Thursday, November 24, 2011

'Good provider’na 2 ang asawa

Mayo 21, 2003


BIGYANG daan uli natin ang mga tanong at reaksyon ng mga readers natin.

May pagtutol si Alex ng Davao City sa pagsusulat ko tungkol sa Diyos dito sa TUMBOK.

Sabi niya, "Hindi angkop ang column mo sa aral ng Diyos dahil tabloid ‘yan na may bastos kang mababasa."

Salamat sa pagiging prangka, Alex.

Noong isang araw, napag-usapan dito sa column ko ang tungkol sa "free will" na ibinigay ng Diyos sa tao.

Ibig sabihin, binibigyan tayo ng Panginoon ng "choice" o pagkakataong pumili kung ano ang gagawin natin.

Diyo sa TUMBOK, ang hangarin natin ay mabigyan ng "choice" ang ating mga readers.

Kaya nga sari-sari at iba-iba ang topic natin dito.

Pero tungkol sa isyu kung "angkop" o hindi ang aral ng Diyos sa tabloid, tingnan natin ang ehemplo ni Hesus.

Siya ay Diyos pero ginawa Niyang magkatawang tao at makipamuhay bilang tao para masabi sa atin ng direkta ang Kanyang mensahe.

Kung titingnan natin ang Bibliya, sa Old Testament ay nakipagusap sa atin ang Diyos sa pamamagitan ng mga propeta at mga banal na tao.

Sa New Testament, Siya na mismo ang bumaba mula sa Langit para tuwirang sabihin sa atin na mahal Niya tayo.

Sa katunayan, niloob Niyang mamatay sa krus -- na itinuturing na pinakamababang uri ng kamatayan -- para lang iligtas tayo sa tiyak na kapahamakan

At iyon ang tinatawa na "Magandang Balita."

Hindi "angkop" sa Diyos ang maging tao pero kung hindi ’yon ginawa ni Kristo ay saan kaya tayo pupulutin?

u u u

Gustong mag-participate sa talakayan natin si Omeng ng San Miguel, Valenzuela City pero mayroon muna siyang tanong. Sabi niya, "Bago po ako maki-participate sa inyong talakayan tungkol sa Banal na Bibliya, gusto ko lang sanang malaman ang sekta ninyo."

Ako ay isang Roman Catholic.

Bata pa ako ay interesado na ako sa usapin tungkol sa Diyos.

Dalawang taon akong nag-aral sa seminaryo kung saan ang paborito kong klase ay ang tamang pag-aaral tungkol sa Bibliya at sa kasaysayan ng Iglesiang Kristiyano.

u u u

Heto naman ang reaksyon si Phay Timtiman ngTanay, Rizal, kaugnay ng pagbatikos ng ilang tao sa mga Katoliko.

Sabi niya, "Bakit nila minamaliit, inuuyam at iniinsulto ang mga Katoliko? Gawain ba ‘yon ng isang Kristyano? Pilit kasi nilang INIHIHIWALAY ang Bibliya sa TRADISYON na mahirap mangyari. Sadyang ayaw lang nilang unawain. Hindi ka pikon!"

Salamat, Phay.

u u u

Mayroon tayong kasama rito sa trabaho na nagtanong tungkol sa isang problema na tila pangkaraniwan na sa maraming tao ngayon.

Gusto niyang malaman kung "kasalanan" pa bang matuturing kung may dalawang asawa ang isang lalaki pero pareho naman niya itong naaalagaan.

Sa madaling salita, "good provider" naman siya kahit pa dalawa ang kanyang pamilya.

Ano ba ang definition ng "kasalanan?"

Ang kasalanan ay galing sa salitang "sala" na ang isa sa mga kahulugan ay "lihis."

Specifically, ang "kasalanan" ay ang paglihis sa kaayusan na inilagay ng Diyos sa lahat ng bagay.

Kapag lumilihis tayo sa kaayusan, ang epekto ay kaguluhan na minsan nga ay umaabot pa sa patayan.

Sa mga Kristiyano, ang kaayusan sa pamilya ay ang pagkakaroon lang ng isang asawa ng isang tao.

Kung mayroong dalawang asawa ang isang lalaki, obviously ay sumira na kaagad siya sa kaayusang itinakda ng Diyos.

Siguro may mga tao na tanggap nang "maraming" pamilya ang kanilang tatay, pero kung tatanungin sila ay tiyak na sasabihin nilang "masakit" ang ganoon at sana ay hindi na ‘yon nangyari.

Wala naman sigurong tao na gusto ng kaguluhan. Wala naman sigurong tao na gustong masaktan.

Ito ang dahilan kung bakit sinasabi sa atin ng Diyos at ng Simbahan na umiwas tayo sa kasalanan.

Pero kahit nga ang Diyos ay hindi tayo pipiliting sumunod sa Kanyang mga utos. Tayo ang pipili sa pagitan ng pagsunod at sa kasalanan

No comments:

Post a Comment