Tuesday, November 8, 2011

H’wag yuyukod sa ‘diyus-diyosan’

Enero 25, 2003


NOONG isang Sabado, tinumbok natin ang kamalian ng ilang "mangangaral" na nagliligaw sa maraming tao dahil sa baluktot nilang aral tungkol sa mga "diyus-diyosan," mga rebulto at imahen.

Medyo naging brutal lang ang impact ng aking paliwanag na hiningi ng isa nating reader na pumuna sa umano'y pagkakalihis ng mga Katoliko at ng Simbahan pagdating sa mga "diyus-diyosan."

Nagmukha bang galit ako sa ibang tao?

Hindi po. Iginagalang natin ang lahat ng tao at ang kanilang paniniwala.

Kung may binabanatan tayo at tinutumbok ay 'yung mga maling aral na itinuturo nila laban sa mga Katoliko - tulad nga ng isyu tungkol sa mga santo at sa mga rebulto at imahen.

Puwede naman kasi silang maniwala sa Diyos pero gumagawa pa sila ng maling kuwento laban sa ibang tao. Doon tayo kontra.

Marami kasing tao tulad ng ating letter sender na si Mrs. Adoracion C. Espiritu ng Angono, Rizal, na sa paniniwala ko ay naimpluwensiyahan lamang ng baluktot na aral ng tinawag ni San Pedro na mga "huwad na mangangaral." (2Pedro 2:1)


MAGKAIBA

Last week nga ay tinumbok natin ang mali nilang aral tungkol sa mga imahen, rebulto at larawan sa Simbahang Katoliko. Sinasabi kasi nila na ang mga ito ay ang mga "diyus-diyosan" na ipinagbabawal sa Bibliya, partikular sa Exodus 20:4 at sa Deuteronomy 5:8.

Ipinakita natin na hindi ang mga imahen, rebulto at larawan ang ipinagbabawal sa mga talatang ito kundi mga "diyus-diyosan."

Sa madaling salita, ang mga ito ay hindi mga "diyus-diyosan." Ang mga "diyus-diyosan" ay ginagawang "diyos" na ipinapalit sa iisa at tunay na Diyos. Samantala, ang mga imahen, rebulto at larawan ng mga santo ay ginagamit para maalala natin ang dakilang pagmamahal at pagsunod nila sa Diyos. Imbes na ilayo ang tao sa Diyos ay layunin pa ng mga imahen na patibayin ang faith natin kay Lord.

Kahit sino naman sigurong bata ay makikita ang kaibahan ng dalawang 'yan.

Pero mayroon akong iniwan na tanong noong Sabado. Sabi ko, "Kung hindi mga diyus-diyosan ang mga imahen at rebulto, bakit sila 'niyuyukuran' at 'niluluhuran'?" Ang sabi kasi sa Exodus 20:5 at Deuteronomy 5:9 ay

"Huwag kayong yuyukod sa kanila o sasambahin sila."

Sa mali at "out of context" na turo ng mga "huwad na mangangaral," nilalahat nila o ginagawa nilang absolute ang pagbabawal sa pagluhod at pagyukod.

Sino ba itong ipinapakikilalang "pantas" daw na nagsasabi na "basta lumuhod" kayo sa isang bagay ay "sinasamba" na ninyo ito?

Sabagay, hindi na siya mahalaga. Ang mahalaga ay maituwid natin ang mali niyang itinuturo.


SINASAMBA BA?

Tama ba na kapag lumuhod kayo o yumuko sa harap ng isang bagay ay sinasamba na ninyo ito? Paano kung nagpapalit kayo ng gulong ng kotse o trisikel-mga bagay na gawa ng tao at may hugis ng araw dahil ang mga ito ay bilog?

Gagawin ba ninyo ito ng nakatayo o nakahiga? Kayo ba ay tutuwad? Malamang na kayo ay luluhod o yuyuko, hindi po ba?

Ngayon, kung susundin natin ang "personal na interpretasyon" ng mga "huwad na mangangaral," lalabas na sinasamba natin ang gulong! Diyan pa lang ay makikita ninyo kung gaano kabaluktot ang aral ng mga "huwad na mangangaral."

Pero kung iintindihin natin ang sinasabi ng Bibliya sa tamang konteksto ay makikita natin na hindi ang mismong pagyukod o pagluhod ang ipinagbabawal kundi ang "pagsamba" na ibinibigay sa bagay na niyuyukuran o niluluhuran.

Ang konteksto kasi nito ay ang pagbabawal ng Diyos sa pagkakaroon ng tao ng "ibang diyos" at mga "diyus-diyosan" na hindi dapat sambahin. Ang pagyukod o pagluhod ay ginamit lang na panlarawan dahil maaari itong maging expression ng pagsamba.

Ngayon, kung lumuluhod ba ang isang tao sa harap ng isang imahen o rebulto ay sinasamba na niya ito? HINDI.

Tingnan ninyo ang kaibahan. Ang nagdarasal ay lumuluhod o yumuyukod SA HARAP ng imahen o rebulto. Hindi ang mismong imahen o rebulto ang niyuyukuran o niluluhuran. Sa madaling salita ay hindi sa mga bagay na ito nakadirekta ang pagluhod o pagyuko.


ANG PAGLUHOD, BOW!

Pero bakit ba yumuyuko o lumuluhod?

Sabi natin, ang mga ito ay puwedeng pahiwatig ng pagsamba. Pero hindi lang 'yon ang gamit sa kanila.

Ang pagluhod ay isang paraan ng pagbibigay galang o respeto. Sa isyu ng mga imahen at rebulto, ang paggalang o pagrespeto ay hindi sa bagay ibinibigay kundi sa persona na inilalarawan o ipinaaalala nito.

Ang pagluhod din ay isang uri ng disiplina. Ang layunin nito ay tulungan ang tao na tumutok sa pagdarasal. Nagkakataon lang na kapag nagdarasal ang mga Katoliko ay mayroon silang gamit na imahen na maaaring makatulong din para maitutok ang isip ng nagdarasal sa kanyang ginagawa.

Ngayon, kung ang dinadasalan ng isang tao ay ang mismong imahen o rebulto at ginagawa niya itong diyos, nagkakamali siya at dapat siyang magbago. Pero hindi ang imahen o rebulto ang may prolema kundi ang tao na mismo.

2 comments:

  1. nakakalungkot sa panahon natin ngayon kasi may nakikipagpatayan makahawak lang sa imahe ng poon. Sana itama ng Simbahang Katoliko ang mga ganitong praktis. kasi maling mali na ang imahen mismo ay literal na sinasamba, sabi nga simbolo lang sila. Hindi ito ang nais na pagsamba ng Diyos mula sa atin. yung iba pinupunas pa yung panyo sa imahen o rebulto o statue sa ingles. Tandaan natin ang Diyos ay Espiritu kayat sambahin natin siya sa Espiritu at katotohanan. Juan 4:23

    ReplyDelete
  2. ligaw na kasi ang mga ibang katoliko..wala kasing turo sa simbahan nila kundi puro sermon..

    ReplyDelete