Monday, November 21, 2011

Sino ang ‘ninong’ nang binyagan si Hesus?

Abril 26, 2003


MAY tagasunod ng isa sa mga bagong sulpot na "mangangaral" ang nagtanong sa akin tungkol sa gawain ng mga Katoliko kaugnay sa pagbibinyag.

Pinuntirya niya ang pagkakaroon ng mga ninong at ninang ng isang binibinyagan.

Gusto niyang patunayan na mali ang ginagawa ng mga Katoliko at ang kanilang gawain sa pagbibinyag ang tama.

Dahil nakabatay raw sa Bibliya ang kanilang paniniwala ay wala silang mga ninong o ninang. Si Hesus daw kasi nung binyagan ni Juan Bautista sa Ilog Jordan ay walang ninong o ninang.

Katulad na katulad ng kanyang pinaniniwalaang "mangangaral" ay ganito ang naging hirit ng aking kausap: "Sige nga, may makikita ba sa Bibliya na may ninong si Hesus noong siya ay binyagan?"

Kung maririnig lang ninyo ang aking kausap ay magugulat kayo sa bangis ng kanyang pananalita.

Parang galit na galit siya sa mga Katoliko na kung ituring niya ay parang mga Satanista o anti-Kristo.

Puno rin siya ng kayabangan tungkol sa "aral" na ibinigay sa kanya ng halos sambahin niyang "mangangaral."

Sabagay, mayroon siyang pinagkunan ng kanyang kayabangan at mapagmataas na postura. Kung ano siya ay ‘yon ang nakuha niya mula sa kanilang tagapangaral na puno rin ng hangin, lalo ng pagmumura.

Para ipakita na mali ang sinasabi niya tungkol sa gawain ng Katoliko ay tinanong ko siya kung alam niya kung ano ang papel ng isang "ninong."

Nang hindi niya ito masagot ay ipinaliwanag ko ito sa kanya.

Sabi ko, ang isang "ninong" o "ninang" ay tumatayong "sponsor" o saksi para sa isang binibinyagan.

Kasama sa mga papel ng "ninong" o "sponsor" ay magpatoto para sa binibinyagan. Halimbawa, na ito ay galing sa isang Kristiyanong pamilya at karapat-dapat itong binyagan.

Gawain din ng "ninong" o "sponsor" ang gabayan ang binibinyagan upang tumahak ito sa tamang landas.

Ang tanong kung mayroong "ninong" si Hesus noong siya ay binyagan ay pagtatanong kung mayroon bang "nagpakilala" sa kanya at tumayo para "magpatoto" sa Kanya.

Para makita namin ng kausap ko ang sagot, kumuha ako ng Bibliya at binasa ko ang Matthew 3:16-17. Dito ikinukuwento ang pagbibinyag kay Hesus ni Juan Bautista.

Heto ang sabi ng mga talata,

"Nang mabautismuhan na si Jesus, kaagad siyang umahon mula sa tubig. Sa saglit na iyon ay nabuksan ang langit at nakita niya ang Espiritu ng Diyos na bumababang tulad ng isang kalapati at lumapag kay Jesus."

"Isang tinig mula sa langit ang nagsabi: Ito ang pinakamamahal kong anak na labis kong kinalulugdan."


Sino ang nagsalita? At ano ang sinabi nito?

Ang nagsalita ay ang Diyos Ama at ang ginawa Nito ay ipinakilala ang "pinakamamahal" Niyang Anak na labis Niyang kinalulugdan.

Although kilala na ni Juan si Hesus bago pa niya ito bininyagan ay ipinakilala pa rin ng Ama ang Panginoon.

Ganito pa nga ang sabi ni Hesus sa John 5:36 at 37,

"Ako ay may patotoong mas higit kaysa sa patotoo ni Juan ..."

"Ang Ama na nagsugo sa akin ay siyang nagpatotoo patungkol sa akin. Kailanman ay hindi ninyo narinig ang kaniyang tinig o nakita ang kanyang anyo."


Ano ang ginawa ng Ama para kay Hesus?

Siya ang "nagpatotoo" kung sino ang Panginoon.

Ano ba ang isang gawain ng isang "ninong?" Hindi ba ito ang nagpapakilala o nagpapatotoo sa binibinyagan?

Kung ganoon, sino ang "ninong" ni Hesus noong Siya ay binyagan?

Ang sabi ng Bibliya at ang sabi ng mismong si Hesus na ito ang Diyos Ama.

Meron bang "ninong" ang Panginoon? Meron.

Ang hirap kasi sa ibang mangangaral (kuno) ay kung anu-ano na lang ang sasabihin basta lang makapanira ng iba. Ang isa pa riyan ay magkukunwaring memoryado niya ang Bibliya.

Ganoon? Eh bakit hindi niya alam na may "ninong" si Hesus nung Siya ay binyagan ni Juan?

Hindi kaya memoryado lang niya ang mga talata na magagamit niya laban sa iba at para maisulong ang baluktot niyang doktrina?

Pero hindi na bale. Kaya nga ginagawa nating ipaliwanag ang mga mali at masamang itinuturo ng mga tulad niya para dito man lang ay malaman natin ang katotohanan.

No comments:

Post a Comment