Monday, November 21, 2011

Dapat bang mag-krus ang isang Kristiyano?

Abril 27, 2003


NOONG isang linggo ay ipinagdiwang ng mga Kristiyano ang Linggo ng Pagkabuhay na nagbibigay kasiguruhan sa atin na “kung paanong si Kristo ay binuhay ng karangalan ng Ama mula sa kamatayan, tayo man ay mananahan sa panibagong buhay.” (Romans 6:4)

Pero hindi porke natapos na rin ang Holy Week ay dapat na nating kalimutan ang mensahe nito. At ito ay wala nang iba kundi ang “mensahe ng krus.”

Kung sabagay, hindi nawawala ang mensahe ng krus sa ating mga Katoliko sa tuwing tayo ay magku-krus.

Ang nakakalungkot ay may mga Kristiyano rin daw na hindi lang kumukontra sa pagku-krus, ginagawa nilang katatawanan. Isa sa mga naaalala kong ginagawa itong laman ng kanyang mga “joke” ay si Eliseo Soriano.

Minsan, may nagtanong sa kanya kung bakit hindi siya nagsa-Sign of the Cross. Imbes na sagutin ang tanong ng manonood ay ginawa niya itong patawa.

Ginawa niyang ehemplo ang ginagawa ng ilang Katoliko na nagku-krus sa mga oras na sila ay natatakot o humihiling sa Diyos na ilayo sa kanilang mga “kaaway.”

Habang nagkukunwari siyang nag-a An Tanda siya ay kumanta siya ng “Ilayo po ninyo kami sa aming mga kaaway …”

Tapos ay iniugnay niya ito sa pagku-krus ng mga Katoliko kapag makakakita ng imahen ng Panginoon o ng mga banal na ipinuprusisyon.

Pagtapat daw ng imahen ay magku-krus ang Katoliko at saka sasabihin, “Ilayo po ninyo kami sa aming mga kaaway …” at saka itinuturo na ang “kaaway” ay ang isinasalarawan ng imahen.

Sunod niyang ginawang halimbawa ay ang pagku-krus ng mga Katoliko kapag natatapat sa simbahan. Sabi niya, “Siguro kaaway nila ‘yung nasa loob ng simbahan.”

In fairness kay Soriano, magaling siyang magpatawa pero hindi niya naiintindihan ang kanyang ginagawa.

Naaalala ko tuloy ang sabi ng Bibliya sa 2 Peter tungkol sa mga “huwad na mangangaral.” Sabi sa verse 12,

“Pero ang mga taong ito, tulad ng mga hayop na walang bait na ipinanganak upang hulihin at patayin ay UMAALIPUSTA sa mga bagay na HINDI NILA NAIINTINDIHAN.”

Kaya siguro nagtanong ‘yung kausap ni Soriano ay gusto nitong maliwanagan ang ibig sabihin ng pagku-krus at kung bakit ito ginagawa.

Ngayon, since hindi ito naipaliwanag nang maayos ni Soriano ay ipaliliwanag natin sa mga gustong makaintindi. Sa huli nitong column na ito ay itatanong natin kung “dapat bang mag-krus ang isang Kristiyano?”

Bago ang lahat, ano ba muna ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa “krus?”

Ganito ang sa 1Cor 1:18,

“Ang mensahe ng krus ay kagaguhan sa mga napapahamak pero para sa ating mga inililigtas ito ang kapangyarihan ng Diyos.”

Hindi pala katatawanan ang krus kundi “ITO ANG KAPANGYARIHAN NG DIYOS.”

Dahil nga rito ay sinasabi rin ni Pablo sa Gal. 6:14,

“Nawa’y ‘di ako magmalaki sa anumang bagay liban sa krus ng ating Panginoong Hesu Kristo.”

Sa ating mga Katoliko, ipinagmamalaki natin ang “krus ni Kristo” sa pamamagitan ng pagku-krus. Kaya nga gamit ang ating kanang kamay ay gumuguhit tayo ng krus mula sa noo, pababa sa dibdib, papunta sa kaliwang braso at matatapos sa kanang braso.

Mahirap magkamali ang iba na sabihin na Katoliko ang isang tao na makikita nilang nagku-krus. Kaya nga mahalaga na magawa ito nang tama dahil hindi lang ang pagiging Katoliko niya ang maiisip ng mga tao kundi ang mismong si Kristo.

Dahil kasamang naaalala ng iba ang Panginoon sa ginagawang pagku-krus ng mga Katoliko, masasabi natin na tumutulong tayo sa pagpapahayag ng Mabuting Balita ng kaligtasan.

Ayon nga uli sa Bibliya sa 1Cor 1:23,

“Ipinahahayag namin si Kristo na ipinako sa krus, (bagay) na kinatitisuran ng mga Hudyo at itinuturing na kalokohan ng mga Hentil.”

Pero hindi lang pagpapahayag ng kaligtasan ng Panginoon ang hatid ng pagku-krus. Sa tuwing magsa-Sign of the Cross ang isang tao, gumagawa siya ng simpleng panalangin

Sa panalangin ng “Sign of the Cross,” tinatawag natin ang pangalan ng Diyos sa pagsasambit natin ng “Sa Ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo.” Ang mga katagang ito ang nagpapaalala sa atin ng kaligtasang ibinibigay ni Kristo sa pamamagitan ng ating binyag.

Sabi kasi ni Hesus sa Matthew 28:19,

“Humayo kayo at gawing disipulo ang lahat ng bansa sa pagbibinyag sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.”

Kasama ng kaligtasan ng pagbibinyag ang pangako ng Diyos sa Joel 3:5 at Romans 10:13,

“Ang lahat ng tatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.”
At diyan lang papasok ang sinasabi ni Soriano na sa pagku-krus ay nananalangin ang Katoliko ng “Iligtas mo kami sa aming mga kaaway.”

Sa madaling salita, ang paghingi ng tulong sa Diyos ay isang bahagi lang ng kahulugan ng pagku-krus. Hindi ito ang nag-iisang kahulugan tulad ng gustong palabasin ni Bro. Eli.

At ngayon ngang alam na natin na ang krus ay “kapangyarihan ng Diyos” na “nawa’y ating ipagmalaki” at “ipahayag,” dapat ba o hindi dapat mag-krus ang isang Kristiyano?

Kayo na ang sumagot.

6 comments:

  1. di ako sang ayon sapagkat masyadong mababaw ang paniniwala sa katoliko kasi masyadong mababaw..

    ReplyDelete
  2. una ang krus sa sagisag ng pag aantanda ay di naka sulat sa bibliya at wla pong sinabi ang pangi noon na gawin po sa kanang kamay at bakit po ilayo lng sa kaaway eh panu po pag kumakain ibig sabihin po ba meron ding kaaway sa pagkain???


    pangalawa bakit po merong imahe ang diyos na jesuskristo saman talang ang panginoon po ay manibuhuin at saka paano po nagkaroon ng imahe ni jesus kung ang ama ay galit sa imahe ang anak kaya di magagalit pag ginawan sya ng imahe???

    ReplyDelete
    Replies
    1. Paki BASA po ang BUONG ARTIKULO. HINDI lang po PAGLAYO sa KAAWAY ang PAGKU-KRUS.

      Kung TUTOL KAYO ay PAKI TUTULAN nang PUNTO POR PUNTO ang mga SINABI KO.

      Sabi po ninyo ay "MABABAW" ang PANINIWALANG KATOLIKO? MAGBIGAY po sana KAYO ng MALALIM na PAGTUTOL.

      SALAMAT PO.

      Delete
  3. “Ang mensahe ng krus ay kagaguhan sa mga napapahamak pero para sa ating mga inililigtas ito ang kapangyarihan ng Diyos.”

    bakit po gumagamit ng masamang sali ta ang mga katoliko tulad ng pagmumura ibig bang sabihin malaya silang na sabihin ang guston nilang sabihin hindi ba masama yun????

    ReplyDelete
    Replies
    1. ALIN po ang PAGMUMURA?

      PAKI TUKOY NINYO at PATUNAYAN NINYONG PAGMUMURA YAN.

      Siguro naman po ay kaya ninyong gawin yan.

      Delete
  4. Salamat po sa inyong paliwanag. Pagpalain nawa kayo sa inyong ginagawa para sa kaalaman nating mga Katoliko.

    ReplyDelete