ‘yan sa Genesis 1:9-19.

Sa mga talata mula 9 hanggang 13 ay pinaghiwalay muna niya ang "mga tubig" at ang "lupa."

Ang "tuyong lupa" ay pinuno Niya ng mga halaman at puno.

Sa mga talata mula 14 hanggang 19 ay ang paglikha naman ng Diyos ng mga "ilaw" sa langit.

Mahalagang mapansin natin na hindi binanggit ang salitang "araw." Ang itinawag dito ay "malaking ilaw."

Heto ang sagot sa tanong mo. Una, ang Diyos ay Diyos ng kaayusan.

Bago Niya likhain ang isang bagay ay tinitiyak muna Niyang mayroong paglalagyan nito. Tama lang, hindi ba?

Kaya una Niyang pinaghiwalay ang "mga tubig" sa "lupa."

Sa lupa ay inilagay Niya ang mga laman nito. Dahil nalikha na rin Niya ang "langit" ay saka pa lang Niya nilikha ang mga dapat na ilagay rito.

Madaling maintindihan ‘yon.

Ang isa pang dahilan kung bakit inihuli Niya ang araw, buwan at mga bituin ay para maipakita na "menos" ito sa iba Niyang nilikha.

Kumbaga sa pelikula ay mababa ang lugar nito sa "billing" o hilera ng mga "artista."

Sadyang minenos ang "araw" at tinawag lang itong "malaking ilaw" dahil may mga tao noong unang panahon na may tendency na gawin itong diyos. Kaya nga noon ay mayroong tinatawag na "sun worship."

Sa paghuli rito sa pila ng mga nilikha at hindi pagtawag sa pangalan nito ay sinasabi ng Bibliya na "wala ito sa lugar para sambahin."

Sana ay klaro ‘yon.

u u u

Ganito naman ang tanong ni Sherwin Kowt ng Mountain Province.

"Karapatdapat bang tanggapin ng Diyos ang taong hindi naniniwala sa Kanya pero isa naman itong napakabuting tao?"

May kasabihan tayo na "Mahirap gisingin ang nagtutulog-tulugan."

Paano tatanggapin ng Diyos ang isang tao na hindi kumikilala sa Kanya? Ano ang magiging silbi ng pagtanggap ng Diyos sa hindi naniniwala na Siya ay totoo at buhay?

Sa Kristiyanong pananaw, ganito ang sinasabi ng Bibliya sa John 3:18,

"Sino mang sumasampalataya sa kanya [si Kristo ang tinutukoy rito] ay hindi hinahatulan, pero sino mang hindi man sumampalataya ay nahatulan na dahil hindi siya nanampalataya sa ngalan ng bugtong na anak ng Diyos."

Sa Ephesians 2:8-9 ay ito naman ang sabi,

"Dahil naligtas kayo sa pamamagitan ng biyaya sa daan ng pananampalataya; hindi ito galing sa inyong sarili. Ito ay kaloob ng Diyos, hindi mula sa inyong gawa upang hindi magmalaki ang sino man."

Salamat sa pag-text.

No comments:

Post a Comment