Thursday, November 3, 2011

Libre ang binyag at kasal sa Simbahan

Nobyembre, 10, 2002

NITONG mga nakaraang araw ay pinuna ko ang hindi magandang gawain ng paborito kong mangangaral na si Bro. Eli Soriano ng Ang Dating Daan. Hindi ko na kasi matiis ang mga kamalian na ipinangangaral niya.

Wala akong personal na galit kay Soriano at wala rin akong pakialam sa mga aral na gusto niyang ituro tungkol sa kanyang relihiyon. Ang may paki ako ay ang mga kasinungalingan niya laban sa mga Katoliko.

Isang kasinungalingan na ilang beses ko nang narinig mula sa nag-aapoy na bunganga ni Bro. Eli ay ang sinasabi niyang "ipinagbibili" o "ikinakalakal" ng Simbahang Katoliko ang mga sakramentong tulad ng binyag at kasal.

Kung si Soriano ay isang ordinaryong tao na mag-iisip ng ganito ay madali ko pa siyang maiintindihan. Hindi naman kasi ugali ng mga pari na magpaliwanag sa mga Katoliko kung ano ang nangyayari sa Simbahan.

Pero si Bro. Eli ay nagsasabing isa siyang "mangangaral" na "marunong" sa mga bagay na tungkol sa Diyos at sa pananampalataya. Gusto niyang palabasin na alam niya ang lahat ng kanyang sinasabi.

Sa isyu ng "pagbebenta" ng binyag o kasal, maaaring ang batayan ni Soriano ay ang perang hinihingi ng mga pari o ibinibigay ng mga taong gustong magpabinyag o magpakasal.

Totoong may ibinibigay na pera pero hindi 'yon bayad sa sakramento. Libre ang sakramento. Ang perang ibinibigay ay walang iba kundi "abuloy" ng mga tao para pantustos sa mga gastos sa Simbahan.

Kadalasan ay nilalagyan na ng katapat na halaga ang mga abuloy na ito para magkaroon ng "standard" at para hindi na magtanong ang mga tao kung magkano ang kanilang iaambag sa Iglesia.

Ang perang ibinibigay ng mga Katoliko ay ipinambabayad sa tulad ng kuryente at suweldo ng mga tauhan na kumikilos para maging matagumpay ang pagdaraos ng sakramento.

Kung walang pera ang isang tao ay hindi siya pipiliting magbigay. Bibinyagan siya o ikakasal kahit wala siyang pera.

Ang problema ay may mga taong handang gumasta para sa handa pagkatapos ng binyag o kasal pero galit sa pag-aambag sa Simbahan. Tama ba 'yon?

'Yan ang katotohanan at hindi ang sinasabi ni Bro. Eli.

Ngayon, kung ipipilit pa rin niya ang kanyang maling sinasabi sa kabila ng ganitong paliwanag ay para na siyang aamin na isa siyang sinungaling at manloloko.

No comments:

Post a Comment