Monday, November 21, 2011

Bakit binibinyagan ang mga bata?

Abril 12, 2003


ISANG malaking isyu para sa maraming hindi Katoliko ang ginagawang pagbibinyag ng Simbahang Katoliko sa mga bata, partikular sa mga baby.

Hindi raw dapat binyagan ang mga bata dahil wala pa naman daw kasalanan ang mga ito.

Ayon sa mga kumukontra sa tinatawag na "infant baptism," ang panawagan daw sa Bibliya ay para sa "pagsisisi" sa ating mga kasalanan.

Binabasa nila ang sinabi ni John the Baptist sa Matthew 3:2,

"Magsisi kayo ng inyong mga kasalanan, nalalapit na ang kaharian ng langit."

Binabanggit din nila ang Acts 2:38 kung saan sinasabi,

"Magsisi at magpabinyag ang bawat isa sa inyo sa ngalan ni Hesu Kristo para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan. At tatanggapin ninyo ang Espiritu Santo."

Paano raw makapagsisisi ang mga sanggol at ano ang dapat nilang pagsisihan?

Siguro ay mayroon sa inyong magsasabi na "Oo nga naman. Wala nga namang kasalanan ang mga bata."

Pero may problema ang pangangatwiran ng mga kontra sa pagbibinyag sa mga bata.

Kung papansinin ninyo, hindi naman sinasabi o tinatalakay sa mga talatang ito kung ano ang binyag.

Ang layunin ng mga verse na ito ay anyayahan ang mga tao na "magsisi" ng kasalanan at "magpabinyag."

Hindi nililimitahan ng mga verse na ito kung ano ang binyag.

Dito natin sisimulang tingnan kung bakit binibinyagan ang mga bata.

Ano ba ang pagbibinyag?

Ang pagbibinyag ay isang sakramento o "nakagagaling na tanda" ng kapangyarihan ng Diyos.

Sa pamamagitan nito ay tinatanggap ang isang tao bilang bahagi ng Simbahan na siyang "katawan ni Kristo."

Pero ang pinakamahalagang silbi ng binyag ay ang kaligtasan na natatamo ng isang tao sa pamamagitan nito.

Sabi nga sa Romans 6:3-4 kung saan sinasabi ang ganito,

"Hindi ba ninyo alam na lahat tayo na nabinyagan kay Kristo Hesus ay bininyagan sa kanyang kamatayan? Tayo nga ay inilibing na kasama niya sa pagbibinyag sa kamatayan nang sa ganoon kung papaanong si Kristo ay binuhay mula sa kamatayan sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, tayo man ay magkaroon ng panibagong buhay."

Dito ay makikita natin na ang isang layunin ng pagbibinyag ay para magkaroon tayo ng panibagong buhay.

Kung titingnan pa natin ang bagay na ito sa kabuohan ng tinatawag na "salvation history" o ang kasaysayan ng pagliligtas sa atin ng Diyos, ay mas madali natin itong maiintindihan.

Kung babalikan natin ang mga pangyayari sa Paraiso noong matisod ang unang babae at lalaki, makikita natin na ang naging epekto ng kanilang pagkakasala ay ang pagkakapalayas sa kanila mula sa Paraiso.

Dahil napalayas sila sa Paraiso, hindi na sila nakakain ng bunga ng Puno ng Buhay. Ang naging resulta nito ay ang pagpasok ng kamatayan sa mundo.

Ang epekto nito ay hindi lang naramdaman ng mga unang tao kundi ng lahat ng tao.

Kumbaga, kahit tayo na wala namang kinalaman sa kasalanan nila ay nadamay na sa epekto ng kanilang ginawa.

Sabi nga sa Romans 5:12,

"Kung paanong ang kasalanan ay pumasok sa mundo sa pamamagitan ng isang tao, at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, sa pamamaraan ding ito dumating ang kamatayan sa lahat ng tao dahil ang lahat ay nagkasala."

Pero idinagdag ni Pablo sa Romans 6:23,

"Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan pero ang regalo ng Diyos ay buhay na walang hanggan kay Kristo Hesus ang ating Panginoon."

Makikita natin dito na ang buhay na walang hanggan ay "regalo" ng Diyos na dumadaloy sa pamamagitan ni Kristo.

Ngayon, ang regalo ba na ito ay para lang sa "matatanda at mga nagsisisi ng kasalanan" o para sa lahat -- bata man o matanda?

Ganito ang sabi ng Bibliya sa Matthew 19:13-14,

"At dinala kay Hesus ang maliliit na bata para mapatungan niya ng kamay at maipanalangin niya. Pero pinagalitan ng mga disipulo ang mga may dala sa mga ito.

"Sinabi ni Hesus, ‘Hayaang lumapit sa akin ang mga bata at huwag silang pipigilan dahil ang kaharian ng langit ay para sa kanila."


Mayroon bang kasalanan na dapat pagsisihan ang mga bata para lumapit sila kay Hesus?

Wala.

At kung ang daan ng buhay na walang hanggan ay ang pagbibinyag, bakit pipigilan ng kung sino man ang mga bata para mabinyagan?

1 comment: