Thursday, November 24, 2011

‘Intriga’ laban sa Salita ng Diyos

Mayo 19, 2003


BIGYANG daan natin ang mga nagti-text sa atin.

Hihingi lang ako ng paumanhin sa ilang nag-text dahil hindi pumasok ang lahat ng message nila dahil medyo mahaba.

Nagbigay ng opinyon si Dansen Villa ng Iloilo tungkol sa tanong ko last week kung "Dapat ba na nasa Bible ang lahat ng gagawin at paniniwalaan ng isang Kristiyano?"

Para kay Villa, ang tamang tanong ay "Dapat bang NAAAYON sa Bibliya o sa pananaw ng Bibliya ang gagawin o paniniwalaan ng isang Kristiyano."

Kung ganoon ang tanong ay isasagot ko na dapat ngang naaayon sa Bibliya ang gagawin at paniniwalaan ng isang Kristiyano.

u u u

Sabi naman ni Dennis ng 138 K-10 street, East Kamias, "May mga paniniwala ang Katoliko na sumasalungat sa Bible. Basahin n’yo ang Exodo 20:4."

Ang tinutukoy ni Dennis ay ang pagkakaroon ng mga rebulto at imahen ng mga Katoliko.

Ang gusto niyang sabihin ay lumalabag ito sa Ex 20:4 na nagbabawal sa paggawa ng mga "diyus-diyosan."

Dennis, ang bawal ay ang mga "diyus-diyosan" na ipinampapalit sa Diyos.

Hindi bawal ang pagkakaroon ng mga rebulto. Ang Diyos mismo ay nag-utos na gumawa ng mga rebulto sa anyo ng kerubim. Ito ay nasa Ex 25:18 at 1 Hari 6:22-28.

Ang mga rebulto sa Simbahan ay HINDI dinidiyos. Ginagamit lang sila para maalala ang mga taong banal na nagmahal at naglingkod sa Diyos.

Ang hangarin dito ay ma-inspire tayo na tularan ang kanilang ehemplo at lalo tayong magmahal at maglingkod sa tunay na Diyos.

Kaya ‘di ‘yon salungat sa sinasabi ng Bibliya.

u u u

Tungkol uli kung dapat bang nasa Bible ang gagawin at paniniwalaan natin.

Sabi ni Bonie Jamil ng General Santos City, "Lahat ng nasusulat at iniuutos sa Bible ay naniniwala ako pero mahirap itong gawin. Kaya binigyan ng Diyos ang tao ng ‘freedom’ to choose."

Ganito naman ang text ni Celso ng Tanza, Cavite, "Hindi sinasabing paniwalaan n’yo lahat ng nakasulat kundi magsaliksik kayo ukol sa nasusulat. Kaya nga binigyan Niya tayo ng freedom para paniwalaan ‘yung sa tingin natin ay tama.

Tama si Jamil at Celso, binigyan tayo ng Diyos ng kalayaan para pumili. ‘Yun ang tinatawag na "FREE WILL."

Puwede tayong sumunod sa Diyos o hindi.

Kahit si Lord ay hindi tayo pipilitin kung ayaw nating maligtas. Pero palaging nariyan ang Panginoon at iniimbita tayo tungo sa kaligtasan.

Sa Katolisismo, ang Bibliya ang isa sa dalawang "guide" para sa dapat na pamumuhay ng isang Kristiyano.

Ang pangalawa ay ang Banal na Tradisyon na ipapaliwana ko sa mga susunod na araw.

u u u

Nakakataba naman ng puso ang text ni Angel ng Camarin, Caloocan City. Sabi niya, "Hindi talaga ako palabasa ng Bible pero natutuwa ako sa column mo kasi talagang kapupulutan ng aral."

Sabi naman ni Philip Durugan ng Puray street (hindi pumasok sa text ang bayan niya), "Ako’y interisado sa usapin tungkol sa doktrina. Sana ay ipagpatuloy n’yo ito."

Salamat, Angel at Philip. Sabi ko nga, imbes na politika ang pag-usapan natin ay tungkol na lang sa Panginoon, partikular sa Bible.

Mayroon talagang mabuting makukuha sa pag-aaral ng Salita ng Diyos.

u u u

Samantala, iba ang concern ni EP Rualo ng Parañaque City.

Nag-warning siya at sinabi na "H’wag mong iniintriga ang Salita ng DIYOS. Blasphemy yan! Hindi ka gifted at tulad din ng ibang nakakapagturo ng laban sa Espiritu Santo, maiimpyerno ka!

Salamat sa paalala, EP. Hindi ko layunin ang intrigahin ang Salita ng Diyos.

Marami ang gustong maintindihan ang mga bagay tungkol sa pananampalataya, partikular sa Bible, at ‘yon ang gusto kong gawin para sa kanila.

Hindi kailangan ang maging "gifted" para maunawaan ang mga Salita ng Diyos. Ang kailangan lang ay tamang kaalaman sa background ng Bibliya at isip at puso na palaging bukas sa "guidance" ng Espiritu Santo.

Ibinibigay ko lang ang isang pananaw na dapat ay noon pa ibinunyag sa lahat ng tao.

Okay lang kung may sumalungat. Ang mahalaga ay nai-share ko ito.

No comments:

Post a Comment