Monday, November 28, 2011

Hesus Diyos bao isa lang propeta?

Hunyo 11, 2003


NAPAPANAHON itong text ni Joy Perez ng Baliwag, Bulacan, dahil sa kontrobersiya ngayon kay Bishop Teodoro Bacani.

Sabi niya, "Kasalanan po bang magkaroon ng BF na pari?"

Oo, Joy, isang kasalanan ang pakikipag-boyfriend sa isang pari.

Sorry kung medyo prangka at diretso ang sagot ko. Mahirap kasing magkamali sa bagay na ito.

Ang pakikipag-relasyon sa isang pari ay walang pinag-iba sa pakikipag-relasyon sa isang taong may asawa. Ang tawag sa huli ay pakikiapid.

Pero paano naging kasalanan ang pakiki-BF sa pari kung "wala" naman itong "asawa?"

Depende ‘yan sa definition kung ano ang isang "asawa."

Sa Bible, malalim ang kahulugan ng pag-aasawa. Ito ay nagpapakita ng malalim na relasyon na ang sentro ay ang "commitment."

Sa Ephesians 5:22-24, gumawa ng paghahambing sa mga mag-asawa at kay Kristo at sa Simbahan.

Heto ang sabi ng mgatalata,

"Mga babae pasakop kayo sa inyong mga asawa tulad ng sa Panginoon. Dahil ang lalaki ay ulo ng kanyang asawa kung paanong si Kristo ang ulo ng Iglesia na kanyang katawan na kanyang iniligtas.

"Ngayon, kung paanong ang iglesia ay nagpapasakop kay Kristo, ganoon din magpasakop ang babae sa kanyang asawa sa lahat ng bagay."


Pansinin ninyo ang pagtutulad. Ang pag-aasawa ay inihambing sa relasyon ng Panginoon sa Simbahan.

Sa Hosea 2:16 ay ganito pa ang sabi ng Panginoon sa Kanyang bayan,

"Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon, tatawagin mo akong ‘asawa.’"

Ngayon, bilang kinatawan ni Kristo sa Iglesia, ang mga pari ay kumakatawan din sa lahat relasyon ni Hesus sa Simbahan.

Ito ang dahilan kung bakit sinasabi na ang pari ay "ikinakasal" sa Iglesia. Ibinibigay kasi ng pari ang kanyang buong sarili sa bayan ng Diyos na inaari niya na parang "asawa."

At kung paanong hindi na karapat-dapat na maghanap ng ibang babae ang isang lalaking may asawa, hindi na dapat maghanap ng ibang "aasawahin" ang isang pari.

Pero "boyfriend" pa lang naman at wala pa namang "nangyayari."

Saan ba patutungo ang pakikipagkasintahan o pakikipagmabuti na ito? Ano ‘yon, laru-laro lang?

Ang pangunahing may kasalanan sa kasong ito ay ang pari pero nagkakasala rin ang babaeng pumapatol sa pari dahil nakikisalo siya sa isang relasyon na dapat ay para na lamang sa Diyos.

u u u

Ganito naman ang tanong ni Mr. Santiago ng Cotabato City, "Bakit po ninyo nasabi na si Hesus ay Diyos ayon sa mga Kristiyano gayong malinaw na isa lamang siyang propeta?"

Salamat sa tanong mo, Mr. Santiago.

Ang paniniwalang si Hesus ay Diyos ay batay sa pagpapahayag o revelation Niya sangayon sa sinasabi ng Banal na Kasulatan ng mga Hudyo at ng mga Kristiyano.

Ito ay naka-ugat sa pangyayari sa Genesis 3:23-24 kung saan pinalayas ng Panginoong Diyos sina Eba at Adan mula sa Hardin ng Eden.

Sa pamamagitan ng isang kautusan ng Diyos ay nawala sa tao ang pagkakataon na kumain ng bunga ng Puno ng Buhay. Kaya nga nagkaroon ng kamatayan sa mundo.

Para muling mabigyan ng pagkakataon ang tao na magkaroon ng buhay na walang hanggan kailangang kumilos muli ang DIYOS para mabalewala ang una Niyang utos.

Kaya nagkatawang tao ang Diyos sa persona ni Hesu Kristo at kinailangang ibuwis Niya ang Kanyang buhay para tubusin tayo sa parusa ng unang kautusan.

Ganito ang sabi sa Colosians 1:21-22,

"Noon ay nalayo kayo sa Diyos at naging kaaway sa inyong pag-iisip dahil sa masama ninyong gawain."

"Pero ngayon ay ipinagkasundo niya kayo sa pamamagitan ng pisikal na katawan ni Kristo sa daan ng kamatayan para maiharap kayong banal sa kanyang paningin, walang dungis at malaya sa anumang akusasyon."

Kung ordinaryong tao o propeta si Hesus, hindi Niya magagawang baguhin o alisin ang epekto ng parusa ng Diyos na ibinigay niya sa mga nauna pang tao.

May tao bang makakapagbago sa utos ng Diyos? Wala. Diyos lang ang puwedeng bumago sa sarili Niyang utos.

Ang Diyos lamang ang makakapagbigay buhay at dahil Diyos si Kristo ay nagkakaroon ng buhay na walang hanggan ang bawat naniniwala at sumasampalataya sa Kanya.

No comments:

Post a Comment