Sunday, November 20, 2011

Ang katotohanan sa mga ‘diyus-diyosan’

Marso 2, 2003


THANK you sa lahat ng nag-fax at nag-text bilang reaksyon sa mga column ko na nagpapaliwanag tungkol sa mga imahen, larawan at rebulto at kung paano sila ginagamit sa loob ng Simbahang Katoliko.

Una na riyan si Bro. Rene ng Jesus the Anointed One sa Batangas at sa maraming nag-text. Hindi ko na babanggitin ang lahat ng ipinadalang text pero bibigyang daan ko lang ang isang sinabi ni Ernest ng E. Rodriguez Sr. Avenue sa QC.

Sabi niya, “Sa palagay ko ay nagsisinungaling ka kung sasabihin mong hindi n’yo sinasamba ang mga rebulto sa Simbahang Katoliko…”

May punto ni Ernest. Kung totoo nga naman na sinasamba ng mga Katoliko ang mga rebulto at sinasabi kong hindi, lalabas nga na ako’y nagsisinungaling.

Ang masasabi ko lang ay ito: Paano kung ang totoo ay hindi sinasamba ng mga Katoliko ang mga rebulto at imahen? Ano ang mangyayari sa mga taong naniniwala na sinasamba ng Katoliko ang mga ito? Hindi ba lalabas na sila ang naniniwala sa kasinungalingan?


ANO ANG TOTOO?

PARA sigurado uulitin ko ang aral ng Simbahang Katoliko patungkol sa mga imahen.

Ang mga religious images, pictures o statues ay pantulong lang para MAALALA ng tao ang Diyos o ang mga santa o santo na namuhay at namatay na nagmamahal at naglilingkod sa Panginoon.

Hindi ipinagbawal ng Diyos ang paggawa at pagkakaroon ng mga imahen, larawan o rebulto. Ang Diyos mismo ay nagpagawa ng mga imahen o rebulto ng mga kerubim. (Exodus 25:18)

Ang ipinagbawal Niya sa Deuteronomy 5:8 at Exodus 20:4 ay ang paggawa ng mga “diyus-diyosan” o “idols” na itinuturing na “diyos.” Sabi nga ng Panginoon sa Deuteronomy 5:7 at Exodus 20:3 ay “Huwag kayong makakaroon ng ibang diyos liban sa akin.”

Malinaw na sinasabi ng Bibliya sa Dt 5:9 at Ex 20:5 na nagiging “diyus-diyosan” ang isang bagay kung ang pagluhod o pagsamba ay ibinibigay o iniaalay doon sa BAGAY at hindi sa Diyos.

Ang mga imahen o rebulto sa Simbahan ay HINDI dinidiyos. Kung lumuluhod man ang isang Katoliko sa harap ng isang imahen, hindi rito ibinibigay o idinidirekta ang pagluhod kundi sa Diyos na naaalala niya sa pamamagitan ng bagay na iyon.


MALI KUNG SASAMBAHIN

Kung mayroong tumuturing na “diyos” sa mga imahen at sinasamba na ang bagay at hindi na ang Diyos ay NAGKAKAMALI ang taong ‘yon. Kung Katoliko siya ay dapat niyang itigil ang ganoong gawain dahil hindi ‘yon aral-Katoliko at lalong hindi ‘yon itinuturo ng Simbahan.

Ang aral ng Simbahang Katoliko patungkol sa mga imahen at rebulto ay mga PAALALA lang ang mga ito. Naniniwala kasi ang Simbahan na makatutulong ang mga ito para maalala ng tao ang Diyos at ang mga santo.

Walang ibang hinangad at ginusto ang Simbahan kundi ang palagi nating maalala ang Diyos at makakuha ng halimbawa sa mga santo para lalo pa nating mahalin at mapagsilbihan ang Panginoon.

Itinatanong ni Bro. Rene sa kanyang sulat kung hindi raw ba mas mabuti na “wala” na lang mga imahen dahil noon naman daw unang panahon ay hindi gumamit ng mga imahen ang mga tao.

Aba, puwedeng-puwede na wala. Kung mas makakatulong ba ‘yon para mas mapalapit ang isang tao sa Diyos, bakit hindi? Pero kung makakatulong din ang pagkakaroon ng mga imahen, hindi ba maganda rin ‘yon?

Nag-aalala si Bro. Rene na “Paano po kaya ‘yung mga mahihirap na tao na hindi maka-afford to buy images or statues? Ang mayayaman, they could have all images or idols of anything … Then the rich has more chance of being SAVED.”


PAALALA LANG

Sa totoo lang, pagdating sa kaligtasan ay hindi mahalaga kung may imahen o wala ang isang tao. Hindi sa imahen nakasalalay ang pagliligtas ng Diyos. Ang silbi lang talaga ng mga imahen o rebulto ay tulungan ang mga tao na maalala ang Panginoon at ang mga santo. ‘Yon lang ‘yon.

Naitanong din niya kung bakit ang mga imahen o rebulto ay hinahalikan, hinahaplos, inilalagay sa altar, binubuhat at ipinuprusisyon?

Wala ‘yang pinag-iba sa pagkakaroon ng isang tao ng picture ng kanyang mahal sa buhay. May mga tao na humahalik o humahaplos sa picture ng mahal nila sa buhay. May nagpupunas dito. Ang iba ay idini-display sa kanilang desk sa office o sa kanilang bahay.

Pinapalitan na ba nila ang mahal nila sa buhay ng isang picture? Hindi, ‘di ba?

Ganun din lang ang pagturing ng Simbahang Katoliko sa mga imahen at rebulto. Kung may naniniwala na “idols” o “diyus-diyosan” ang mga ito, hindi ang mga Katoliko kundi ang mga hindi Katoliko.

No comments:

Post a Comment