Thursday, November 24, 2011

Maliligtas ba tayo ng Kristiyanismo?

Mayo 29, 2003


SALAMAT sa mga nagti-text para magtanong o mag-react.

Napakahalaga nitong tanong ni Elbert Leal ng Iloilo City. Sabi niya, "Gaano katotoo na maliligtas tayo by Christianity? Does that mean na lahat ng non-Christians like Muslims and Buddhists ay ‘di papasok sa langit?"

Ganito ang sabi sa Hebrews 1:1-2,

"Noon, kinausap ng Diyos ang ating mga ninuno sa pamamagitan ng mga propeta sa maraming pagkakataon at paraan.

"Pero dito sa mga huling araw ay kinausap niya tayo sa pamamagitan ng kanyang Anak na ginawa niyang tagapagmana ng lahat ng bagay at sa pamamagitan niya ay nalikha ang sanlibutan."

Ipinahihiwatig ng mga talata na mismong ang Anak ng Diyos — si Hesus — ang dumating at nagpahayag ang tunay na saloobin ng Diyos.

Naniniwala ang mga Kristiyano na si Hesus mismo ay Diyos. At sa pamamagitan Niya ay direkta nang nakipag-usap ang Diyos sa tao kaya naging malinaw ang pamamaraan ng kaligtasan.

Hindi lang nakipag-usap ang Diyos sa tao. Si Hesus ay nakisalo mismo sa kaligtasan ng sanlibutan.

Hindi lang Siya nangaral, inialay pa Niya ang buhay Niya para sa ikaliligtas ng lahat.

Sabi nga sa John 3:16,

"Ganoon na lang ang pagmamahal ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang bugtong niyang Anak upang ang lahat ng sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan."

Diyos na mismo ang gumawa at kumilos para matiyak ang kaligtasan ng tao.

Samantala, sa ibang relihiyon ay dumadaan pa rin sa mga propeta o mangangaral ang pakikipag-ugnayan sa Diyos. Malayo at hiwalay pa rin sa kanila ang Diyos.

Sa Kristiyanismo ay nakita, nakausap, nakasama at nakipamuhay sa tao ang Diyos. Namatay pa ito para sa tao.

At dahil Diyos na mismo ang nagkatawang tao at nagsalita, sino pa ang kailangang pakinggan, asahan at paniwalaan?

Bunga nito, naniniwala ang mga Kristiyano na walang ibang kaligtasan liban kay Kristo Hesus.

Sabi nga sa Acts 4:12,

"Wala nang kaligtasan kanino man dahil wala ng pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay sa tao na ikaliligtas natin."

Tiyak ang kaligtasan kay Hesus. Sinasabi sa Romans 10:9,

"Kung ipahahayag ng iyong bibig na si ‘Hesus ay Panginoon’ at nananampalataya sa iyong puso na binuhay siya muli ng Diyos, ikaw ay maliligtas."

Pero paano nga ang mga taong hindi pa nakakaalam ng Ebanghelyo?

Naitanong nga ni San Pablo sa Rom 10:14 ang ganito,

"Paano sila tatawag doon sa hindi pa nila pinaniniwalaan? At paano sila maniniwala roon sa hindi pa nila naririnig? At paano sila makaririnig kung walang mangangaral sa kanila?"

Kaya nga sinugo ni Hesus ang Kanyang mga Apostol at alagad para ipahayag ang Mabuting Balita.

Ito ang mababasa natin sa Matthew 28:19-20,

"Humayo kayo at gawing disipulo ang lahat ng bansa. Bautismuhan ninyo sila sa ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo at turuan ninyo sila na sundin ang lahat ng iniutos ko sa inyo."

Kaya nga responsabilidad o obligasyon ng bawat Kristiyano ang ipahayag at ikalat ang kaligtasang kaloob ni Hesus.

Sinasabi ng Simbahan na kung hindi pa naririnig ng isang tao ang Mabuting Balita ay Diyos na ang huhusga sa kanya.

Ayon sa Katolisismo, ang taong hindi pa nakikilala si Hesus pero may tunay at malalim na pagnanais na makilala ang buhay na Diyos ay maaaring maligtas sa pamamagitan ng "Baptism of Desire."

Pero kung narinig na ng isang tao ang Ebanghelyo ay ganito ang sinasabi ng John 3:18,

"Sino man ang sumampalataya sa kanya (Hesus) ay hindi hahatulan pero sino man ang hindi sumampalataya ay ituturing nang nahatulan dahil hindi siya naniwala sa ngalan ng bugtong na Anak ng Diyos."

Makikita natin dito na mayroong "choice" ang tao. Puwede siyang maniwala o hindi maniwala.

Pero sabi nga sa Deuteronomy 30:19,

"Inilalagay ko sa harap ninyo ang buhay at kamatayan, ang biyaya at ang sumpa. Piliin ninyo ang buhay, sa gayon kayo at ang inyong salinlahi ay mabuhay."

Sinasabi rin ni Hesus sa Revelations 3:20-21,

"Heto ako sa pinto at kumakatok. Kung may makaririnig ng aking tinig at magbubukas ng pinto, papasok ako sa kanyang tahanan at makikipaghapunan sa kanya.

"Ibibigay ko sa magwawagi ang karapatan na maupo kasama ko sa aking trono kung paanong ako mismo ay unang nagwagi at ngayon ay nauupo kasama ang aking Ama sa kanyang trono."

No comments:

Post a Comment