Thursday, November 10, 2011

H’wag magpaloko mag-aral tayo

Pebrero 2, 2003


NALOKO NA BA KAYO?

NARANASAN na ba ninyo ang maloko o magmukhang tanga? O kaya eh ang maniwala sa isang bagay na mali naman pala?

Ano ang pakiramdam? Nag-enjoy ba kayo o umusok sa galit? O kayo ba ‘yung tipo ng tao na napipilitan na lang manindigan sa isang bagay kahit mali?

“Narito na eh. Nagkasubuan at nagkahiyaan na. Panindigan na lang natin kahit mali.” ‘Yan ba ang inyong “motto” o panuntunan sa buhay? Sana naman ay hindi.

Ang sabi naman ng iba ay “Hindi naman maiiwasan ang pagkakamali.”

Kayo, ganito ba ang paniniwala? Ako oo.

Tao lang naman tayo. Hindi tayo Diyos na alam ang lahat ng bagay.


MAKAKAIWAS TAYO

Pero naniniwala rin ako na puwede tayong makaiwas para hindi mabiktima ng mga manloloko at ng mga tulad ng tao na tinatawag ni Lord Jesus sa Matthew 7:15 na “huwad na propeta” o sa Matthew 24:24 na “huwad na kristo.”

Si San Pedro naman ay tinawag sila sa 2 Pedro 2:1 na mga “huwad na mangangaral.” Samantala, si San Juan ay may tinawag sa 1 John 2:18 na mga “anti-kristo” na susulpot.

Siguro kung maloloko o malilinlang tayo sa pera ay pera lang ang mawawala sa atin. Pero kung ang mga sugo na ito ng demonyo ang makakabiktima sa atin, baka mag-goodbye tayo niyan sa ating kaluluwa.

Pero paano nga ba iiwas sa panloloko at panlilinlang ng mga ito?

Sinasabi ni San Juan sa 1 John 4:1,

“Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan ang bawat espiritu, sa halip, SUBUKIN muna ninyo ang mga espiritu kung sila ay mula sa Diyos sapagkat maraming bulaang propeta ang naririto na sa sanlibutan.”

Ngayon, paano tayo “magpapakatalino” at paano natin “susubukin” ang mga espiritu.

Isang paraan ay ang pag-aaral sa kanilang mga sinasabi, partikular sa kanilang mga ginagamit na talata sa Bibliya. Hindi nga ba’t ipinakita sa Matthew 4:6 na kahit ang demonyo ay marunong magbanggit ng citas o talata ng Bibliya?

At si San Pedro, sa 2 Pedro 1:16, ay nagsabi na may mga taong “mangmang at walang katatagan” na magbibigay ng “maling kahulugan” sa mga sinasabi ng kasulatan.

Siguro ay iniisip ninyo na hindi naman kayo “Bible experts” para intindihin ang sinasabi ng Kasulatan. Pero maniwala kayo sa hindi, kakayanin ninyong tumingin kung tama o mali ang sinasabi ng isang “mangangaral.”


KONTEKSTO

Ito ay sa simpleng pagbasa sa buong konteksto ng kanyang sinasabi.

Halimbawa, isang bagong sulpot na “mangangaral” na umaakit ng marami sa pamamagitan ng kanyang magaling na pananalita ay si Bro. Eliseo Soriano.

Kung sakali na marinig ninyo siyang magsalita at magbanggit ng mga talata sa Bibliya, agad ba dapat kayong maniniwala sa kanyang mga sinasabi dahil lamang magaling siyang mangatwiran?

Siya mismo ang nagsabi na “subukin” ang kanyang mga sinasabi.

Minsan, binibigyang katwiran niya ang pangangaral na batay o base lamang sa Bibliya. Ginamit niyang ang talatang Isaiah 34:16 para ipakita na “hindi na kailangan ng kasama” ng Bibliya.

Parang ganito ang sinasabi ng Bibliya na kanilang ginagamit:

“Hanapin ninyo sa aklat ng Panginoon at basahin: Wala rito ang magkukulang, wala ni isa ang maghahanap ng kasama: sapagkat iniutos ng aking bibig at ang espiritu ang nagtipon sa kanila.”

Kung itong nag-iisang talata na ito ang babasahin, lalabas na ang Bibliya ang sinasabing hindi magkukulang at hindi na maghahanap ng kasama.

Ngayon, para malaman kung tama ang paggamit at pakahulugan ni Bro. Eli rito, basahin ninyo ang buong chapter ng Isaiah 34.


PAGSUSURI

Makikita ninyo na ang chapter ay tungkol sa paghihiganti ng Panginoon sa Edom o Idumea. Basahin sa verse 8. Sa verse 9 ay sinasabi kung paano gagawing “nag-aapoy na asupre” ng Panginoon ang mga ilog at lupain ng Edom.

Sa verse 11 ay sinasabi na “maninirahan” at “aangkinin” ng kuwago ang lupain ng Edom. Doon din, ayon sa verse 14, ay magtatagpo ang mababangis na pusa at hayop.

Sa verse 15, ay sinasabi na “gagawa ng pugad doon [sa Edom] ang kuwago at doon mangingitlog.” Dagdag pa rito ay “magtitipon ang mga ibong mandaragit.”

At saka pumapasok ang sinasabi ng verse 16: “Hanapin ninyo sa aklat ng Panginoon at basahin: Wala rito ang magkukulang, wala ni isa ang maghahanap ng kasama: sapagkat iniutos ng aking bibig at ang espiritu ang nagtipon sa kanila.”

Ang tanong ngayon ay alin ang hindi magkukulang at hindi maghahanap ng kasama? Ang “aklat ba ng Panginoon” o ang mga hayop na binabanggit sa mga naunang talata?

Walang iba kundi ang mga hayop na pinatira ng Panginoon sa Edom.

Ang dali lang hindi ba? Kayang-kaya ninyo itong gawin at unawain.

Puwede rin ninyo itong gawin sa ibang talata na bibitiwan ng mga “mangangaral” para kahit papaano ay makaiwas tayo na maloko o malinlang.

No comments:

Post a Comment