Monday, November 28, 2011

Bibliya o Tradisyon? Ano ang angat?

Hunyo 1, 2003


“DAPAT na nakasulat sa Bibliya ang lahat ng gagawin at paniniwalaan ng isang Kristiyano.”

Sa pahayag na iyan nagsimula ang serye ng pagtalakay patungkol sa Bibliya at sa Banal na Tradisyon na ginawa ko sa column na ito may ilang linggo na rin ang nakakaraan.

Ang pahayag, na iyan na napatunayan nating WALA SA BIBLIYA, ay ginawa ng isang mangagaral na ang layunin ay ilagay sa alanganin ang mga tao, partikular ang mga Katoliko, na may paniniwala na hindi tuwirang binabanggit sa Banal na Kasulatan.


HINDI LAHAT DAPAT NASUSULAT

May isang nagsabi sa akin na “Bakit ang mga Katoliko, hindi rin naman nakasulat sa Bibliya ang lahat ng ginagawa hindi mo kinukulit?”

Simple lang kung bakit. Dahil nga ang mga Katoliko ay naniniwala na HINDI LAHAT ng dapat gawin o paniwalaan ng isang Kristiyano ay dapat na nasusulat sa Bibliya.

Mayroon kasing sinusunod ang mga Katoliko na kahit pa hindi tuwirang isinasaad sa Bibliya ay tiyak naman na may batayan sa Kasulatan at tiyak na hindi sasalungat sa sinasabi ng Bibliya. ’Yan ang “Sacred Tradition” na siyang “oral tradition” na binabanggit sa 2 Thessalonians 2:15.

Ang sabi ng talata ay “Kaya nga manindigan kayong matatag at panghawakan ang mga TRADISYON na aming ibinigay sa pamamagitan ng SALITA o ng SULAT.”

Sa kabilang dako, gumawa ng aral ang isang “mangangaral” na DAPAT daw ay nasusulat o nasa Bibliya ang lahat ng aral samantalang ang mismong aral na kanyang ibinigay ay wala naman sa Bibliya.


'DAPAT NASUSULAT,' WALA SA BIBLIYA

Hindi ba kataka-taka ’yon? Dapat daw ay nasusulat pero ’yung mismong aral niya ay WALA sa Bibliya? Hindi ba obvious na inimbento lang niya ang aral na iyon?

Samantala, maraming talata sa Bibliya na nagsasabi na “maraming bagay” ang hindi nasusulat dito.

Kasama na rito ang “oral traditions” na binabanggit sa 2 Thessalonians at ang iba pang gawain ng Panginoong Hesus na “hindi naisulat” ayon sa John 20:30 at John 21:25.

Romans 6:17 ay sinabi ni San Pablo,

“Salamat sa Diyos dahil kahit dati kayong mga alipin ng kasalanan buong puso ninyong sinunod ang mga aral na ipinagkatiwala sa inyo.”

Ano ang mga “aral” na ito na sinusunod nila? Ito ba ang mga aral ng Bibliya?

Tiyak na hindi dahil nabuo lang ang Bibliya noong 393 at 398 nang ideklara ng mga konseho ng Simbahang Katoliko kung anu-anong aklat at sulat ang “inspired” o “kinasihan” ng Diyos.

Tiyak na hindi alam ng marami na may higit 200 sulat at aklat sa nagsimulang kumalat sa panahon pa ng mga Apostol. Sabi nga ni San Pablo sa 2 Thessalonians 2:2,

“Hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, na huwag mabahala o matakot sa ilang pahayag, ulat o SULAT na sinasabing nanggaling sa amin.”

Ibig sabihin, hindi lang ang mga sulat ng mga Apostol ang kumakalat kahit noong mga panahon na iyon. Marami ring “huwad” na sulat na nagkukunwaring galing sa mga Apostol.

Kaya nga kinailangang isa-isahin ng mga pinuno ng Iglesia noon ang lahat ng mga aklat at sulat na ito para matunton ang mga kasulatan na “inspired” o “hiningahan” ng Diyos.

Pero maging ito ay hindi naging madali dahil maging ang mga unang Kristiyano ay hindi nagkasundo kung alin-alin ang Banal na Kasulatan at kung alin ang mga ordinaryong sulat lang.


IBA-IBA ANG LISTAHAN

Ang ilan sa mga listahan ng mga naunang aklat ay ang listahan ni Ireneus, isang obispo ng Lyons sa Asia Minor, na naglista ng 20 aklat noong 130 AD. Isa pang listahan ay naitala ni Origen noong 185 AD pero 22 aklat lang kasama rito.

Ang unang pinakabuong listahan ng mga Banal na Kasulatan ng Kristiyanismo ay ginawa ni Obispo Athanasius noong 296 AD kung saan ang lahat ng 27 aklat ng New Testament ay kasama

Sa kabila ng mga listahang ito, maraming Kristiyano - depende sa lugar at kung sino ang namumuno sa kanila - ay iba-iba pa rin ang itinuturing na “inspired” at “not inspired” na kasulatan.

Para maresolba ang pagkakaiba-iba, ay inilunsad ang Council of Hippo noong 393 AD para mapagusapan kung alin-alin sa mga aklat ang tatanggapin ng Simbahan at kung ano ang itatakwil. Dito unang idineklara ang 27 aklat ng New Testament bilang Kasulatan.

Pero nagpatuloy ang pagkakahati-hati kaya noong 398 AD ay inilunsad naman ang Council of Carthage kung saan tuwirang idineklara na ang 27 aklat at sulat na laman ng New Testament ay siyang mga “inspired” na Kasulatan ng Kristiyanismo.

Ang dalawang konseho na ito ay binuo ng mga obispo at pinuno ng Simbahang Katoliko.

Paano nila pinili ang mga Banal na Aklat? Diyan naging mahalaga ang “oral tradition” na sinasabi ni San Pablo. Sa pamamagitan ng “oral tradition” ay kinilala ng mga obispo ng Simbahang Katoliko.

Kung wala ang “oral o Sacred Tradition” ay malamang na hanggang ngayon ay nagtatalo-talo pa rin ang mga Kristiyano kung ano ang kasama at hindi kasama sa Ibig bang sabihin nito na “mas mataas” ang “Sacred Tradition” kaysa Bibliya?

Hindi. Mula nang makilala ng mga pinuno ng Simbahang Katoliko ang mga Banal na Kasulatan ay itinuring na itong kapantay ng “Sacred Tradition” at ngayon nga ay bahagi ng iisang aral sa loob ng Iglesia.

No comments:

Post a Comment