Monday, November 21, 2011

Hesus 'walang ninong'

Abril 29, 2003


MARAMING salamat po sa lahat ng nag-text ng kanilang reaksyon at tanong tungkol sa dalawang topic ko nitong Sabado at Linggo.

Ang column ko noong Sabado ay may kaugnayan sa tanong na “May ninong ba si Hesus?”

Nag-react sina Danny D. ng Magallanes, Makati City at si James ng Antipolo.

Ganito ang sabi ni Danny, “Walang ninong o ninang si Hesus kasi Ama ‘yon hindi ninong. ‘Ito ang pinakamamahal kong anak’ ang sabi ng Ama. Kung ninong siya, dapat ang sinabi ay ‘Ito ang pinakamamahal kong INAANAK.’”

Sabi naman ni James, “Mali. Ang ama ay ama. Kailan man ay hindi magiging ninong ang ama na siya n’yo ring sinabi sa talata na iyong binasa.”

Totoo ba na ang Ama ay hindi puwedeng maging “ninong?”

Ano ba uli ang ninong o sponsor? Ito ay isang persona na isa sa mga gawain ay MAGPATOTOO sa binibinyagan. Ngayon, ang ama ba ay puwede o hindi puwedeng “magpatotoo” para sa kanyang anak?

Kung babasahin natin ang John 5:36-37, ito ang sabi ni Hesus,

“Ako ay may PATOTOONG mas higit sa PATOTOO ni Juan. ANG AMA na nagsugo sa akin AY SIYANG NAGPATOTOO patungkol sa akin. Kailan man ay hindi ninyo narinig ang kanyang tinig o nakita ang kanyang anyo.”

Kung NAGPATOTOO ang AMA sa Anak, ibig lang sabihin ay tumayo rin itong “ninong” dito.

Kung hindi tayo naniniwala na NAGPATOTOO ang Diyos AMA sa Anak Niyang si Hesus, eh ‘di sige. Huwag tayong maniwala sa sinabi ni Hesus.


u u u

Ganito naman ang tanong ni Orion Vernal ng Bacolod City, “Kung ang ninong ni Hesus ay ang Diyos Ama, bakit kumukuha pa tayo ng ibang tao para magninong dahil may parents naman tayo?”

Sa Catholic faith, ang mga magulang talaga ang “primary sponsors” o pinaka-ninong at ninang ng binibinyagan - gaya na nga ng ehemplong ipinakita ng Diyos Ama.

Pero kung babalikan natin ang pagbibinyag ni Hesus sa Matthew 3:16-17, makikita natin na hindi nag-iisa ang Diyos Ama na nagpatotoo sa Panginoon.

Sinasabi ng verse 16,

“Nang mabautismuhan si Hesus, kaagad siyang umahon sa tubig at sa saglit na iyon ay nabuksan ang langit at nakita niya ang Espiritu ng Diyos na bumababang tulad ng isang kalapati at lumapag kay Hesus.”

May “katuwang” ang Ama sa pagpapatotoo kay Hesus at ito ang Espiritu ng Diyos.

Tayong mga Katoliko ay naniniwala na iisa ang Diyos pero ito ay may tatlong persona: Ang Ama, Ang Anak at Ang Espiritu Santo. Dahil dito, sinasabi natin na ang Diyos ay isang “komunidad.”

Iisa rin ang Iglesia pero marami rin itong miyembro. Kaya nga ang Iglesia ay isang “komunidad.”

Sa binyag ni Hesus, dumalo ang dalawa pang “miyembro” ng pagka-Diyos at nagpatotoo sa Anak. Hindi lang ang Diyos Ama ang nagpatotoo sa Diyos Anak kundi maging ang Diyos Espiritu Santo ay nagpatotoo sa Kanya.

Ganoon din ang nangyayari sa pagbibinyag sa Iglesia Katolika. Hindi lang ang mga magulang ang nagpapatotoo sa binibinyagan kundi naroon din ang ibang miyembro ng komunidad na kinakatawan ng “ibang ninong at ninang.”

Kung paano nagkaisa ang mga persona ng Diyos sa pagpapatotoo sa pagbibinyag ni Hesus ay ganoon din nagkakaisa ang mga miyembro ng Iglesia sa pagpapatotoo tuwing may binibinyagan.

Diyan natin makikita na ang binyag sa Simbahang Katoliko ay tunay na sumasalamin sa binyag ng ating Panginoong Hesus sa Bibliya.

No comments:

Post a Comment