Thursday, November 10, 2011

'Paggawa ng imahen pagsuway sa utos'

Pebrero 16, 2003


PAGGAWA NG IMAHEN 'PAGSUWAY'

LAST week ay nag-fax sa akin si Bro. Rene ng “Jesus the Anointed One” sa Batangas at nag-share siya ng kanyang reaction sa mga column ko patungkol sa mga “diyus-diyosan.” (January 25, 2003)

Tinumbok ni Bro. Rene ang sinabi kong sa kabila ng pagkakaroon ng mga Katoliko ng mga larawan at rebulto ay HINDI naman nila ito sinasamba o hindi ginagawang “diyus-diyosan.” Sinabi ko kasi na MAGKA-IBA ang mga “diyus-diyosan” na ipinagbabawal sa Bibliya at ang mga rebulto at imahen na makikita sa Simbahang Katoliko.

Ang mga larawan at rebulto ng mga Katoliko ay HINDI mga diyus-diyosan.

Sa sulat ni Bro. Rene ay sinabi niya, “Hindi n’yo nga po sila (mga rebulto) sinasamba, pero paano po ninyo sasabihing ito ay pagsunod? Ang paggawa pa lang at pagkakaroon nito ay isa ng PAGSUWAY.”

Para patunayan ang kanyang punto, nagbanggit si Bro. Rene ng talata na ayon sa kanya ay ang sinasabi ng “Magandang Balita” Bibliya sa Exodus 20:4 at Deuteronomy 5:8. Ganito raw ang nakasulat,

“Huwag kayong gagawa o magkakaroon ng larawan o rebulto ng anumang nilalang na nasa himpapawid, nasa lupa o nasa dagat.”

‘LAHAT’ AY BAWAL?

Ayon kay Bro. Rene, ipinagbabawal ng Bibliya ang mismong “PAGGAWA” at “PAGKAKAROON” ng mga rebulto at larawan na kamukha ng “anumang nilalang.”

Nagpapasalamat ako kay Bro. Rene sa kanyang sulat pero ikinalulungkot ko na mayroong hindi tama sa kanyang paniniwala.

Paano ninyo iintindihin ang sinabi niyang “Ang PAGGAWA pa lang at PAGKAKAROON nito (mga rebulto at larawan) ay isa ng PAGSUWAY.” Hindi ba ang sinasabi niya ay hindi lang mga “diyus-diyosan” ang ipinagbabawal sa Bibliya kundi ang LAHAT na ng uri ng rebulto at larawan?

Kung ganoon, lahat tayo ay sumusuway sa utos ng Diyos. Kasi maging ang paggawa at pagkakaroon estatwa ni Andres Bonifacio o Jose Rizal ay magiging labag sa 10 Utos. Kahit ang paggawa at pagkakaroon ng gulong ng kotse - na kamukha ng araw o ng bilog na buwan - ay magiging pagsuway.

Ano ba ang kaibahan ng rebulto ng isang santo sa rebulto ni Bonifacio? Ang rebulto ng santo ay nagpapaalala sa isang taong nagmahal sa Diyos. Ang rebulto naman ni Bonifacio ay nagpapaalala sa isang taong nagmahal sa bayan. Tulad nga ng sinasabi ko, PAALALA lang sila at HINDI mga diyus-diyosan.


DIYOS AY NAGPAGAWA

Kung sasabihin naman na ang pagbabawal ay sa mga larawan o rebulto na may kaugnayan sa pananampalataya, hindi pa rin pupuwede ang paniniwala ni Bro. Rene. Mismong ang Diyos kasi ay “nagpagawa” ng mga rebulto na may kaugnayan sa pananampalataya.

Sa Exodus 25:18-22, o ilang chapter matapos ibigay ng Diyos ang 10 Utos, ay iniutos Niya ang “PAGGAWA” ng “dalawang kerubim na gawa sa ginto.” Iniutos ng Panginoon na ay ilagay ang mga rebultong ito sa “takip” ng Arko na taguan ng mga tapyas na bato kung saan nakasulat ang 10 Commandments.

Isipin n’yo ‘yon, kung tama ang sinasabi ni Bro. Rene at bawal nga ang “paggawa” at “pagkakaroon” ng rebulto, nilabag ng Diyos ang sarili Niyang utos.

Sa 1 Kings 6:22-28 naman ay sinasabi na NAGPAGAWA si Haring Solomon ng dalawang naglalakihang rebulto ng kerubim at ipinalagay ang mga ito sa mismong silid ng templo na taguan ng 10 Utos.

Sa mga ito, magtatanong tayo: Sino ang nagkakamali sa pag-intindi sa sinasabi ng Ex 20:4 at Dt 5:8? Si Bro. Rene na nagsasabing bawal ang “paggawa” at “pagkakaroon” ng rebulto at larawan o ang Diyos at si Haring Solomon na parehong “nagpagawa” at kumilos para “magkaroon” ng rebulto?


MALI ANG ‘VERSION’

Hindi ko masisisi si Bro. Rene kung magkamali siya ng pag-intindi. Ang sisisihin ko ay ang “translation” o “version” ng Bibliya na ginamit niyang basehan ng kanyang paniniwala.

Mali kasi ang kanyang “version” sa pag-translate sa teksto na mula sa orihinal na Hebreo papunta sa Filipino.

Ang mas tamang translation ay “Huwag kayong gagawa ng diyus-diyosan [“pecel” sa original na Hebreo, “idol” sa Ingles at “eidolon” sa Griego] sa anyo ng anumang bagay …” Bagay na hindi sinusuway ng Simbahang Katoliko dahil ang mga larawan at rebulto rito ay HINDI mga “diyus-diyosan” kundi paalala lang sa mga taong naglingkod at nagmahal sa iisa at tunay na Diyos.

Sa orihinal na sulat sa Hebreo ng Ex 20:4 at Dt 5:8, hindi natin mababasa ang mga salitang “MAGKAKAROON,” “LARAWAN” o “REBULTO.” Isiningit o idinagdag lang ang mga ito sa “version” na ginagamit ni Bro. Rene.

‘Yan na nga ba ang sinasabi ko, kapag mali ang nagturo (“huwad na mangangaral”) o mali ang pinagkunan ng aral (maling “translation”) ay malamang na tayo ay maligaw at mapunta pa sa impiyerno.

May iba pang punto si Bro. Rene na sa susunod na Linggo natin tatalakayin.

2 comments:

  1. tama :D.. ang galing naman ng explanation mo :)

    ReplyDelete
  2. opinion ko lamang po ito....ang dyos ay nag utos kay moises na gumawa ng kerubim...iniutos po ng dyos kay moises malinaw na kautusan ito mula sa diyos.Ngayon sino naman ang nag utos sa tao na gumawa ng rebulto?ito ba ay pansariling kaisipan nila na gumawa ng rebulto, oh iniutos din ng diyos sa kanila.?

    ReplyDelete