Tuesday, November 8, 2011

Ano ba ang Bibliya?

Enero 5, 2003


SIGURO kung itatanong ni Kris Aquino sa “Game Ka Na Ba?” kung “Ano ba ang Bibliya?” malamang na ma-perfect ng mga contestant ang sagot. Ang Bibliya ang “Salita ng Diyos.”

At halos tiyak na masasabi ng Religion teacher ko nung high school na “Very good!”

Tama. Ang Bibliya nga ang “Salita ng Diyos.”

‘Yan ang simpleng katotohanan na sagot sa isang “simpleng” tanong. Ang problema ay mula rin diyan nagmumula ang sari-sari, iba-iba at salu-salungat na paniniwala ng mga tao.

At dahil sa kanya-kanyang pag-unawa sa kahulugan ng “Salita ng Diyos” ay halos magpatayan ang mga “mangangaral” at mga “ministro” na pilit nagpapagalingan sa pagpapaliwanag ng ibig sabihin nito.

Sa katunayan, bunga ng debate at pagtatalu-talong ‘yan ay tila may bagong “church,” “fellowship” o “iglesia” na natatatag at nadadagdag araw-araw sa libu-libo nang “Bible-believing” groups dito sa mundo.


HUWAD NA MANGANGARAL

Ang nakakatawa ay lahat sila nagki-claim na sila ang “tunay na iglesia” ni Kristo o ng Diyos. Ibig sabihin, kung hindi sila pare-parehong nagsisinungaling ay pare-pareho silang naglolokohan. Puwede ba naman kasi silang maging “tunay” lahat kung sila-sila ay nagkokontrahan?

Pero tulad nga ng sabi ko noong isang linggo, HINDI ‘YAN KASALANAN NG BIBLIYA. Kasalanan ‘yan ng mga taong natuto lang magbasa, magmemorya at magdugtong-dugtong ng bersikulo sa Bibliya ay tinatawag na nila ang sarili na “pantas”, “mangangaral” o “ministro” ng “Salita ng Diyos.”

Ang hindi nila nare-realize ay sinasalungat nila, winawalanghiya at pinalalabo nilang mangyari ang sinasabi ng Panginoong Hesus sa John 10:16 na magkaroon ng “isang kawan, isang pastol.”

To be fair, naniniwala ako na mabuti ang hangarin ng maraming gustong mangaral ng “Salita ng Diyos.” Pero marami rin sa mga “huwad na mangangaral” na iyan ang binatikos ni San Pedro.

Sabi ng Apostol, ang mga ito ay

“Pangahas at arogante, hindi sila takot na alimurahin ang mga maluwalhating nilalang.” “Tulad ng mga hayop na walang pag-iisip … inaalimura nila ang mga bagay na hindi nila naiintindihan.” “Inaakit nila ang mga mangmang at ang puso nila ay puno ng katakawan.” (2Pedro 2:10; 12; 14)

Sa puntong ‘yan ay makikita natin na ang isang tanda ng mga “huwad na mangangaral” na ‘yan ay puno sila ng paninira sa mga “maluwalhating nilalang” (tulad marahil ng mga bagay o taong may kaugnayan sa Diyos) at sa mga bagay na “hindi nila naiintindihan.”

At kung babasahin natin ang sinasabi ni Pedro sa 2Pedro 1:20, makikita natin na ang isang ginagamit ng mga “huwad na mangangaral” sa kanilang paninira ay ang Banal na Kasulatan. Kaya nga sinabi ni Pedro na “Alamin ninyo ito una sa lahat, walang propesiya sa kasulatan ang puwedeng intindihin nang pansarili.”

At tulad nga ng sinabi ko sa simula ng column na ito, ang pagkakahati-hati, pagkakagulo at pagrarambol ng mga Kristiyano ay bunga ng maling pag-intindi o pag-unawa ng kung sinu-sinong “mangangaral” sa kahulugan ng Bibliya bilang “Salita ng Diyos.”


BIBLIYA, ANO NGA BA?

Pero bago natin tumbukin ang ibig sabihin na ang Bibliya ang “Salita ng Diyos,” alamin muna natin kung ano ang Bibliya.

Para sa marami, ang ibig sabihin nito ay “totoo” at “eksakto” ang lahat ng nakasulat sa Banal na Aklat. Nilulunok nila at tinatanggap ang bawat pagsasalarawan o “kuwento” sa Bibliya.

Halimbawa, naniniwala sila na ang mundo at lahat ng bagay ay ginawa at nilikha ng Diyos ayon at eksakto tulad ng sinasabi sa Genesis 1. Ito ang dahilan kung bakit hindi nila matanggap ang mga paliwanag ng siyensiya.

Mayroon ding tumuturing sa Bibliya bilang libro na para bang inihulog ng Diyos mula sa Langit. Para sa mga naniniwala ng ganito, puwede nilang basta na lang pagdugtong-dugtungin ang mga sinasabi sa iba’t-ibang libro ng Kasulatan at maging ang mga nakasulat sa New at Old Testaments.

Marami ang naniniwala na kahit na sino ay puwedeng gumawa ng sarili nilang “interpretasyon” sa mga sinasabi ng Bibliya. Basta raw nanalangin sila at hiningi na lukuban sila at gabayan ng Espiritu Santo ay puwede na nilang ipaliwanag ang mga teksto.

Para sa mga ito, ang ibig sabihin ng “Salita ng Diyos” ay Diyos LANG talaga ang nagsasalita. Ang mga propeta at iba pang tauhan sa Banal na Kasulatan ay mga “instrumento” lamang.

Dahil dito, anumang paliwanag, bagay, salita, pagkilos o paniniwala na hindi tuwirang mababasa sa Bibliya ay hindi dapat tanggapin. Bunsod nito ang paniniwala na ang Bibliya lang ang tangi at nag-iisang basehan ng pananampalataya.

Sa kabila nito ay naroon ang mga naniniwala na ang Bibliya ay “Salita ng Diyos” na nasusulat sa “salita ng tao.” Ibig sabihin, para maintindihan ang gustong sabihin ng “Salita ng Diyos” mahalaga na maunawaan din ang konteksto o kalalagayan ng mga taong sumulat nito.

Sino sa kanila ang tama? Next Sunday natin ‘yan paguusapan.

No comments:

Post a Comment