Sunday, November 6, 2011

‘Parang hindi Pasko’

Disyembre 17, 2002


SABI ng isang commercial sa TV, dito raw sa Pilipinas ang may pinakamahabang selebrasyon ng Pasko. Oktubre pa lang ay simula na ang kasiyahan at puwede pa raw umabot hanggang Pebrero.

Actually, noong hindi pa gaanong naghihirap ang bansa ay pagpasok pa lang ng buwan na may “ber” o buwan ng September ay may mga nagsisimula nang mangaroling.

Kailan kaya babalik ang mga panahong iyon? Mangyayari pa kaya uli?

Pero ’yan ang “pasko” sa isip ng marami sa ating mga Pilipino. Ang “pasko” na ’yan ay pinananabikan dahil sa kasiyahan, inuman, bigayan ng regalo, mga reunion, mga party, mga bonus at kung anu-ano pa.

Sabagay, sino ba ang hindi matutuwa sa “pasko” kung ganyan ang pagdiriwang nito?

Wala namang masama kung maging mahaba ang selebrasyon. Walang masama kung magsaya ang lahat. At lalong walang masama kung makaisip tayong magpa-ulan ng regalo sa ating mga kapamilya, kaibigan, kapitbahay at kahit mga hindi kakilala. ’Yan naman talaga ang diwa ng Pasko.

Ang nakakalungkot lang ay naging parang napakahabang birthday party ng Pasko at dahil sa sobrang haba nito at sa sobrang dami ng kasiyahan ay nakalimutan na ng lahat kung sino ang may birthday.

Kung kayo, gusto ba ninyo na mag-celebrate ng birthday tapos ang pinupunta lang ng mga tao sa bahay ninyo ay ang handa? Hindi man lang nila alam na kayo ang may kaarawan. Ang sakit nuon, hindi po ba?

Ngayon nga na taghirap ang Pilipinas at ang mga Pinoy ay marami ang nagsasabi na “parang hindi Pasko.”

Ganoon? Porke walang handa at porke walang inuman ay bale wala na rin kung mayroong may birthday?

Kahapon, sa pagsisimula ng Simbang Gabi, ay tuwirang nagsimula ang panahon ng Pasko. Ang Simbang Gabi kasi ang siyam na araw na paghahanda para sa pinaka-engrandeng kaganapan sa buhay ng tao -- ang pagkakatawang tao ng Diyos.

Ang selebrasyon ay sinisimulan sa pamamagitan ng paghahanda sa ating mga sarili. Ito ay para matanggap natin ang Tagapagligtas ng lahat na si Hesus.

Hindi alak o pagkain ang handa kundi ang ating mga puso. Hindi rin lang ito kasiyahan kundi isang pagdiriwang ng pagmamahal ng Diyos sa tao. At ’yon ang tunay na dapat magdulot ng kaligayahan sa atin.

No comments:

Post a Comment