Tuesday, November 29, 2011

Maria, mga santo mga patay na?!

Hunyo 20, 2003


SALAMAT sa lahat ng mga nagti-text. Tulad nitong si Vinz ng Bacolod City na nagsabi, "God bless you for defending well the Church that was founded by Jesus Christ. Huwag tayong paloloko at maniwala sa mga nagtuturo ng mali tungkol sa Katoliko."

Sa totoo lang, Vinz, ‘di naman kasalanan ng ibang tao kung mali ang natutunan nila o kung nagtuturo sila ng mali laban sa Katolisismo. Medyo malaki rin kasi ang pagkukulang sa pagtuturo sa mga Katoliko.

At ‘yan naman ang dahilan kung bakit mayroon tayo ng column na ganito. Sana maipagsabi mo na mayroon tayong gawain na ganito para marami pa ang makinabang.

Salamat uli, Vinz.

u u u

NABASA ni Calvin ng Naga City ang column ko tungkol sa pinagmulan ng Iglesia mula pa sa panahon ng mga Hudyo.

Kung maaalala ninyo ay sinabi natin dito na ang unang bayan ng Diyos ay ang Israel.

Kaya naitanong ni Calvin,

"May posibilidad bang pag-isahin ang JUDAISMO at KRISTIYANISMO? Ano ba ang pinagkaiba nila? Naniniwala rin ba sila kay KRISTO?"

Unahin nating sagutin ang huli mong tanong.

Oo, ang mga Hudyo ay naniniwala sa isang Kristo na sa kanilang salita ay tinatawag nilang Mesias o ang pinili para magligtas sa mga Israelita.

At kaya nagkatawang tao si Hesus ay para gawing ganap ang pagliligtas sa mga Hudyo.

Sabi nga sa Matthew 15:24,

"Sumagot siya (Kristo), ‘Ako ay ipinadala para lamang sa naliligaw na tupa ng Israel."

Maging ang mga disipulo Niya ay sa mga ito rin Niya unang ipinadala. Ganito ang mababasa natin sa Mt 10:5-6,

"Ang labindalawang ito ay sinugo ni Hesus na may tagubilin: ‘Huwag kayong humalo sa mga Hentil o pumasok sa mga bayan ng mga Samaritano. Bagkus, dumuon kayo sa naliligaw na tupa ng Israel."

Ang nangyari ay hindi tumugon ang maraming Hudyo sa panawagan ni Hesus at hindi nila Siya kinilala.

Kaya ang nangyari ay ibinigay ang mensahe sa iba. ‘Yan ang kahulugan ng kuwento tungkol sa Handaan sa Mt 22:1-14.

Sa kuwento ay naghanda ang hari ng isang piging para sa kanyang anak. Inutusan niya ang kanyang mga alila na tawagin na ang mga bisita pero wala rito ang tumugon. Ang iba pa ay pinatay ang kanyang mga isinugo. (verses 1-6)

Sa verse 7 ay nagalit ang hari kaya ipinapatay niya ang mga bisita na hindi tumugon sa kanyang imbitasyon.

Sa mga sumunod na talata ay ipinatawag niya ang lahat ng gustong tumugon."

‘Yan ang dahilan kung bakit hiwalay ang Isaraelsa Kristiyanismo.

Puwede bang pag-isahin pa ang Judaismo at ang Kristiyanismo?

Ang masasabi ko riyan ay lahat ng tatanggap kay Kristo ay magiging kaisa Niya at kaisa sa Kanyang Iglesia. Ito ay sa pamamagitan ng Kanyang krus.

Sabi nga sa Ephesians 2:13-15,

"Pero ngayon kay Kristo Hesus, kayo na dati ay malayo ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Kristo.

"Ito ay sapagkat siya ang ating kapayapaan. Pinag-isa niya ang dalawa. Kaniyang giniba ang gitnang dinding na humahati ... At upang kanyang pagkasunduin ang dalawa sa iisang katawan sa Diyos sa pamamagitan ng krus, na rito ang pag-aalitan ay pinatay niya."


u u u

HETO naman ang tanong ni Dan ng Cebu tungkol sa column ko na nagsasabing puwede tayong tulungan sa pagdarasal ni Maria at ng mga santo.

Sabi ni Dan, "Saan sa Bible na puwede pang ipagdasal ni Maria o kung may magagawa pa ang patay. Baka maraming maligaw kawawa naman."

Una sa lahat, naniniwala ang mga Katoliko na buhay na buhay si Maria at ang mga santo. ‘Yan ay dahil naniniwala sila sa mga salita ng Panginoon sa John 11:25-26.

Ganito ang sabi nito,

"Sinabi sa kanya ni Hesus, ‘Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang maniwala sa akin ay MABUBUHAY kahit pa siya mamatay. At sino man ang mabuhay at maniwala sa akin ay HINDI MAMAMATAY."

Idinugtong pa ni Hesus, "Naniniwala ba kayo rito?"

Ang mga Katoliko naniniwala, kaya nga sina Maria at mga santo ay BUHAY hindi patay.

Ikaw, Dan, naniniwala ka ba rito?

Ngayon, kung buhay sila ay maaari silang manalangin para sa atin. Ganoon lang kasimple ‘yon. Sana ay malinaw, Dan.

No comments:

Post a Comment