Wednesday, November 23, 2011

Relihiyon na lang at hindi politika

Mayo 6, 2003


MAY nagtanong sa akin kung bakit nagko-column ako ng tungkol sa relihiyon. Naubusan na raw ba ng isyu sa lipunan, politika at ekonomiya at Diyos na ngayon ang aking ginagawang topic.

Naku. Mauubusan ba ng puwedeng pag-usapan tungkol sa lipunan, politika at ekonomiya? Imposibleng mangyari ‘yon?

Ang kaibahan ng relihiyon sa iba pang puwedeng pag-usapan, mayroon itong katuturan.

Ang politika ay puro lang eklat at kalokohan.

Tingnan ninyo, ang sabi ni Presidente Gloria Macapagal Arroyo ay hindi na siya tatakbo sa 2004. Pero patuloy pa rin ang pangangampanya niya although hindi niya ito aaminin.

Kasabay nito ay tila patuloy pa ang pag-iipon ng pondo ng kung sinong misteryosong tao sa kanyang kampo.

Ginagamit ng "shadowy character" na ito ang katiwalian sa mga ahensiyang tulad ng Public Estates Authority (PEA) at maging sa Land Transportation Office (LTO) para maka-ipon ng pondo.

Naaalala pa ba ninyo ang "overpriced" na President Diosdado Macapagal Avenue?

Eh ang talamak na lagayan sa drug testing at smoke emission testing sa LTO, nakalimutan na ba ninyo?

Para saan ang perang nakukulekta sa lahat ng ito? At bakit walang opisyal o empleado ng gobyerno ang kinakasuhan para sa mga ito?

Kahit anong banat natin sa katiwalian ay nasasayang lang dahil para kang nakipag-usap sa pader.

Kung charter change ang pag-uusapan, talo pa natin ang turumpo na pinaiikot ng mga politiko.

Noon, ang sabi ng mga senador ay hindi sila papayag sa pagbabago ng Konstitusyon at lalong hindi sa paraan na gusto ng mga kongresista.

Ngayon? Tila nagbago na ang ihip ng hangin. ‘Di po ba?

Pinaniwala nila tayo na wala nang pagbabago sa Saligang Batas. Tapos, biglang-bigla ay ayan na naman sila.

Dapat pa ba natin silang paniwalaan?

Kung relihiyon ang ating pag-uusapan, malaki ang pag-asa na marami ang makinabang.

Mapag-aaralan natin ang mga bagay na mas may kahalagahan sa ating buhay.

Naniniwala kasi ako na ang pagbabago sa lipunan ay nagsisimula sa bawat tao sa tulong ng Diyos.

Isa pa, wala na tayong aasahan sa mga politiko. Buti pa sa Diyos meron pa tayong pag-asa.

No comments:

Post a Comment