Thursday, November 3, 2011

Simbahan, imahen ng Holy Trinity


October 27, 2002

ISA sa mga doktrina ng sangka-Kristiyanuhan na hirap na hirap ang marami na maintindihan ay ang aral tungkol sa Holy Trinity o Banal na Sangtatlo.

Paano naman daw kasi magkakaroon ng tatlong persona ang iisang Diyos? Isang tanong na kung hihimayin ay nagbibigay duda sa kung ano ang kaya at hindi kayang gawin ng Diyos.

Pero ganoon ba talaga kahirap intindihin ang doktrina ng Holy Trinity?

Sa katunayan ay hindi. Sa pag-aaral na ginawa ko rito ay nakita ko na isa ito sa pinaka-simpleng puwedeng intindihin sa mga aral ng Kristiyanismo.

Puwede bang magkaroon ng tatlong persona ang iisang Diyos?

Oo.

Nitong mga nakaraang Linggo ay ipinakita ko mula sa Bibliya kung paano nagkaroon ng tatlong persona ang iisang Diyos. Ito ay sa pamamagitan ng pagtukoy sa Pangalan na ina-angkin ng bawat isa sa Kanila.

Ang pangalan ng Diyos Ama mula pa sa sinauna ay Yahweh.

Noong magkatawang tao ang Panginoong Hesus ay ibinigay sa Kanya ang “pangalan na higit sa lahat ng mga pangalan. Ito ay ang “Kyrios” na salitang Griyego na ang katumbas ay ang “Adonai” na isa namang salitang Hebreo na tumutukoy lamang sa Diyos.

Ang Ngalan ng Ama at ng Anak ay ipinantukoy rin sa Espiritu Santo nang sabihin ni Mateo na ang lahat ng bansa ay bibinyagan sa “Ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo.”

Iisa ang Kanilang “Ngalan.” At ito ang ngalan na higit sa lahat ng pangalan.

Para maintindihan ang bagay na ito, tumitingin tayo sa Iglesia, na larawan ng isang Diyos na may tatlong persona.

Sa aral ng Banal na Sangtatlo, sinasabi na ang Diyos ay binubuo ng tatlong persona na pare-pareho ang pagka-Diyos pero tunay na hiwalay sa bawat isa.

Ang Simbahan ay “isa” at “iisa.” Sa kabila nito, ito ay binubuo ito ng maraming persona na tunay na hiwalay sa bawat isa pero pare-pareho ang dignidad at pantay-pantay ang pagiging miyembro ng Iglesia.

Sa Holy Trinity, sila ay pareho ang pagka-Diyos pero may kanya-kanya silang papel na ginagampanan sa Kanilang pagka-Diyos.

Sa Simbahan, pareho ang pagkatao at pagka-miyembro ng bawat miyembro pero iba-iba ang kanilang ginagampanan sa Iglesia.

Ganoon lang ka-simple ang bagay na ito.

No comments:

Post a Comment