Thursday, November 24, 2011

Eliseo Soriano: Hudyo ba o Kristiyano?

Mayo 27, 2003


NADUROG ang puso ko nang marinig ko ang pinakahuling pahayag ni Eliseo Soriano tungkol sa krus.

Nasumpungan ko noong Linggo ng gabi ang pagtatanong ng isang babaeng Katoliko kay Soriano patungkol sa pagku-Krus. At talaga namang kagulat-gulat ang mga isinagot ng pinuno ng Ang Dating Daan.

Una, pilit pinalabas ni Bro. Eli na magkaiba ang “krus ni Kristo” sa krus na pinagpakuan sa Kanya.

Pangalawa, inilarawan niya ang krus ni Kristo bilang simbolo ng kamatayan.

Pangatlo, binago ni Soriano ang krus mula sa instrumento kung saan ipinako ang Panginoon at ginawa itong “pamatok” o ang kahoy na inilalagay sa leeg ng isang hayop na kumakaladkad ng kariton.

Pang-apat, idineklara ni Soriao na dapat ikahiya ang krus dahil ito raw ay isang “sumpa.”

Sa unang punto, pinalabas ni Soriano na ang krus na pinagpakuan kay Kristo ay hindi kay Kristo, kundi sa Imperyo Romano.

Hindi nga ba kay Kristo ang krus na Kanyang pinasan? Ano ang sinasabi ng Bibliya – na ayon kay Soriano ay dapat sundin?

Ganito ang sabi ng John 19:17,

“At lumabas siya [si Hesus ang tinutukoy] na pasan ang KANYANG krus patungo sa kung tawagin ay Lugar ng Bungo, Golgota sa Hebreo.”

Sa Matthew 27:32, ganito naman ang pahayag,

“Habang sila ay papalabas, nasalubong nila ang isang taga-Cirenea na nagngangalang Simon at pinilit nila itong dalhin ang kanyang krus.”
Ang tinutukoy ng salitang “kanyang” dito ay si Hesus.

So, ayon sa Bibliya, kanino ang krus na dala o pasan ni Hesus? Eh ‘di kay Hesus! Hindi ito sa Imperyo Romano tulad ng sinasabi ni Soriano.

Simbolo ba ng kamatayan ang krus ni Kristo? Inihalintulad ni Soriano ang krus sa “silya elektrika.” Sabi niya, kung doon ba pinatay ang tatay mo magsasabit ka ng silya elektrika sa leeg mo?

Ano ang sabi ng Bibliya? Sa Galatians 3:13 ay ganito ang isinasaad,

“TINUBOS tayo ni Kristo sa sumpa ng kautusan sa pamamagitan ng pagiging isang sumpa para sa atin, sapagkat nasusulat, ‘Isinumpa ang bawat ibinitin sa punongkahoy.”

Noong ipako si Hesus sa krus ay “isinumpa” Siya. Pero kamatayan ba ang naging bunga nito?

Hindi. Ang naging epekto nito ay “NATUBOS” tayo sa sumpa. Kung susundan pa natin ang sinasabi ng Gal 3:14 ay mababasa natin, “nang sa gayon ang pagpapala kay Abraham ay makamtan din ng mga Hentil.”

Sa Bibliya, “hentil” ang tawag sa lahat ng tao na hindi Hudyo. Ibig sabihin kasama tayo roon.

Ano ang “pagpapala kay Abraham?”

Ipinaliwanag ito sa Gal 3:6. Sabi ng Banal na Kasulatan,

“Kaya nga si Abraham ay naniwala sa Diyos at ito ay itinuring na matuwid.”
Sa 3:11 ay sinasabi,
“ang taong matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya ay MABUBUHAY.”

Dahil sa “pagkakabitin” ni Hesus sa punongkahoy ay “TINUBOS” Niya tayo kaya nga tayo man ay itinuturing nang “matuwid” tulad ni Abraham at karapat-dapat nang “mabuhay.”

Makikita rito na hindi kamatayan kundi buhay ang dala ng pagkamatay ni Hesus sa krus. Kaya nga ang krus ay hindi na simbolo ng kamatayan kundi simbolo na ng buhay.

Kaya nga sinasabi ng 1Corinthians 1:18,

“Ang mensahe ng krus ay kagaguhan sa mga napapahamak pero PARA SA ATING INILILIGTAS ito ang KAPANGYARIHAN NG DIYOS.”

Kaya nga sa mga Katoliko, hindi kamatayan ang naaalala nila kapag nakakakita sila ng krus o kung nagku-Krus sila sa noo, sa labi at sa dibdib. Ang mensahe kasi ng krus ay ang “kapangyarihan ng Diyos.”

Dapat bang ipagmalaki o ikahiya ang “kapangyarihan ng Diyos?”

Sabi ni San Pablo sa Galatians 6:14, “Nawa’y ‘di ako magmalaki sa anumang bagay liban sa krus ng ating Panginoong Hesu Kristo.”

Ngayon, kung may suot kang krus o kung ito ay isisenyas mo at naalala ng ibang tao ang “kapangyarihan ng Diyos” kung, dapat ka bang mahiya?

Siguro tututol ka kung ikinahihiya mo ang Diyos.

Ang tanong ay tutulad ba tayo kay San Pablo na “ipinagmalaki” ang “krus” o susunod tayo kay Bro. Eli na ikinahihiya ang krus? Nasa sa atin ang desisyon.

Incidentally, ginamit ni Bro. Eli ang Galatians 3:13 para suportahan ang kanyang alegasyon na dapat “ikahiya” ng krus. Tumutok siya sa mga salitang,

“Isinumpa ang bawat ibinitin sa punongkahoy.”

Hindi niya nakita ang mas mahalagang bahagi ng talata, kung saan sinabi na “TINUBOS tayo ni Kristo sa sumpa ng kautusan sa pamamagitan ng pagiging isang sumpa para sa atin.” Hindi rin niya nakita ang mga bunga ng “pagkakabitin” o pagkakapako ni Hesus sa krus.

Sabagay, may sinabi ang Panginoon sa Matthew 13:14:

“Ang pahayag ni Isaias ay natupad sa kanila, ‘Makaririnig kayo pero wala kayong maiintindihan. Kayo ay TIYAK NA TITINGIN pero HINDI MAKAKIKITA.”

Kayo, nakikita ba ninyo ang hindi makita ni Soriano?

Pero hindi ito ang nakasisindak. Alam ba ninyo na ‘yang dahilan ni Soriano laban sa krus ay siya ring dahilan kung bakit maraming Hudyo ang ayaw sa Kristiyanismo?

Sabi nga ng 1 Corinthians 1:23,

“Ipinahahayag namin si Kristo na IPINAKO SA KRUS, isang KATITISURAN sa mga Hudyo at kahangalan sa mga Hentil.”

Hindi matanggap ng mga Hudyo si Hesus dahil nga “isinumpa” raw ito.

Pero ano ang sabi ni Lord sa Luke 7:23? Sabi niya,

“Mapalad ang tao na hindi naeeskandalo sa akin.”

At kung titingnan natin ang orihinal na salita sa Griego ng “naeeskandalo,” ang nakalagay ay “skandalizo” na ang ibig sabihin ay “katitisuran” o “balakid.” Angkop na angkop sa sabi ng 1 Corinthians 23.

Maiisip tuloy natin, “Hudyo ba o Kristiyano si Soriano?”

Tayo? Magpapaka-Hudyo ba tayo o magpapaka-Kristiyano?

1 comment:

  1. nabubuhay pa po ba ang lolo ng lolo mo?? pano mo nasabi na ligtas na tayo sa kamatayan?? ang krus po ay kamatayan at ang buhay ng walang hanggan ay makakamtan lamang kung ikaw ay gagawa at naniniwala sa bibliya. para saakin bilang isang katoliko. tama po si soriano.

    ReplyDelete