Thursday, November 24, 2011

Ba’t hinahanap ang wala sa Bible?

Mayo 28, 2003


BIGYANG daan natin ang mga nag-text sa atin.

Sabi ni RJ Siok ng Las Pinas, “Bakit ho ang mga adik, sugarol at babaero ay mga Katoliko?”

Hindi naman, RJ. Hindi naman “monopolisado” ng mga Katoliko ang kasalanan. Nagkataon lang na mas maraming Katoliko kaya mas napapansin kung nagkakamali sila.

Sa katunayan, maraming pastor, ministro at mangangaral pa mismo na nakakagawa ng kasamaan.

Kailan lang ay isang pastor ang hinatulan sa Australia dahil sa pangmomolestiya ng mga batang Pilipino.

May mga ministro na napabalita na namaril at pumatay dahil natalo lang sa debate.

Mayroon diyang mangangaral na napakarumi ng bibig. Napaka palamura at napaka yabang.

May isang sekta na nagmamayabang na wala raw silang miyembro na nakakulong. Totoo naman, dahil kapag nakagawa na ng krimen ang miyembro nila ay bigla itong itinitiwalag.

Oo nga, tiwalag na ang miyembro nung nakulong pero nung gawin nito ang krimen ay kasapi pa ito ng grupo na iyon. Isa nga sa mga miyembro nito ay sikat na sikat dati pero ngayon ay Muslim na.

Marami ang hindi nakakaalam pero ang mismong “founder” ng isang malaking sekta ay naakusahan pa ng “rape.”

Ayaw lang nating magbanggit ng partikular na grupo o sekta dahil lalabas na naninira tayo at nagmamalinis.

Lagi rin kasi nating tinatandaan ang sabi ng Panginoong Hesus sa Matthew 7:1-2 na ang sabi,

“Tumigil sa paghusga para hindi kayo husgahan. Sapagkat kung paano kayo humusga ay ganoon din kayo huhusgahan at ang panukat ninyo sa iba ay siya ring ipanunukat sa inyo.”

Sa talatang 3 ay heto pa ang sinasabi,

“Bakit mo napupuna ang puwing sa mata ng iyong kapatid pero hindi napapansin ang tahilan sa iyong sariling mata?”

u u u

May tanong si Ryan Quizon ng Sta. Mesa. Sabi niya, “Napapanood n’yo ba ang Tamang Daan ng mga Iglesia? Bakit po imbes na aral sa Bible ang ituro nila ay puro paninira kay Eli ang topic?”

Salamat sa tanong mo Ryan pero dahil hindi naman ako Iglesia at hindi parte ng paggawa ng palabas na iyon ay wala ako sa lugar na sabihin kung ano ang nasa isip nila.

Pero bilang sagot sa una mong tanong ay “Oo, madalas akong manood ng Tamang Daan.”

Ugali ko kasi na hangga’t maaari ay personal kong malaman ang sinasabi ng ibang tao, partikular sa relihiyon, para kahit paano ay tama ang ideya ko sa itinuturo nila.

Nalulungkot kasi ako sa karanasan ng mga Katoliko na binabatikos gamit ang puro “imbento” at hindi totoong alegasyon. At kahit ipinaliwanag mo na ang totoo sa aral Katoliko ay ‘yung kasinungalingan pa rin ang sinasabi laban dito.

Isa lang siguro ang masasabi ko sa sinasabi mong “paninira” ng Tamang Daan kay Soriano. Pareho lang naman silang nagsisiraan, hindi ba?

u u u

Nag-react si AJ Reyes ng Dasmarinas, Cavite, sa pagtatanong ko kung saan makikita sa Bibliya na dapat ngang nasusulat ang lahat ng gagawin o paniniwalaan ng isang Kristiyano.

Ang sabi ko kasi ay “Wala ito sa Bibliya.”

Heto ang reaksyon ni AJ, “Mr. Bibe, ba’t mo hinahanap yung wala sa Bibliya? Ba’t ‘yung nakasulat ay hindi ginagawa ng mga Katoliko?”

Mayroon pang karugtong ang text ni AJ pero naputol na ito sa aming cell phone. Pasensiya na. Kaya kung puwede ay i-send na lang uli niya ang huling bahagi ng message niya.

Samantala, heto ang dahilan kung bakit ko hinahanap ‘yung “wala” sa Bibliya.

Alam mo, AJ, kailangang hanapin natin ang “wala” dahil may mga nagpapakilalang “mangangaral” na nagsasabi ng mga bagay na hindi totoo at nagliligaw lang sa mga tao.

Tulad ng aral na “Ang lahat ng gagawin at lahat ng paniniwalaan ay dapat na nasa Bibliya.” Kung totoo ang aral na ito, dapat ito mismo ay mababasa sa Bibliya. Tama lang, hindi ba?

At dahil karamihan ng nakaririnig nito ay walang alam sa Bibliya at takot kumontra sa Banal na Kasulatan ay marami ang napaniwala rito.

Pero sabi nga sa 1 John 4:1,

“Minamahal, huwag magtiwala sa bawat espiritu pero subukan ang mga espiritu para makita kung sila ay sa Diyos, dahil maraming bulaang propeta ang pumasok na sa mundo.”

Kaya nga sinubukan ko ang aral na iyon at napatunayan ko na iyon ay “huwad.” ‘Yan kasing mismong aral na “dapat nasa Bibliya ang lahat ng gagawin o paniniwalaan” ay ”WALA SA BIBLIYA.”

Lalo pang mahalaga ang pagsusuri dahil may babala si Hesus sa Matthew 7:15-16. Sabi Niya,

“Mag-ingat kayo sa mga huwad na propeta na lumalapit sa inyo na nakadamit tupa pero sa ilalim ay mababangis na aso. Makikilala ninyo sila sa kanilang gawa. Pumipitas ba ang mga tao ng ubas sa puno ng dawag o ng igos sa puno ng aroma?”

Sa madaling salita, makikilala raw ang mga huwad na propeta dahil kumukuha ang mga ito ng mga bagay sa lugar na wala naman nito. Sa mas simple pang salita ay “nag-iimbento” lang sila.

Ang mga mangangaral na nagsasabi na “dapat nasa Bibliya ang lahat ng gagawin at paniniwalaan” ay nag-iimbento lang ng aral dahil ito mismo ay wala sa Kasulatan.

Mahalaga na naipakita natin na huwad ang isang aral dahil ang pinag-uusapan ay ang kaligtasan ng kaluluwa ng tao.

Kung mapapaniwala tayo sa isang huwad na aral ay malamang na tayo ay mapahamak at mapa-Impiyerno.

No comments:

Post a Comment