Sunday, November 20, 2011

Tamang ‘sakripisyo’ sa Kuwaresma

Marso 30, 2003


MALAPIT na naman ang Holy Week o Semana Santa. Tiyak na mayroon na namang mga tao ang nag-iipon ng pambili ng “blade” at gumagawa ng mga panghataw sa kanilang mga likod.

Malamang din ay may iba pang tao na naghahanda na ng mga kahoy at pako na kanilang gagamitin para pagdating ng Biyernes Santo ay maipako rin sila sa krus tulad ng ginawa sa ating Panginoong Hesus.

Noong unang panahon, partikular noong panahon ng mga Kastila, ang mga paghahandang ganyan ay tanda na malapit na talaga ang Semana Santa.

Ang kaibahan noon at sa ginagawa ng ilang tao sa ngayon, noon ay bahagi ng Senakulo ang mga preparasyong ito. Samantala, ang mga ginagawa ngayon ay kadalasang “paraan” ng ilang tao para “pagbayaran” ang kanilang mga kasalanan.

Ang Senakulo ay isang pagsasadula na ang layunin ay ipakita ang mga eksenang inilalarawan sa Bibliya para maalala, maisip at mapag-isipan ng mga nanonood ang paghihirap na dinaanan ni Hesu Kristo para mailigtas tayo sa ating mga kasalanan.

Isa na lang “reenactment” ang Senakulo. Ito ay ipinalalabas sa hanga’d na ma-realize natin kung gaano tayo kamahal ng Diyos.

Sa madaling salita, ito ay isang “dula” o “play” na ang pinaka-mensahe ay ang pagmamahal ng isang Diyos sa Kanyang mga nilalang.

Sinasabi sa atin ng Senakulo na “Ganito ka kamahal ng Diyos.”

Isipin nga naman natin, ayon sa Bibliya sa Juan 1:1-2 at 14, Ang Salita ng Diyos na Diyos rin ay nagkatawang tao at ito nga si Hesus.

Heto ang sabi ng Juan 1:1-2,

“Sa pasimula pa ay naroon na ang Salita. Ang Salita ay kasama ng Diyos at ang Salita ay Diyos. Kasama Siya ng Diyos sa pasimula pa.”

Sa Juan 1:14 ito naman ang sinasabi,

“At ang Salita ay naging tao at gumawa ng tirahan sa piling natin. Nakita namin ang kanyang kaluwalhatian, ang kaluwalhatian ng bugtong na Anak ng Ama, puspos ng biyaya at katotohanan.”

Bakit nagkatawang tao ang Diyos? Para ba magyabang o para pagsilbihan?

Heto ang sabi ng Mark 10:45,

“Dahil ang Anak ng Tao ay hindi dumating para paglingkuran kundi para maglingkod at IBIGAY ang kanyang buhay bilang PANTUBOS sa marami” mula sa kamatayan na siyang kabayaran ng kanilang kasalanan (basahin ang Roma 6:23).

Para Niya ito magawa ay kinailangang dumanas Siya ng hirap, pasakit at kamatayan sa krus.

Ang mga pangyayari kaugnay ng Kanyang paghihirap at kamatayan ay isang sentro ng paglalahad sa apat na Ebanghelyo. Sa mga kuwentong ’yan sa Bibliya nakabase ang pagsasadula sa Senakulo.

Magandang tandaan na ang Senakulo ay ginagawa para ipaalala sa ating lahat ang dakilang pagmamahal ng Diyos sa ating lahat.

At bilang “response” o sagot natin sa pagmamahal na ito ng Diyos ay inaanyayahan tayo ng Simbahan na tanggapin ang kaligtasan na ito.

Sa katunayan, ang PAGTANGGAP sa kaligtasang alok ni Kristo ang TANGING bagay na dapat nating gawin para tayo maligtas.

Sabi nga sa Juan 3:16,

“Gayon na lang ang pagmamahal ng Diyos sa mundo na ibinigay Niya ang kanyang bugtong na Anak upang ang sino mang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”

’Yan ang sentro ng aral Katoliko.

Ang problema, maraming tao ang nagkakaroon ng maling ideya pagdating sa bagay na ito. Ang ilan nga rito ay ang mga nagsusugat sa kanilang mga sarili, nagpapahirap sa kanilang mga katawan, nagpapasan ng krus at nagpapapako pa sa krus tuwing Biyernes Santo.

Ang paniniwala nila ay papatawarin ng Diyos ang kanilang mga kasalanan sa paggawa nila ng mga bagay na ito.

Mali po. Baka imbes na mapatawad ang kanilang kasalanan ay madagdagan pa ito dahil sinasaktan nila ang kanilang mga sarili.

Ang sabi sa Bibliya, sa 1 Corinthians 6:19,

“Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay isang templo ng Espiritu Santo na nasa inyo at galing sa Diyos? Ang sarili ninyo ay hindi ninyo pag-aari.”

Mas maganda ang sinasabi ng verse 20:

“Dahil kayo ay binili (ng Diyos) sa malaking halaga. Kaya nga parangalan ninyo ang Diyos sa pamamagitan ng inyong katawan.”

Matutuwa ba ang Diyos kung lalatiguhin ninyo ang inyong sarili o kung papakuan ninyo ito? Tiyak na HINDI!

Isa pa, kung susugatan pa ng isang tao ang kanyang katawan ay palalabasin niya na “kulang” ang ginawa ni Kristo na pagbubuwis ng buhay sa Kalbaryo.

Nung sabihin ni Lord sa taas ng krus na “Natapos na” (Juan 19:30), ang ibig sabihin nuon ay TAPOS na ang Kanyang misyon. Hindi na natin ’yon mababawasan o madaragdagan pa.

Kahit pa durugin natin ang ating mga buto at ibuhos ang ating dugo ay hindi na mababago ang ginawa ng Panginoon.

Ang kailangan na lang ay TANGGAPIN natin ang ibinibigay Niyang kaligtasan, sundin ang Kanyang mga aral at utos at lumayo sa kasalanan.

Kung talagang may gusto ng “sakripisyo,” sundin ninyo ang paanyaya sa pag-aayuno at pag-iwas sa karne tuwing araw ng Biyernes. Iwasan na rin ninyo ang paggawa ng kasalanan.

Kung magagawa ninyo ’yon ay talo pa ninyo ang ipinako sa krus.

No comments:

Post a Comment