Wednesday, November 23, 2011

Namamana ba ang kasalanan?

Mayo 3, 2003


SA NAKALIPAS na ilang Sabado ay tinalakay ko sa column na ito ang tungkol sa binyag.

Isa sa mga naging topic ko ay ang pagbibinyag sa mga bata na ginagawa sa Simbahang Katoliko pero tinututulan naman ng maraming iba pang grupong kristiyano.

Higit na tumututol at tila mas mabangis pa sa pagkontra ay ang mga grupong "bagong sibol" na nabuo lang nitong mga nakalipas na dekada o siglo.

Sa kanilang pagtutol, kinukuwestiyon din nila ang iba pang paniniwala ng mga Katoliko na may kaugnayan sa pagbibinyag sa mga bata.

Isa na nga rito ang tinatawag na "Original Sin."

Sa lahat ng mga doktrina sa Kristiyanismo, partikular sa Katolisismo, isa na ang “Original Sin” sa mga hindi naiintindihan ng marami.

Maraming grupo, tulad ng samahan na Ang Dating Daan ni Eliseo Soriano, ang mayroong maling paniniwala tungkol sa itinuturo ng Simbahan Katoliko kaugnay ng “Original Sin.”

Ayon sa kanila, ang itinuturo raw ng Katolisismo ay “namana ng mga tao ang kasalanang ginawa nina Eba at Adan.”

Kumbaga, kung nilabag nina Eba at Adan ang kautusan ng Diyos na huwag kumain mula sa puno ng kaalaman ng kabutihan at kasamaan ay ito na rin daw ang kasalanan ng lahat ng naniniwala sa “Original Sin.”

Hindi po ito ang ibig sabihin ng doktrina ng “Original Sin” at hindi rin ito ang itinuturo ng Simbahan.

Sa doktrina ng “Original Sin,” hindi ang mismong kasalanan nina Eba at Adan ang namamana ng tao kundi ang EPEKTO ng kanilang ginawa.

Para maintindihan natin ito, basahin natin ang Genesis 3:16 hanggang 19. Dito ay nadiskubre na ng Panginoon ang ginawang pagsuway nina Eba at Adan sa Kanyang utos. Dahil dito ay pinarusahan Niya ang mga ito.

Sa verse 16:

“Sa babae sinabi Niya: Patitindihin ko ang hirap ng iyong panganganak; mapupuno ng sakit ang pagluluwal mo ng iyong mga anak. Sa kabila nito, mananabik ka sa iyong asawa at siya ang magigi mong panginoon.”

“Sa lalaki sinabi niya … ‘Sumpain ang lupa nang dahil sa iyo. Bubungkalin mo ito para makain ang kanyang bunga sa buong buhay mo. Uusbong dito and mga tinik at kakain ka sa mga halaman sa parang."


Sa verse 19 ay ganito ang sinabi ng Diyos kay Adan,

“Kakain ka sa pamamagitan ng pawis na tumutulo sa iyong mukha hanggang sa bumalik ka sa lupa kung saan ka nagmula. Dahil ikaw ay lupa at sa lupa ka rin magbabalik.”

Ang lahat ng paghihirap na ito ang bunga ng “Original Sin.” Dahil sa kasalanang ginawa nina Eba at Adan ay pumasok ang paghihirap sa mundo at ito ang nararanasan natin ngayon.

Sa doktrina ng “Original Sin,” ang minana natin ay hindi ang kasalanan nina Adan at Eba kundi ang epekto ng kasalanan nila.

Pero may mas matinding ibinunga ang “Original Sin.” Ito ang pagkawala sa tao ng pagkakataong mabuhay nang walang hanggan.

Sa Genesis chapter 2, makikita natin na napaka-espesyal na nilalang ng tao. Iginawa pa siya ng Diyos ng isang hardin sa Eden kung saan itinanim ng Panginoon ang lahat ng uri ng bungang kahoy kasama na ang “puno ng buhay” at ang “puno ng kaalaman ng kabutihan at kasamaan.”

Sa lahat ng puno, ang tanging ipinagbawal ng Diyos na kainan ng tao ay ang “puno ng kaalaman ng kabutihan at kasamaan.” Ibig sabihin, puwedeng-puwede sana silang kumain ng prutas ng “puno ng buhay” pero pinili pa nilang suwayin ang kalooban ng Panginoon.

At dahil nga hinangad nila na maging tulad ng Diyos (Gen 3:5-6), hindi lang sila naparusahang maghirap, napalayas pa sila sa hardin.

Sabi sa Gen 3:22,

“Hayan! Ang tao ay naging tulad na natin na alam ang kabutihan at kasamaan! Kung ganoon, hindi dapat siya mapayagang kumain din sa puno ng buhay at magkaroon ng buhay na walang hanggan.”

Dahil nga dito, dagdag ng verse 23,

“Pinalayas sila ng Panginoong Diyos mula sa Eden.”

Hindi na sila nakakain sa puno ng buhay at nawala sa kanila ang buhay na walang hanggan.

Sa binyag, isinasama tayo sa kamatayan ni Kristo at maging sa Kanyang pagkabuhay na muli at sa buhay na walang hanggan.hindi po ba?

Pinawawalang bisa nito ang epekto ng "Original Sin."

Ang ganda, hindi ba?

2 comments: