Thursday, November 10, 2011

Maling salin laban sa imahen

Pebrero 23, 2003



LAST Sunday, inilabas natin ang reaksyon ni Bro. Rene ng “Jesus the Anointed One” ng Batangas sa serye ng mga column ko tungkol sa pagkakaiba ng mga rebulto at larawan sa Simbahang Katoliko at ng mga diyus-diyosan na ipinagbabawal sa Bibliya.

Nasabi ni Bro. Rene na “Hindi n’yo nga po sila (mga rebulto at larawan) sinasamba, pero paano po ninyo sasabihing ito ay pagsunod? Ang paggawa pa lang at pagkakaroon nito ay isa ng PAGSUWAY.”

Tapos ay nagbigay siya ng quotation na sabi niya ay galing sa “Magandang Balita” Bibliya kung saan sinasabi umano sa Exodus 20:4 at Deuteronomy 5:8 ang ganito,

“Huwag kayong gagawa o magkakaroon ng larawan o rebulto ng anumang nilalang na nasa himpapawid, nasa lupa o nasa dagat.”

Ipinakita natin na may pagkakamali sa pagkakaintindi ni Bro. Rene sa sinasabi ng Bibliya dahil MALI ang translation ng Bibliya na kanyang binabanggit. Sa tamang translation kasi ng dalawang talata na ‘yan ay ganito ang sinasabi, “Huwag kayong gagawa ng diyus-diyosan sa anyo ng anumang bagay …”


MALING SALIN

Sinabi kong MALI ang pagkaka-translate sa ginamit na Bibliya ni Bro. Rene dahil wala tayong makikitang word na katumbas ng “magkakaroon” sa orihinal na teksto sa Hebreo.

Ang salitang ginamit doon ay “’asah” na ang ibig sabihin ay “gumawa o humubog” at HINDI “magkaroon.” Ibang-iba naman kasi ang kahulugan ng “gumawa” at “magkaroon.”

Mayroon ding mali sa pagkakagamit ng mga salitang “larawan o rebulto” sa Bible translation na ginamit ni Bro. Rene. Ito ay dahil sa orihinal na kasulatan sa Hebreo ang ginamit na salita sa dalawang talata ay “pecel” na ang katumbas na salita ay “idol” o “diyus-diyosan.”

Puwedeng ikatwiran ng ilan na ang isang “idol” o “diyus-diyosan” ay isang “larawan o rebulto.” Pero tulad nga ng sabi ko, may mali sa ganung pangangatwiran.

At ano ‘yon?

Ang isang “diyus-diyosan” o “idol” ay maaaring nasa hugis ng isang “larawan o rebulto” pero maling sabihin na ang isang “larawan o rebulto” ay isa na ring “diyus-diyosan.” Kayo mismo ang magsasabi na maraming “larawan” o “rebulto” na hindi naman dinidiyos.

At tulad nga ng sinasabi ko, ang mga “larawan” at “rebulto” sa Simbahang Katoliko ay HINDI mga diyus-diyosan.


DAGDAG-BAWAS

Diyan natin makikita na may “DAGDAG-BAWAS” sa Bibliyang ginamit ni Bro. Rene. Ang salitang “magkakaroon” ay idinagdag at sa paggamit naman ng mga salitang “larawan” at “rebulto” ay mayroong ibinawas.

At kung naniniwala tayo sa sinasabi ng Bibliya sa Revelations 22:18-19 ay hindi natin susundin ang sinasabi ng Bibliya ni Bro. Rene. Sapagkat sinasabi sa verse 18,

“Binabalaan ko ang sinumang nakakarinig ng mga hula sa librong ito: kung may magdadagdag sa mga ito ay idadagdag ng Diyos sa kanya ang mga salot na sinasabi rito.”

At sa verse 19 ay

“At kung may mag-aalis ng mga sinasabi sa mga hula sa aklat na ito, aalisin ng Diyos ang bahagi niya sa puno ng buhay at sa banal na lungsod na binabanggit sa librong ito.”

Tingnan ninyo, kapag mali ang batayan ng pananampalataya ay mali na rin ang nagiging paniniwala. Hindi lang ‘yon, baka matapon pa kayo sa impiyerno sa kabila ng sa pag-aakala ninyo na kayo ay sumusunod sa kagustuhan ng Diyos.


WALANG PAMBILI

Sa sulat pa ni Bro. Rene sa akin, sinabi niya “Paano po kaya ‘yung mga mahihirap na tao na hindi maka-afford to buy images or statues? Wala silang paalala sa dakilang pagmamahal ng Diyos. At ang mayayaman, they could have all images or idols of anything … Then the rich has more chance of being SAVED.”

Idinagdag pa niya, “One is not sure if that idol or image is really the face of a person or god it represents. Sure kaya? … Eh kung hindi kamukha, sino ‘yon?” GOD is spirit, kaya dapat siyang sambahin sa Ispirito at katotohanan. JOHN 4:24.”

Maganda ang mga sinasabi ni Bro. Rene rito. Paano nga naman kung walang pambili ng “images or statues?” Mas maliit ba ang tsansa nilang maligtas kaysa mayayaman na makakabili ng maraming larawan o rebulto?

Isa pa, wala nga namang makapagsasabi na ang mukha sa mga imahen o larawan ay ‘yon mismong sa ipinapaalala nuon.

Next Sunday, tatalakayin natin kung lamang talaga ang mayaman sa mahirap pagdating sa SALVATION. At kung nagkakamali ba ang mga Katoliko sa pagkakaroon ng mga “paalala” na hindi naman tiyak kung kamukha nga ng mga taong nire-represent nila.

No comments:

Post a Comment