Thursday, November 3, 2011

Mahiya ka naman, Bro. Eli Soriano

Nobyembre 3, 2002

NARINIG na ba ninyong mangaral si Bro. Eli Soriano ng grupong “Ang Dating Daan?”

Ang galing niyang magsalita. Akala n’yo ay alam na alam niya ang kanyang mga sinasabi.

Kung magbalasa siya ng mga talata sa Bibliya ay maaari ninyong maisip ang isang “hustler” sa baraha na kahit na anong diskarte ang gawin ay palaging siya ang nakakakuha ng Alas.

Sa pagsasalita ni Soriano, siya ang palaging tama. Lahat ng iba ay “bobo,” “tanga” at “gago.” At ’yon ang kanyang bukambibig.

Kahit ako isang Katoliko, pinapanood at pinakikinggan ko si Bro. Eli. Natural lang naman kasi sa isang tao na maging “curious” sa paniniwala ng iba.

Ang sabi ko pa nga noon ay “nakakabilib” si Bro. Eli dahil marami siyang sinasabi.

Anyway, kung mga aral at paniniwala niya ang pag-uusapan ay hindi ko na siya kokontrahin. Hindi man ako umaayon sa halos lahat ng kanyang sinasabi ay wala na akong magagawa dahil paniniwala na niya ’yon.

Sa isang demokrasya, ang lahat ng tao ay puwedeng maniwala sa kung ano ang gusto niya basta’t hindi siya nakakaperwisyo ng iba.

Ang problema kay Bro. Eli ay parang hindi siya naniniwala na may karapatan ang ibang tao sa kanilang paniniwala. Ang masaklap pa niyan ay pinagmumukha niyang “tsismoso” at “mangmang” ang kanyang sarili sa iba niyang sinasabi.

Isang halimbawa ay mahilig siyang magsalita laban sa mga Katoliko. Kesyo ang mga Katoliko raw ay “nagbebenta” o “nangangalakal” ng Salita ng Diyos. Sinasabi niya na “sumasamba” ang mga Katoliko sa mga bagay na “gawa ng tao.”

Ang dami pa niyang sinasabi tungkol sa Katolisismo na para bang isa siyang “eksperto” rito.
Ang lakas ng loob niyang gumawa ng maling kuwento laban sa mga Katoliko at pilit niyang pinalilitaw na “katotohanan” ang mga ito.

Kung gusto ng isang tulad ni Bro. Eli na gumawa ng kuwento tungkol sa sarili niya ay okay lang. Pero ang magsalita siya tungkol sa Katolisismo na wala siyang alam ay nakakahiya.

Sana ma-realize niya ’yon dahil ang pakilala pa naman sa kanya ng kanyang mga tauhan ay isa siyang “pantas” o isang taong marunong.

1 comment:

  1. Kung sino ka mang magaling na nag post nito, bakit di mu sya kausapin ng harapan ng mapahiya mu sya ng harapan din. Alam mu kasi, mamimihasa ang isang tao pag pinapabayaan mu sa kanyang ginagawa na alam na alam mung mali e, o bka naman natalo ka na sa formal debate kaya ka tumitirada sa pag popost dito? Parang tiradang patalikud kasi ito e, di sya maka depensa pag di nya mabasa to,

    ReplyDelete