Monday, November 28, 2011

Sabado o Linggo ang araw ng Kristiyano?

Hunyo 2, 2003


MAY mahalagang tanong si Ed Rualo ng Paranaque. Sabi niya, "Man was supreme over God! Why did the papacy disobey God by changing His "bibilical" 7th day rest (Saturday) to the first day (Sunday)?"

Salamat sa tanong mo, Mr. Rualo. Sa palagay ko ay may kaugnayan ang tanong mo sa sinabi ko noon na ang pagsamba sa araw ng Linggo na ginagawa ng maraming Krisityano ay galing sa "Banal na Tradisyon" na nagmula sa Panginoon at sa mga Apostol.

Unang-una, itutuwid ko lang ang paniniwala mo na ang Santo Papa ang nagbago ng araw ng "pahinga" mula sa Sabado papunta sa Linggo.

Kung nagdedeklara man ang Santo Papa ng isang doktrina, hindi mismong sa kanya nanggagaling ang doktrina. Ang doktrina ay matagal ang umiiral sa Simbahan ayon sa Banal na Tradisyon at Banal na Kasulatan at idinideklara lang ng Papa para maging opisyal na paniniwala ng mga Katoliko.

Kung ano man ang batayan ng kapangyarihan ng Santo Papa para mamuno sa Iglesia ng Diyos ay ipaliliwanag ko sa ibang pagkakataon.

Ano ba ang sinasabi ng Banal na Kasulatan patungkol sa taong mo?

Ganito ang sinasabi sa Exodus 20:8-11,

"Ipangilin ninyo ang araw ng Sabbath ... "Sa loob ng anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, ang dagat at lahat ng naroon pero nagpahinga siya sa ikapitong araw. Kaya nga binasbasan ng Panginoon ang Sabbath at ginawa ito banal."

Kung papansinin mo, ang kautusan na iyan ay bahagi ng OLD TESTAMENT o lumang kaayusan. Dito, ang pinahalagahan ay ang pagpapahinga ng Diyos matapos Niyang gawin ang lahat ng bagay.

Nang magkatawang tao si Kristo, namatay at nabuhay na mag-uli ay nagbago ang pananaw ang mga tao sa pananampalataya. Ito na ang panahon ng NEW TESTAMENT o ang bagong kaayusan.

Ang tatlong Ebanghelyo sa Matthew 12:8, Mark 2:28 at Luke 6:5 ay nagdeklara na "Ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Sabbath." Ibig sabihin "mas mataas si Hesus sa Sabbath."

Dahil dito, mas pinahalagahan ng mga Kristiyano ang mga bagay na patungkol at may kaugnayan kay Hesus kaysa sa kautusan sa lumang kaayusan.

Particular na binigyang halaga ng mga Kristiyano ay ang PAGKABUHAY ni Hesus na naganap sa UNANG ARAW NG LINGGO.

Basahin natin ang summary ng Matthew 28:1 hanggang 7,

"Matapos ang Sabbath, sa madaling araw ng UNANG ARAW NG LINGGO, nagpunta sa puntod sina Maria Magdalena at ang isa pang Maria … (kinausap sila ng anghel na naroon at sinabi) Humayo kayo, madali, at sabihin sa kanyang mga disipulo: 'NABUHAY na siya mula sa mga patay …"

Para sa isang Kristiyano, napakahalaga ng pagkabuhay muli ni Hesus dahil ito ang batayan ng kanyang pananampalataya. Sabi nga sa 1 Corinthians 15:14,

"Kung si Kristo ay hindi binuhay, ang pangangaral namin ay walang halaga at ganoon na rin ang inyong pananampalataya."

Kaya nga nagtitipon ang mga Kristiyano sa "unang araw ng linggo" (Linggo) tulad ng sinasabi sa Acts 20:7 na ganito ang sinasabi,

"SA UNANG ARAW NG LINGGO ay nagtipon kami para sa pagpuputol-putol ng tinapay. Nagsalita si Pablo sa mga tao at dahil aalis siya sa susunod na araw ay nagsalita siya hanggang hatinggabi."

Ang "pagpuputol-putol ng tinapay" ang pinanggalingan ng Santa Misa at ito ay ginawa nila "SA UNANG ARAW NG LINGGO" o sa araw ng Linggo.

Dahil nagtitipon-tipon sila sa "UNANG ARAW NG LINGGO" ay doon na rin nila ginagawa ang iba pang gawaing pang-Iglesia tulad ng ikinukuwento ng 1 Cor 16:2.

Heto ang sabi ng talata,

"Tuwing UNANG ARAW NG LINGGO (Linggo 'yon), ang bawat isa sa inyo ay magtabi ng salapi na kanyang naipon sangayon sa kanyang kabuhayan, para pagdating ko wala nang koleksyon na gagawin."

Dito pa lang ay makikita na natin na ang pagtitipon-tipon ng mga Kristiyano, ang pagsamba, ang pag-aaral ng pananampalataya at iba pang gawain sa Iglesia ay ginagawa na sa UNANG ARAW NG LINGGO o sa araw ng Linggo.

At dahil sa ginagawa nilang iyon ay marami ang pumuna sa kanila partikular ang naniniwala sa pagpapahinga sa Sabbath. Kaya nga pinalakas ni San Pablo ang kanilang loob.

Ganito ang sanasabi ng Colossians 2:16,

"Kaya nga, huwag ninyong hayaan na husgahan kayo sa inyong kinakain o iniinom o kaugnay sa isang kapistahan o isang Bagong Buwan o sa isang araw ng Sabbath."

Bakit daw hindi dapat magpahusga ang mga Kristiyano? Ganito ang paliwanag sa verse 17,

"Ang mga ito (kapistahan, Sabbath at iba pa) ay mga anino ng mga bagay na dapat ay darating; pero ang KATOTOHANAN ay NATATAGPUAN KAY KRISTO."

Si Kristo, ang Panginoon ng Sabbath, at ang Kanyang pagliligtas ang mahalaga. Hindi ang Sabbath.

At sino ang nagbalewala sa BATAS sa SABBATH?

Si Kristo rin.

Basahin ang sinabi ng Col 2:14,

"Pinatawad niya (Hesus) ang lahat ng ating mga kasalanan sa PAGBALEWALA NIYA sa nasusulat na BATAS at ALITUNTUNIN na laban sa atin at sumasalungat sa atin. INALIS NIYA ITO at ipinako sa krus."

So, hindi Santo Papa ang nagbalewala sa sinasabi mong utos sa Bibliya.

Bilang PANGINOON NG SABBATH, si Kristo ang nagbalewala sa Batas dahil mas mahalaga ang araw ng Kanyang Pagkabuhay - ang Araw ng Linggo.

No comments:

Post a Comment