Monday, November 28, 2011

Iglesia? Ano ba ito?

Hunyo 8, 2oo3


KAHAPON sinimulan nating pag-usapan ang Iglesia o ang Simbahan. Sinabi ko kung sino ang nagtatag nito at kung ano ang kahalagahan nito sa pananampalataya.

Pero ano nga ba itong Iglesia o Simbahan na halos palagi na nating naririnig? ‘Yan ba ‘yung building na pinupuntahan ng marami sa atin tuwing araw ng Linggo? O ‘yan ba ‘yung iba’t-ibang grupo na nakikita nating nagkalat sa ating paligid?

Ang salitang Iglesia ay nanggaling sa Greek na “ekklesia” na binubuo ng dalawang salita: ang “ek” na ang ibig sabihin ay “mula sa” at ang “klesis” na ang ibig sabihin ay “tinawag.”

Sa madaling salita, ang ibig sabihin ng “ekklesia” ay “tinawag” o “called out of.”

Unang ginamit ang salitang ito sa larangan ng pananampalataya (partikular sa mga unang salin ng Banal na Kasulatan) para tukuyin ang mga “assembly” o pagtitipon ng mga Hudyo.

Alam naman siguro ng marami sa atin na ang Kristiyanismo ay umusbong mula sa karanasan ng mga Hudyo at marami sa mga pasimula ng Kristiyanismo ay nakabatay sa Judaism.

Sa katunayan, ang orihinal na “ekklesia” ay tumukoy sa mga Hudyo bilang “mga tao na tinawag o tinipon ng Diyos.”

‘Yan ay batay sa pananampalatayang Hudaismo, na isang bayan na “tinawag” ng Diyos mula sa pagka-alipin sa Egipto at “tinipon” sa disyerto kung saan sila binuo bilang “Bayan ng Diyos.”

Nang magkatawang tao si Hesus - na sa paniniwalang Katoliko ay siyang Diyos Anak, ang ikalawang persona ng Banal na Sangtatlo - ang layunin Niya ay hindi naman magtatag ng panibagong relihiyon pero para gawin ganap ang pagkakabuo ng Israel, ang Bayan ng Diyos.

Kaya nga mababasa natin sa Matthew 10:5 at 6 ang ganito,

“Sinugo ni Hesus ang labin-dalawa na may ganitong tagubilin: “Huwag kayong pumunta sa mga Hentil o sa mga bayan ng mga Samaritano. Pumunta kayo sa mga naliligaw na tupa ng Israel.”

Pero ano ang nangyari? Si Hesus ay hindi tinanggap ng karamihan sa mga Hudyo. Itinakwil Siya ng mga ito - pero hindi ng lahat.

Marami pa rin ang sumunod sa Kanya at ang mga sumunod sa Kanya ang nabuo bilang Kanyang “kawan.”

Ganito nga ang sabi sa John 10:11-16,

“Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kaniyang buhay para sa mga tupa. Kapag nakikita ng upahang-lingkod na dumarating ang lobo, iniiwan niya ang mga tupa at tumatakbong palayo.”

“Ginagawa niya ito sapagkat hindi siya ang pastol at sila ay hindi sa kaniya. Pagkatapos, ang mga tupa ay sinisila ng lobo at kinakalat. Ang upahang-lingkod ay tumatakbong palayo sapagkat siya ay upahang-lingkod at wala siyang pagmamalasakit sa mga tupa.”

“Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang aking mga tupa at kilala ako ng aking mga tupa. Kung papaanong nakikilala ako ng Ama ay ganoon din naman, nakikilala ko ang Ama. Iniaalay ko ang aking buhay para sa mga tupa.

"Mayroon akong ibang mga tupa na wala sa kawang ito. Sila rin ay dapat kong dalhin at diringgin nila ang aking tinig. At MAGKAKAROON NG ISANG KAWAN AT ISANG PASTOL.”


Ang mga kasapi ng “kawan” na ito ang “tinawag” ni Hesus at nakakilala sa Kanyang. Dahil sumunod sila sa Kanyang boses ay “tinipon” sila ng Panginoon. Dito na pumasok ang isa pang gamit ng salitang “Ekklesia.”

Ang “Ekklesia” sa puntong ito ay ginagamit na para tukuyin ang “Bayan ng Diyos na Tinawag ni Hesus.” Kaya nga may sinasabi sa 1 Thessalonians 2:14,

“Sa inyo mga kapatid, tumulad kayo sa mga iglesia ng Diyos na kay Kristo Hesus.”

Ang salitang “Ekklesia” ang ginamit ng Panginoong Hesus nang buohin Niya ang Iglesia sa Matthew 16:18 nang sabihin Niya kay Pedro na

“At sinasabi ko rin sa iyo: Ikaw ay Pedro at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking IGLESIA.”

‘Yan ang kuwento kung bakit ang Iglesia sa ngayon ay ang “Bayang tinawag ng Diyos kay Kristo Hesus.”

Mula sa binuong “kawan” o “bayan” ni Kristo ay nabuo rin ang samahan na nagpapatuloy sa Diyos.

Sa pagdaan ng panahon, ang Ekklesia ay naging Church na hango naman sa salitang Griego na “kyriakon” na ang ibig sabihin ay Tahanan ng Diyos. Kaya nga naririnig natin na sinasabi na TAYO ang Simbahan.

No comments:

Post a Comment