Monday, November 28, 2011

Dapat bang kumain ng na-bless ng pari?

Hunyo 9, 2003


MARAMI tayong texters. Heto ang ipinadala ni RG Zapata ng Naga City, "Gusto ko pong malaman ang kahulugan ng mga revelation sa Bibliya."

Alin ba sa mga iyon ang gusto mong maintindihan, RG?

Maraming pahayag sa Bibliya. Sana nagbigay ka ng isa. O ang tinutukoy mo ba ay ang mga sinasabi ng Revelations?

Revelations ang gusto mong maintindihan, magkakaroon ako ng series para ipaliwanag ang mga sinasabi rito .

Pero bago ‘yon, ang masasabi ko lang ay huwag kang maniniwala sa mga kung anu-anong haka-haka na ibinibigay ng kung sinu-sinong mangangaral diyan. Ililigaw ka lang nila.

Puro kasi "personal" na interpretasyon ang kanilang ibinibigay.

Tandaan mo ang sinasabi ng 2 Peter 1:20,

"Alamin ninyo ito una sa lahat na walang pahayag sa kasulatan ang maaaring unawain ng pansarili lang."

At bakit may babala na ganito? Heto ang sabi sa 2 Peter 3:15,

"Inyong ariin ang pagtitiis ng Panginoon bilang kaligtasan. Ito rin ang isinulat sa inyo ng minamahal na kapatid nating si Pablo ayon sa karunungang kaloob sa kaniya.

"Gayundin naman sa lahat ng kanyang sulat, sinasabi niya ang mga bagay na ito. Ngunit ang ilan sa mga ito ay mahirap unawain at binibigyan ng maling kahulugan ng mga hindi naturuan at hindi matatag. GANITO ANG KANILANG GINAGAWA SA IBANG KASULATAN sa ikapapahamak ng kanilang sarili."

Ang tanging may karapatan o kapangyarihan ay ang mga taong may kaugnayan sa mga Apostol.

Ganito kasi ang sinasabi sa 2 Peter 1:19,

"Taglay namin ang salita ng mga propeta na lubos na mapagkakatiwalaan."

Ang nagsasalita ay si San Pedro na itinuturing ng mga Katoliko bilang unang Santo Papa.

Pinaniniwalaan sa Iglesia Katolika na ang mga kaalaman at kapangyarihan ng mga Apostol (na ibinigay ng Panginoon) ay ipinasa sa mga humalili sa kanila. "Apostolic succession" ang tawag dito. Kabilang dito ang pang-unawa sa mga sinasabi ng mga pahayag.

u u u

Heto naman ang text ni Marisol Cabiles ng Bacolod City. "Ayon sa mga kaanib ng Dating Daan hindi sila puwede kumain ng mga pagkain na bini-bless ng pari. Tama ba ito? May aral ba sa Bible tungkol dito?"

Hindi ko kabisado ang mga dahilan ng grupo ni Eliseo Soriano pero sa palagay ko ay may kaugnayan ang tanong mo sa paniniwala nila na ang mga pagkain na na-bless ng pari ay "inialay sa mga diyus-diyosan."

Mayroon kasing sinasabi sa Acts 15:20 na ganito,

"Sa halip, sulatan natin sila na lumayo sa mga pagkain na nadungisan ng diyos-diyosan, sa kasalanang sekswal, sa mga binigti at sa dugo."

Kung nabasa mo ang sagot ko kay RG ng Naga City, nabasa mo ang sinasabi sa 1 Peter 1:20. Maaaring ganyan ang nangyari riyan.

Gumawa ng pansariling interpretasyon ang nasa Dating Daan pero ito ay binigyan ng "maling kahulugan." (tulad ng sabi sa 2 Peter 3:15.)

Una, iginigiit nila na ang mga imahen na ginagamit sa Simbahang Katoliko ay mga "diyus-diyosan."

Naipaliwanag na natin sa mga nauna nating column na HINDI mga diyus-diyosan ang mga imahen sa Simbahan.

Ang nagsasabi lang na diyus-diyosan ang mga ito ay ang mga taong "mali ang pang-unawa" sa sinasabi ng Kasulatan.

Samantala, kulang din ang pang-unawa ng ibang tao sa kapangyarihan ng mga pari sa pagbi-bless o pagbabasbas ng mga bagay — kasama na ang pagkain.

Ang kapangyarihan sa pagbi-bless ay mati-trace natin pabalik mismo sa Panginoong Hesus.

Basahin natin ang pinagmulan nito sa John 20 verse 21 hanggang 23 kung saan sinabi ng Panginoong Hesus,

"Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong ako ay sinugo ng Ama ay sinusugo ko rin kayo."

"At sa pamamagitan noon ay hinihangahan niya sila at sinabi, ‘Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Kung patatawarin ninyo ang kasalanan nino man, sila ay patatawarin; kung hindi ninyo sila patatawarin, hindi sila mapapatawad."


Diyan pa lang ay nakikita natin na hindi lang ang pagbabasbas ang ibinigay sa kanila ng Panginoon.

Ang mismong pagpapatawad ng mga kasalanan na ginagawa ng pari sa kumpisal ay diyan nagmumula.

Ito ay galing sa kapangyarihan ng Espiritu Santo na ibinigay ni Lord sa Kanyang mga alagad.

Sa Acts 8:17 ay makikita natin ito.

"Ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang kamay sa mga ito at tinanggap nila ang Espiritu Santo."

Ngayon ang kapangyarihan na nanggaling mismo kay Hesus ay ipinasa ng mga Apostol sa mga humalili sa kanila. Ito ay sa pamamagitan din ng pagpapatong ng mga kamay.

Sa 1 Timothy 4:1-13 ay pinapayuhan ni San Pablo si Timoteo ukol sa pagiging "mabuting ministro."

At sa 1 Timothy 4:14 ay sinabi ni Pablo,

"Huwag mong pababayaan ang biyaya na IYONG TINANGGAP na ibinigay sa iyo sa pamamagitan ng pahayag AT SA PAGPAPATONG NG KAMAY ng mga nakakatanda."

Ang pagpapatong ng kamay ay ginagawa pa rin hanggang ngayon sa Iglesia Katolika. At ito dito galing ang pagbabasbas na ginagawa ng pari sa pagkain.

At dahil galing ito kay Kristo, ang blessing ay galing mismo sa Panginoon.

Wala niyan sa Dating Daan at hindi nila ito alam kaya madali silang napapaniwala sa baluktot na turo ukol sa bendisyon ng pari.

Ikaw, alam mo na.

No comments:

Post a Comment