Tuesday, November 8, 2011

Magpapaloko pa ba kayo?

Enero 26, 2003


NARANASAN na ba ninyong maloko?

Kung “oo,” ano po ang pakiramdam? Masakit, ‘di ba? Nakagagalit? Para kayong ginawang tanga?

Mayroon akong kakilala na nabiktima ng “dugo-dugo.” Napaniwala siya na naaksidente ang isa niyang kapamilya kaya sinunod niya ang lahat ng sinabi ng isang taong tumawag sa kanya sa telepono.

Huli na ang lahat nang malaman niyang naloko siya. Nagawa ng swindler na kunin at tangayin ang kanyang pera at alahas. Sayang. Siya ang nagpakahirap na kitain at ipunin iba naman ang nakinabang.

Ang laki ng sama ng kanyang loob sa pangyayari. “Ang tanga-tanga ko kasi!” hinagpis pa niya.

Kahit kanino naman siguro mangyari ‘yon ay sasama din ang loob nila. Baka nga may makapatay pa nang dahil doon. Pero huwag naman sanang umabot sa ganoon.

Kung ‘yung pera at alahas lang ang nawala sa kakilala ko ay ngitngit na ngitngit na siya, ano pa kaya kung maloko siya at malinlang at mismong kaluluwa niya ang manakaw? Grabe, habang panahon na niyang pagsisisihan ang hindi niya pag-iingat.

Ano ang “lesson” na dapat nating matutunan sa kuwento ng kakilala ko? ‘Yon ay “Huwag tayong tatanga-tanga.”

Masakit bang pakinggan?

Aba, talagang masakit ‘yon kapag nangyari na sa inyo. Kaya dapat na palagi tayong mag-iingat.


HUWAD NA KRISTO

Sa isyu ng kaluluwa, maging ang Panginoong Hesus ay nag-warning na sa mga mananampalataya sa Kanya habang narito pa Siya sa lupa.

Ganito ang sabi niya sa Mark 13:22-23,

“Magpapakita ang mga huwad na kristo at huwad na propeta at gagawa ng mga tanda at kababalaghan para iligaw, kung maaari, ang mga pinili. Magmasid! Sinabi ko na ito sa lahat sa inyo bago pa.”

Ayan, malinaw ang babala kaya dapat lang tayong mag-ingat.

Nitong mga nakaraang linggo ay ipinakita ko sa pamamagitan ng mga sulat nina San Pedro at San Pablo ang ilang paraan para makilala natin ang mga taong magliligaw sa iba.

Sa pahayag ni San Pedro sa 2 Pedro 1:20-21, inilahad niya na ang mga “huwad na mangangaral” ay gagamit ng “personal na interpretasyon” ng kasulatan para magligaw ng mga mananampalataya.

Ipinaliwanag pa niya sa 2 Pedro 3:16 na may mga bagay sa kasulatan, partikular sa mga sulat ni San Pablo, na “mahirap maunawaan na binabaluktot ng mga walang alam at walang katatagan.”


TALIWAS NA ARAL

Sa babala naman ni San Pablo sa Roma 16:17, sinabi niya,

“Ipinamamanhik ko sa inyo mga kapatid na mag-ingat kayo sa kanila na nagiging sanhi ng pagkakabaha-bahagi at ng katitisuran na taliwas sa aral na inyong natutunan. Layuan ninyo sila.”

Maiuugnay natin ang “huwad na mangangaral” na sinasabi ni San Pedro at ang binabanggit ni San Pablo na mga gumagawa ng mga pagkakabaha-bahagi at katitisuran dahil sa “taliwas na aral” sa mga “huwad na kristo at huwad na propeta” na sinasabi ng Panginoon.

Sa lahat ng ito, makikita natin na mayroon nang mga mananampalataya na pilit na ililigaw at paghahati-hatiin sa pamamagitan ng panibagong aral na taliwas sa dati na nilang natanggap o pinaniniwalaan.

Isa ngang paraan na gagamitin nila ay ang mga maling pahayag o interpretasyon ng mga sinasabi ng Bibliya. Ito ay liban pa sa mga “tanda at kababalaghan” na maaaring ipakita nila o ng iba pang “huwad.”

Kaya nga mahalaga na maging marunong tayo at matuto ng tamang paraan sa pag-intindi ng mga sinasabi ng Banal na Kasulatan. Kung hindi-kung tayo ay magiging pabaya o magkikibit balikat lamang-baka tayo matulad sa kakilala ko na naloko at nalinlang.


TAMANG PAG-UNAWA

Last week binigyan ko kayo ng gabay kung paano makukuha ang tumpak na gustong sabihin ng Bibliya. At kung nabasa ninyo ang column ko kahapon, nakita ninyo ang isang ehemplo kung paano iintindihin ang isang talata at ang mga bahagi nito.

Sa column kahapon patungkol sa mga “diyus-diyosan,” rebulto, imahen at larawan ng mga santo, ikinumpara natin ang kahulugan ng bawat salita at nakita natin na magkakaiba ang mga ito. Sa madaling salita nga ay magkaiba ang “diyus-diyosan” sa mga rebulto at imahen sa Simbahang Katoliko.

Sa pamamagitan nito ay naipakita natin na mali ang iugnay ang mga imahen at rebulto sa Simbahan at sa mga “diyus-diyosan” na ipinagbabawal sa Banal na Kasulatan.

Tiningnan din natin ang mga pahayag ng mga “huwad na mangangaral” patungkol naman sa mga salitang “pagyukod” at “pagluhod” at nakita natin na hindi lang pala ginagamit ang mga ito sa “pagsamba.” Lumabas tuloy na hindi porke lumuhod ang isang tao SA HARAP ng isang imahen ay sinasamba na niya ito.

Simpleng bagay lamang ang malaman natin na hindi pala diyus-diyosan ang mga imahen at rebulto. Pero para sa mga taong naililigaw ng mga “huwad na mangangaral” ang paniniwala sa mga ito, doon nagsisimula ang iba pang mas malalim na pagliligaw at paglilihis sa tamang paniniwala.

No comments:

Post a Comment