Tuesday, November 29, 2011

Ano ang mga tanda ng Iglesiang itinatag ni Kristo?

Hunyo 15, 2003


KAHAPON ay sinumulan nating pag-usapan ang mga tanda para makilala ang Iglesia na itinatag ng Panginoong Hesu Kristo rito sa lupa.

Sabi ko nga kahapon, ang Iglesiang itinatag ni Kristo ay IISA. Although maraming kalat-kalat na iglesia o simbahan kahit noong unang panahon, ang mga ito ay kasama sa IISANG KATAWAN ni Kristo.

May sinasabi ang 1 Corinthians 12:12-13 na ganito,

"Ang katawan ay IISA kahit pa ito ay binubuo ng maraming bahagi; at kahit marami ang mga bahagi nito, bumubuo sila ng IISANG KATAWAN. Ganoon din kay Kristo."

"Dahil tayong lahat ay bininyagan ng IISANG ESPIRITU sa IISANG KATAWAN - maging Hudyo o Griego, alipin o malaya - at tayo ay binigyan ng iisang Espiritu para inumin."

ISA LANG ang Kanyang itinatag kaya nga ISA LANG ang Iglesia na KATAWAN ni Kristo.

Sabi nga sa Ephesians 4:4-5,

"May IISANG KATAWAN at iisang Espiritu - kung paanong kayo ay tinawag sa iisang pag-asa noong kayo ay tawagin - IISANG PANGINOON, IISANG PANANAMPALATAYA, iisang binyag."

Ang lahat ng iba pang "iglesia" na nagsulputan ay tatag na lang ng kung sinu-sinong tao - at baka pa tatag ng mga huwad na kristo at huwad na propeta. At 'yon ang nakakatakot.

Kaya puwede nating itanong: Ano ba itong Iglesia na kalat at maraming bahagi pero IISA pa rin?

Pero hindi lang ito ang "tanda" ng Iglesia na itinatag ni Kristo. Ang susunod ay ang nabanggit ko kahapon kaugnay ng Matthew 16:18 na ang sabi,

"At sinasabi ko sa iyo na ikaw ay PEDRO at sa ibabaw ng batong ito ay itatatag ko ang aking Iglesia na ang mga pinto ng Hades ay hindi mananaig dito."

Itinatag ng Panginoon ang Kanyang Iglesia kay PEDRO, ang pinuno ng mga Apostol. Ibig lang sabihin niyan ay MAY KAUGNAYAN ang Iglesiang itinatag ni Kristo sa Apostol na si Pedro. Kung wala, hindi ito ang itinatag na Iglesia ni Hesus.

Pero hindi lang kay Pedro may kaugnayan ang tunay na Iglesia ni Kristo. May kaugnayan din ito sa lahat ng iba pang Apostol.

Ganito ang sinasabi ng Ephesians 2:19-21,

"Kaya nga, hindi na kayo mga dayuhan o kaiba pero kasama na sa sambayanan ng Diyos at miyembro ng Kanyang sambahayan na ITINAYO sa pundasyon ng mga APOSTOL at mga propeta, na si Kristo Hesus ang pangunahing batong panulukan."

"Sa kanya ang buong gusali ay binuo at itinatayo para maging banal na templo ng Panginoon."


Ang kaugnayan na ito sa mga Apostol ay tinatawag na APOSTOLICITY ng Iglesiang itinatag ni Kristo. Sa madaling salita, ito ay mati-trace pabalik sa mga Apostol, partikular kay Pedro.

At dahil sinabi ng Panginoon na hindi pananaigan ng "Hades" o ng kamatayan ang Iglesia, ibig lang sabihin na mula noon hanggang ngayon ay nagpapatuloy ang Simbahan.

Dito pa lang ay maaari na ninyong malaman ang Iglesia na itinatag ni Kristo. Kasama ang "tanda" na ang Iglesia ay ISA, ay tatanungin lang ninyo kung ano itong Iglesia na may kaugnayan kay Pedro at sa mga Apostol.

Kumuha lang kayo ng history book at tingnan kung anong simbahan ngayon ang may kasaysayan na babalik sa panahon ni Hesus at ng mga Apostol ay may ideya na kayo.

Pero hindi pa tayo tapos. Dahil mayroon ibang "tanda."

Noong paakyat na sa Langit ang Panginoong Hesus, nagbilin Siya sa Kanyang mga Apostol at mga alagad. Mababasa natin ito sa Matthew 28:19 na ang sabi,

"Kaya humayo kayo at gawing disipulo ang LAHAT NG BANSA, binyagan ninyo sila SA NGALAN ng AMA, ng ANAK at ng ESPIRITU SANTO."

Ginusto ni Kristo na maging pangmalawakan o "universal" ang Kanyang Iglesia. Sa Griego, ang salitang katumbas ng "universal" ay "katolikos" kung saan kinuha ang salitang "Catholic."

Ang pagiging "universal" o "catholic" ng Iglesia ay bilang pagtupad sa kautusan ng Panginoon. Sabi nga sa Acts 13:47,

"Ito ang iniutos sa amin ng Panginoon, 'Ginawa kitang liwanag para sa mga Hentil para madala mo ang kaligtasan sa mga DULO NG DAIGDIG."

Dito makikita natin na ang pagiging "catholic" ng Iglesia ay mahalaga para sa kaligtasan. Kung hindi ito ikakalat sa "mga dulo ng daigdig" o hindi ito magiging "catholic," hindi maririnig ang Mabuting Balita ng pagliligtas.

Ang pang-apat na tanda ang pinakamahalaga dahil ito ang nagbibigay ng katiyakan na ang Iglesiang ito ay tunay at ang mensahe nito ay totoo ngang nagliligtas.

Ang pang-apat na tanda ay "BANAL" ang Iglesia.

Ganito nga ang sabi sa Ephesians 5:25-26,

"Mga lalaki mahalin ang inyong mga asawa kung paanong minahal ni Kristo ang iglesia at ibinigay ang kanyang sarili para sa kanya upang gawin siyang BANAL."

Dito ay makikita natin na ang Iglesia ay "BANAL" dahil sa ginawa ni Kristo na pagbibigay ng Kanyang sarili para rito.

Sa madaling salita, BANAL ang Iglesia hindi dahil "banal" ang mga miyembro nito kundi dahil sa pagliligtas na ginawa rito ng nagtatag sa kanya. Ang kabanalan ng Iglesia ay dahil iniligtas ito ni Kristo.

Ganito pa ang sabi sa Hebrews 13:12,

"At si Hesus ay nagdusa sa labas ng pintuan ng lungsod para gawing BANAL ang mga tao sa pamamagitan ng SARILI NIYANG DUGO."

So, mayroong apat na "tanda:" Ang Iglesiang itinatag ni Kristo ay ISA, APOSTOLIKO, KATOLIKO at BANAL. Mahahanap na ba ninyo ang Iglesiang ito?

No comments:

Post a Comment