Thursday, November 24, 2011

Bible Only, nasa Bible ba?

Mayo 18, 2003


MAY dalawang pananaw tungkol sa isyu natin kung “dapat bang ang lahat ng paniniwalaan o gagawin ng isang Kristiyano ay nasa Bibliya?”

Ang isa ay ang sa Simbahang Katoliko na nagsasabi na ang mga bagay na mahalaga sa kaligtasan ay matatagpuan sa Banal na Kasulatan (Bibliya) at sa Banal na Tradisyon (mga aral ni Kristo na ipinakalat ng mga Apostol at ng mga sumunod sa kanila sa pamamagitan ng Espiritu Santo).

Ang pangalawang pananaw ay ang “Bible Only” na nagsasabi na tanging ang Bibliya ang dapat sundin sa mga bagay ukol sa kaligtasan. Ito ang paniniwala ng libu-libo, iba’t-iba at madalas ay nag-aaway-away na grupo na “sumusunod” daw sa iisang Bibliya.

Marami nang debate ang nangyari sa hangarin na mapalabas ang tamang pananaw. Pero madalas ay nalilihis at naliligaw ang usapin dahil pilit pinalilitaw ng naniniwala sa “Bible Only” na binabalewala ng Simbahang Katoliko ang Banal na Kasulatan. Mali o pilit na binaluktot ang pananaw na iyon.

Kasabay nito ay pilit binabalewala ng maraming naniniwala sa “Bible Only” ang ibang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagkukunan ng batayan ukol sa kaligtasan.

Pero alam ba ninyo na walang magiging debate kung titingnan lang natin ang sinasabi ng Bibliya sa isyu na ito?

Simulan natin sa tanong na “Saan iniuutos sa Bibliya na dapat nakasulat ang lahat ng paniniwalaan o gagawin ng isang Kristiyano?”

Ang sagot ay “Wala.”

Tiyak na marami ang magpoprotesta. At tiyak na magbibigay sila ng mga talata na nagbabanggit sa “kasulatan” o sa pagiging “inspired” ng mga kasulatan. Pero kung papansinin lang ang mga talata na ito ay HINDI talaga sinasabi na “dapat ay Bibliya lang ang batayan.”

Hindi ba kung talagang mahalaga ang isang “utos” o “aral” dapat sana ay direkta itong sasabihin ng Bibliya? Bakit walang ganitong direkta o tuwirang utos?

Isang ginagamit ng naniniwala sa “Bible Only” ay ang 2 Timothy 3:16 na ganito ang sinasabi,

“Lahat ng kasulata’y kinasihan ng Diyos at magagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagpapabulaan sa maling aral, sa pagtutuwid sa likong gawain, at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay.”

Para malinaw, ang Simbahang Katoliko ay 100 percent na umaayon sa talatang iyan.

Pero hindi natin pinag-uusapan kung “kinasihan” ba o hindi ang kasulatan. Ang punto ay sinasabi ba sa talata na “ang kasulatan LANG ang batayan ng pagtuturo, pagpapabulaan, etcetera?”

Hindi. Pinatutunayan lang ng talata ang pagiging “inspired” ng kasulatan pero hindi nito iniuutos na ang kasulatan LANG ang DAPAT gamitin o maging batayan ng aral.

Minsan kasi ay “dinadagdagan” o “binabawasan” ng ibang naniniwala sa “Bible Only” ang sinasabi ng talata. Minsan din ay tila hindi nila matiyak kung “letra por letra” o puwedeng “pahiwatig” lang ay puwede na para tanggapin ang sinasabi ng isang talata.

Kailan lang ay napag-usapan natin dito ang tungkol sa pagku-Krus. Marami ang nag-react. Isa na rito si Timoteo Pablo na nagbintang pa sa Simbahang Katoliko ng “pag-iimbento” ng pagku-Krus.

Sinabi ko na ang pagku-Krus ay ayon sa pagtanggap ng mga Katoliko sa krus at sa pagmamalaki nila rito. Nang ibigay kong batayan sa pagtanggap ang Matthew 10:38 at Mark 8:34, iginiit ni Timoteo Pablo na “ang utos ay PASANIN” ang krus at “hindi isenyas.” Sinasabi niya ay dapat na “letra por letra” ang pagsunod.

Iginiit pa niya na “Hindi dapat hihigit sa nangasusulat” ang gagawin o paniniwalaan.

Pero nung sabihin niya na “hindi dapat mag-Krus” ay wala naman siyang naibigay na talata na nagsasabi ng “letra por letra” na “hindi dapat mag-Krus” o “masama ang mag-Krus” o “inimbento lang ng Simbahang Katoliko ang pagku-Krus.”

Nung tanungin ko rin siya kung paano niya ipinagmamalaki ang krus ni Kristo (sang-ayon sa pahayag ni San Pablo sa Galatians 6:14) ay wala rin siyang nahugot na talata sa Bibliya. Puro opinyon ang kanyang sinabi.

Ang dapat niyang ginawa ay sinagot niya ng talata ang ibinigay kong talata at ito ay dapat na “related” o direktang may kaugnayan sa mga sinabi ko.

Ang ibig lang sabihin nuon ay mismong si Timoteo Pablo ay umaamin na walang talata sa Bibliya na direktang susuporta sa kanyang mga alegasyon laban sa Simbahan at sa pagku-Krus.

Mayroon siyang sinabi na “Dapat ay nasa Ebanghelyo ni Kristo” ang gagawin. Ang problema ay tila hindi niya naiintindihan ang kanyang sinabi.

Ang sinasabi ba niya ay nasa Bibliya ang “buong Ebanghelyo” ni Kristo? Kung ito ang paniniwala niya ay salungat ito sa sinasabi ng Bibliya.

Sinasabi kasi sa John 21:25,

“Marami pang ginawa si Hesus na kung isusulat lahat sa palagay ko ay hindi magkakasya sa mundo ang lahat ng aklat na masusulat.”

Mismong ang Bibliya ang nagpapatotoo na hindi nito taglay ang lahat ng bagay tungkol kay Kristo. Pero ito ay nakararating pa rin sa lahat dahil nakita ito ng kanyang mga Apostol na nagpahayag naman sa atin sa pamamagitan ng “Sacred Tradition.”

Pero ano ba talaga itong “Sacred Tradition” na ito? Nasa Bibliya ba ito?

‘Yan ang tatalakayin natin sa susunod.

No comments:

Post a Comment