Sunday, November 6, 2011

Bakit ba may Pasko?

Disyembre 21, 2002


ANO ba ‘yan? Pasko na pala next week.

Ang bilis talaga ng panahon. Parang suweldo, ngayon ay wini-withdraw mo sa ATM tapos maya-maya lang ay wala na. Sobrang bilis talaga!

At tulad din ng suweldo, excited na excited tayo sa tuwing darating ang Pasko. Napansin n’yo?

Pero napuna rin ba ninyo ang ibang pinagkapareho ng Pasko at ng araw ng suweldo?

Hindi ko tinutukoy ang gastos sa pagbili ng mga panghanda at panregalo.

Ang tinutumbok ko ay ang magandang feeling natin kapag dumarating ang araw ng kinsenas, katapusan at ika-25 ng Disyembre.

Kapag dumarating ang araw ng sahod ay kumikinang ang ating mga mata at nangangati ang ating mga kamay dahil makakabili na naman tayo ng gusto natin. Meron na naman tayong panggastos. May pambayad sa utang. May pangkain sa Jollibee o Mcdo. May pambigay sa asawa at mga anak.

Kapag Disyembre 25 naman ay napapaalala sa atin na sa gitna ng kahirapan, kapestehan, kalechehan, politika at iba pang kamalasan ay may naghihintay pa ring maganda sa ating buhay.

Kasi naman, ang Pasko ay tungkol talaga sa pag-asa. Hindi ‘yung Barangay Pag-asa sa Quezon City o ang PAGASA na sabi ng marami ay wala na halos maaasahan.

Ang pag-asang dala ng Pasko ay ang pangako ng Diyos ng mas magandang buhay kung susundin lang natin ang tunay na diwa at espiritu ng kapaskuhan. At ‘yan ay maiintindihan lang natin kung mare-realize natin ang dahilan kung bakit may Pasko.

Bakit nga ba may Pasko?

Mahabang istorya pero paiikliin natin.

Nagsimula ‘yan noon pang likhain ng Diyos ang lahat ng bagay, kabilang na ang tao.

Noon ay “friend” tayo ni Lord. Inilagay pa nga Niya ang unang mga tao sa Hardin ng Eden kung saan walang puwedeng magkulang sa ating pangangailangan.

Pero ano ang nangyari? Imbes na tanggapin ng tao na nilalang lang siya at kailangang sumunod sa Diyos na Siyang lumikha, ginusto ng tao na matulad siya sa Diyos.

At dahil hindi puwedeng lahat tayo ay Diyos at dahil hindi naman talaga tayo Diyos, nasira ang magandang relasyon ng Diyos at tao. Napalayas tuloy ang tao sa Eden.

Sa halip na tumanggap ng buhay na walang hanggang ay sinuway ng unang tao ang Diyos kaya pumasok tuloy ang kamatayan sa mundo. At sino ba ang gustong mamatay at sino ang ayaw ng buhay na walang hanggan?

Pero dahil mabait ang Diyos ay binigyan Niya tayo ng bagong pag-asa. At d’yan pumapasok ang Pasko. Paano? Bukas basahin n’yo rito sa column ko.

No comments:

Post a Comment