Sunday, November 20, 2011

‘Di pagkain ng karne, ‘aral ng demonyo?’

Marso 16, 2003


KUWARESMA na naman. Madalas na naman nating maririnig ang mga salitang “fasting” at “abstinence.”

Ang “fasting” at “abstinence” o ang pansamantalang pag-iwas sa ilang pagkain ay malaking bahagi ng Kuwaresma o Lent, ang panahon kung kailan inaanyayahan tayo ng Simbahan para mag-isip tungkol sa ating buhay at maiugnay ito sa pagliligtas na ibinibigay ng ating Panginoong Hesu Kristo.

Noong unang panahon ng Kristiyanismo, ang “fasting” at “abstinence” ay ginagawa sa buong taon, partikular sa mga araw ng Miyerkules, Biyernes at Sabado.

Ang mga gawaing ito sa panahon ng Kuwaresma ay bilang paghahanda sa pagdiriwang ng sangka-Kristiyanuhan ng Pasko ng Pagkabuhay o Easter Sunday.

Napakaganda ng “fasting” at “abstinence” para sa paghahanda. Maging si Lord Jesus ay nag-ayuno ng 40 araw at 40 gabi bilang paghahanda sa Kanyang ministeryo.

Mababasa natin sa Matthew 4:1-2 ang ganito, “Nang magkagayon, pinatnubayan ng Banal na Espiritu si Jesus sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. Nang siya ay makapag-ayuno na ng apatnapung araw at apatnapung gabi, nagutom siya.”

Ang lahat ng Kristiyano ay hinikayat na mag-aayuno at umiiwas sa karne dahil malaki ang naitutulong nito sa pag-alala sa paghihirap na dinanas ni Lord para mailigtas tayo sa ating mga kasalanan.

Sa paglipas ng panahon, bandang 12th century ay nagkaroon ng pagbabago sa pag-alala. Ang pagpa-fasting ay ginawa na lang tuwing Ash Wednesday at lahat ng Biyernes ng taon. Mahalaga ang araw ng Biyernes dahil ito ang araw na ipinako sa krus at namatay ang ating Tagapagligtas.

Simula ng mid-1960s, ang mga Kristiyano, partikular ang mga Katoliko, ay hinihikayat na mag-aayuno at mag-abstain sa karne tuwing Ash Wednesday at Biyernes Santo. Samantala, ang lahat ng Biyernes sa panahon ng Kuwaresma ay araw ng pag-iwas sa pagkain ng karne.

Sinu-sino ba ang hinihikayat na mag-fasting at mag-abstinence?

Ang “fasting” ay para lang sa mga tao na may edad 18 hanggang 59. Ang mga may sakit at mahihina ay hindi na kasama rito. Samantala, ang pansamantalang pag-iwas sa pagkain ng karne ay para sa lahat na may edad mula 14 anyos pataas.

Ayon sa Simbahan, malaki ang nagagawang mabuti sa isang tao kung pipiliin ng isang tao na umiwas sa mga bagay na nagdudulot at nagbibigay sa kanya ng “sarap.” Kasama na riyan ang pakikipagtalik, ang pagkain ng kendi o panonood ng sine at iba pa.

Ang gustong mangyari ng “abstention” ay matuto tayong “magbigay” ng isang bahagi ng ating sarili para madama natin kahit papaano kung ano ang ibinigay ng Panginoon para mailigtas tayo sa kaparusahan na dala ng ating mga kasalanan.

Sabi nga sa John 3:16,

“Ganoon na lang ang pagmamahal ng Diyos sa sanlibutan na IBINIGAY niya ang kanyang bugtong na anak nang sa gayon ay sino man ang manampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.”

Si Hesus naman ay IBINIGAY ang Kanyang buhay para sa lahat.

Pero sa kabila ng kagandahan at kadakilaan na dala ng pag-a-“abstain,” may mga tao na nakukuha pang siraan at batikusin ang paggawa nito.

Sa pamamagitan ng MALI nilang pag-unawa sa Bibliya ay itinuturing pa nilang “sa demonyo” ang pag-a-“abstain.”

Ginagamit nila ang 1 Timothy 4:1-3 kung saan nasusulat:

“Ngunit maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa huling panahon ay iiwan ng ilang tao ang pananampalataya. Bibigyang pansin nila ang mga espiritung mapanlinlang at ang mga katuruan ng mga demonyo … may ipinagbabawal sila na pagkain...”

Iniuugnay nila ang aral ng demonyo na nagbabawal sa ilang pagkain sa pag-abstain ng mga Katoliko sa ilang pagkain tuwing Kuwaresma.

Nagkakamali ang mga naninira sa pag-intindi sa talatang ito dahil kung babasahin natin ang kasunod na talata sa 1 Timothy 4:4 ay makikita natin ang pagkakaiba ng “aral ng demonyo” sa “abstention.”

Sabi sa 4:4, “Ito ay sapagkat ang lahat na nilikha ng Diyos ay mabuti, na dapat tanggaping may pasasalamat at hindi ito dapat itakwil.”

Sa “aral ng demonyo” kaya ipinagbabawal ang ilang pagkain ay dahil itinuturing ito na “hindi mabuti” at ito ay “itinatakwil.”

Sa “abstention,” hindi nito sinasabi na “masama” ang ilang pagkain. Hindi rin “itinatakwil” ang mga ito kundi isinasa-isangtabi lamang. Pagkalipas ng Biyernes ay puwede na uli itong kainin.

Diyan pa lang ay makikita natin na kung paano binabaluktot ng demonyo ang aral ay ganoon din kung baluktutin ng ilang “mangangaral” ang katotohan para nila masira ang isang mabuting bagay.

1 comment:

  1. Kaya po pala Hindi sila kumakain ng "puto" Kasi itinatakwil nila Ito.

    ReplyDelete