Tuesday, November 8, 2011

Ang ‘diyus-diyosan’ ng mga Katoliko

Enero 18, 2003


SUMULAT sa akin si Mrs. Adoracion C. Espiritu ng Angono, Rizal. Mayroon siyang dalawang bagay na binanggit sa kanyang letter. Ang una ay tungkol sa mga isinusulat ko na may kaugnayan sa Bible at ang isa ay tungkol sa isang personal na request.

Since weekend ngayon at araw ng pahinga natin sa politika at kung anu-ano pang isyu ng mundo, sasagutin ko muna ang tanong ni Mrs. Espiritu tungkol sa “pagkalihis” ng mga Katoliko kaugnay ng mga sinasabi sa Bibliya.

Sa gitna ng kanyang sulat ay ikinuwento ni Mrs. Espiritu na siya ay Katoliko magmula sa kanyang kabataan pero nag-aalala siya dahil magmula nang magbasa siya ng Bible ay napuna niya na tila “nalilihis na ang Simbahang Katoliko pagdating sa kautusan na ’huwag hihiling sa mga diyus-diyosan.’”

Ang pangalawa ay ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagkain ng mga bagay na “may dugo.”

“Ano ang masasabi n’yo tungkol rito,” ang sabi ni Mrs. Espiritu.

Nakakataba ng puso ang panahon na ibinigay ni Mrs. Espiritu hindi lang sa pagbabasa sa pagtumbok natin sa mga isyu tungkol sa Bibliya kundi pati ang pagsulat niya para magtanong. Thank you po.

Ngayon, heto po ang sagot sa mga puna niya.

Isang dahilan kung bakit ginagawa kong mag-discuss ng mga isyu tungkol sa Bible at pananampalataya ay para maiayos ang maraming “misconception” o maling pananaw tungkol sa Catholic faith at sa Bible.

Isa na nga riyan ang sinasabi ng ilan tungkol sa paghingi ng tulong ng mga Katoliko sa tinatawag nilang “diyus-diyosan” na ang tinutukoy nila ay ang mga santo o ang mga imahen ng Panginoong Hesus, ni Birheng Maria at iba pang mga banal.

Nakakalungkot dahil mali ang pag-uugnay na ito.

Sa madaling salita, kapag nagsasalita ang Bibliya tungkol sa mga diyus-diyosan ay hindi nito tinutukoy ang mga santo o ang mga imahen o rebulto sa pananampalataya. Ito ay dahil magkaiba ang “diyus-diyosan” o “idols” sa religious images, pictures o statues.

Ugatin natin ito sa Exodus 20:3-5 at Deuteronomy 5:7-9 na pilit na nababaluktot-sinasadya man o hindi-at lumilikha ng maling pang-unawa sa sinasabi ng Banal na Kasulatan.

Ito ang sinasabi ng mga talata,

“Huwag kayong magkakaroon ng IBANG DIYOS liban sa akin. Huwag kayong uukit para sa inyong mga sarili ng mga DIYUS-DIYOSAN na kawangis ng anumang bagay sa kalangitan sa itaas o sa lupa sa ibaba o sa mga tubig na nasa ilalim ng lupa. Huwag kayong yuyukod o sasamba sa kanila. Ako, ang Panginoon, ang inyong Diyos, ay isang Diyos na mapanibughuin.”

Punahin ninyo na direktang tinutukoy ang “ibang diyos” at mga “diyus-diyosan.” Hindi sinasabi na bawal ang LAHAT NG URI ng inukit tulad ng mga imahen, rebulto o larawan. Naging specific si Lord at tinumbok Niya ang mga inukit na bagay na gagawing “diyos.”

Malinaw ang sinasabi ni Lord. Ayaw Niya na magkaroon tayo ng IBANG DIYOS liban sa Kanya.

Naging malabo ang sinasabi ng Bibliya nang baluktutin at dagdagan ng ilang tao ang sinasabi ng Panginoon. Idinagdag nila at isinama ang mga imahen, rebulto o larawan ng mga santo kahit hindi naman “diyus-diyosan” ang mga ito.

Para maliwanag, tanungin natin kung ano ba ang ibig sabihin ng “diyus-diyosan?”

Sa mismong salita pa lang ay makikita natin na ang tinutukoy ay mga bagay na ginagawang “diyos” o dinodiyos at nagiging pampalit sa tunay na Diyos.

Sa kabilang dako, ano naman ang mga rebulto, imahen o larawan?

Sa mismong mga salita ay makikita natin na ang mga ito ay mga bagay na LUMALARAWAN lang o nagre-represent ng tao o bagay. Sa pananampalatayang Katoliko, inilalarawan ng mga ito ang mga tao na naniwala, nanampalataya, namuhay at namatay alang-alang sa iisa at tunay na Diyos.

Sa madaling salita, ang mga rebulto, imahen o larawan ng mga santo ay nagpapaalala sa atin sa mga taong tunay na nagpakita ng pagsampalataya at pagsunod sa Diyos. Hindi sila itinuturing na mga “diyos” at lalo nang hindi sila ginagawang pampalit sa Diyos.

Bagkus, dahil sa mga rebulto, imahen at larawan ng mga santo ay nabibigyan tayo ng ehemplo o puwedeng pamarisan para lalong tumibay ang pagmamahal at pagkilala natin sa Panginoon.

Sabi ko nga, nagkaroon ng kaguluhan nang baluktutin at dagdagan ng ilang tao ang mga salita ng Diyos. Ang hindi naman “diyus-diyosan” ay ginawa nilang “diyus-diyosan” para lang malito at magulo ang isip ng mga tao.

Wala ’yang pinag-iba sa ginawa ni Satanas noong lituhin at lansihin niya sina Eba at Adan sa Hardin ng Eden na siyang naging dahilan para sila magkasala na siyang dahilan naman kung bakit mayroon kahirapan at kamatayan sa mundo ngayon.

Ang tanong ngayon ay "Kung hindi diyus-diyosan ang mga imahen at rebulto, bakit sila niyuyukuran at niluluhuran?" Sa susunod na Sabado natin tutumbukin 'yan.

2 comments:

  1. Mga Taga-Colosas 3:5
    5 Patayin nga ninyo ang inyong mga bahagi na maka-lupa. Ito ay ang pakikiapid, karumihan, pita ng laman, masasamang nasa at kasakiman na siyang pagsamba sa diyos-diyosan.

    Mga Taga-Efeso 5:5
    5 Ito ay sapagkat nalalaman ninyo na ang nakikiapid, o maruming tao o sakim na sumasamba sa mga diyos-diyosan ay walang mamanahin sa paghahari ni Cristo at ng Diyos.

    Mga Taga-Roma 16:18
    18 Ito ay sapagkat ang mga gayon ay hindi naglilingkod sa ating Panginoong Jesucristo kundi sa mga sarili nilang tiyan. Sa pamamagitan ng mabuting salita at papuri ay dinadaya nila ang mga puso ng mga walang kapintasan.

    ReplyDelete